Barikada sa Benguet vs dambuhalang minahan, itinayo
Sa kanilang nagkakaisang patutol sa minahan ng Crescent Mining and Development Corporation, nagtirik ng mga taga-Mankayan, Benguet ng barikada para harangin ang tauhan at gamit ng kompanya.
Isang misa ang idinaos hindi sa loob ng simbahan, kundi sa mismong barikadang itinayo ng mga residente sa Mankayan, Benguet noong Okt. 13.
Sa gitna ng lamig ng Kordilyera, lalong pinainit ng mga katutubong Kankanaey sa Barangay Bulalacao at Barangay Guinaoang ang kanilang paninindigan: walang dadaan na sinumang kinatawan o kagamitan ng Crescent Mining and Development Corporation (CMDC).
Iisinagawa ang pagtitipon matapos ilabas kamakailan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang Certification Precondition (CP) para sa CMDC, isang hakbang na lalong nagpaalab sa galit ng mga residente.
“Paano na ang aming kabuhayan at ang kinabukasan ng aming mga anak [at] apo kung sisirain ng minahan ang lugar namin?” tanong ni Gary Dulag, isang elder sa komunidad.
Para sa kanila, ang bawat piraso ng lupa’y hindi lang taniman, kundi buhay na ipinamana at ipapamana pa.

Ang barikada ay direktang tugon sa iginigiit ng mga residente sa “mapanlinlang” at “ilegal” na pag-renew sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng CMDC. Saklaw ng nasabing permit ang 533.4 ektarya ng kanilang lupang ninuno.
Napaso ang orihinal na MPSA ng kompanya noong Nob. 12, 2021, ngunit nag-anunsiyo ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na na-renew ito noong Marso 2022.
Giit ng mga residente, pinangunahan ng mga opisyal ng NCIP ang pagbalewala sa kanilang karapatan.
Ayon kay Marlo Pablo, ang Indigenous Peoples’ Mandatory Representative (IPMR) ng mga katutubo sa barangay, nabigyan ng “go signal” ang MGB na i-renew ang permit dahil sa isang sertipikasyong inilabas ni Atanacio Addog, ] dating Regional Director ng NCIP-Cordillera Administrative Region noong Disyembre 2021.
Nakasaad umano sa dokumento na “walang pagtutol” ang ahensiya sa renewal basta’t tatapusin ng CMDC ang proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), isang malinaw na paglabag sa diwa ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).
Inilalahad ng IPRA na kailangan munang makuha ang pahintulot ng mga katutubo bago mag-isyu o mag-renew ng anumang permit.
“Ang sertipikasyon noong Disyembre [2021] ay isang pekeng dokumento at hindi dapat maging kapalit ng isang certificate of precondition at FPIC,” paliwanag ni Pablo.
Dahil sa umano’y maanomalyang renewal, nagpatuloy ang CMDC sa pagpasok sa kanilang lugar. Bago pa ang barikada ngayong buwan, nagtayo na rin ng harang ang komunidad noong Hunyo 2022 nang unang magdala ng mga drilling equipment ang kompanya.
Banta sa tubig at buhay
Bukod sa usaping legal, pinangangambahan ng mga residente ang tiyak na pagkasira ng kanilang komunidad.
“Kung tuluyang magiging minahan ang aming lugar, ang buong Bulalacao ay mawawalan ng lupain na masasaka at bahay na matutuluyan,” sabi ni Pablo. “Lahat ng bahay ay siguradong mawawala at ‘di na maibabalik ang Bulalacao sa dati nitong kaanyuan.”
Pinangangambahan din nila ang tiyak na pagkasira ng mga bukal at ilog na nagpapatubig sa kanilang mga palayan at taniman ng gulay. Ang mga daluyan ng tubig mula rito ay bumababa patungo sa Abra River na pinagkukunan din ng tubig ng iba pang komunidad.

Sabi naman ni Darwin Badecao, isang katutubong elder sa komunidad, ang ikinakabahala nila ang kanilang kapiligiran, kabuhayan at inuming tubig na maapektuhan ng pagminina.
“Hindi namin ipinaglalaban ang royalty na ibinibigay ng kompanya dahil mauubos din ang pera,” aniya.
Dagdag pa sa kanilang alalahanin, dalawang kompanya ng mina na ang may operasyon sa kanilang lugar. Nariyan din ang Lepanto Consolidated Mining Corporation, ang isa sa mga pinakamatandang minahan sa bansa.
“Kung [ang] Lepanto ay nagdi-drill sa isang banda at si Crescent naman sa kabila, saan kami pupulutin?” sabi ni Leonardo Baguingey, isang kagawad sa barangay.
Pananagutan at paninindigan
Hindi lang sa barikada dinadala ng mga residente ang kanilang laban. Noong Ago. 27, nagsagawa sila ng isang kilos-protesta sa Baguio City para ipanawagan ang pagbasura sa permit ng CMDC.
Kasunod ito ng kanilang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng NCIP-CAR at MGB-CAR noong Disyembre 2024. Ngunit, ayon sa Cordillera Peoples Alliance, halos isang taon na ang lumipas pero wala pa ring aksiyon ang gobyerno para panagutin ang mga opisyal.
Noong Hunyo 2022, matagumpay ang itinayong barikada sa bayan ng Mankayan at napaatras nila ang operasyon ng kompanya dahil sa kanilang pagkakaisa.
Kasabay ng paglulunsad ng bagong barikada ang pagbuo ng No Mines Movement of Guinaoang and Bulalacao, isang alyansa na layong palakasin ang kanilang pagkakaisa.
Sa kanilang deklarasyon, iginiit nila ang tungkuling “pangalagaan, protektahan at pagyamanin ang mga pangkulturang kahalagahan, likas na yaman at ang kolektibong kinabukasan ng mamamayan.”
Para sa mga katutubo ng Mankayan, ang laban ay hindi lang para sa lupa. Ito’y pagtindig para sa kanilang kultura, kasaysayan, at sa karapatang magpasya para sa kanilang kinabukasan.