Laban ng MMDA, laban ng mga kawani
Liban sa mababang suweldo, kasama rin sa hirap ng trabaho ang pagkabilad sa araw, pagkababad sa ulan, maghapong pagtayo, at mga risgong panseguridad at pangkaligtasan.

Araw-araw nakikita natin sila sa daan. Madalas nakasuot ng asul, iwinawagayway ang kanilang mga kamay, sinesenyasan ang mga motorista para umabante, huminto o lumiko. Ang iba’y nag-viral pa nga dahil parang mga mananayaw sa gitna ng maingay at magulong lansangan.
Malayo pa lang naririnig na ang kanilang pito, sinisita ang mga pampasaherong sasakyang wala sa tamang sakayan at babaan, o kaya ang mga pribadong sasakyang lumabag sa batas trapiko. Sila ang ating mga traffic enforcer, mga magigiting na kawani ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Bangungot yata sa kahit sinong drayber ang mapara nila, katumbas kasi ang bantang matiketan o makumpisa ang lisensiya. Sa marami, ikinabit na sa kanilang trabaho ang salitang “kotong,” pero sa likod ng negatibong konotasyong ito’y ang malalim na problema sa mababang suweldo, tanggalan sa trabaho, walang sapat na benepisyo at pagharap sa iba’t ibang tipo ng mga administratibong kaso.
Traffic enforcer
Sa kahabaan ng Commonwealth Avenue dati nakadestino si Mailyn Llanto, isang traffic enforcer sa loob ng 17 taon. Dalawa silang enforcer na bantay mula alas-dos hanggang alas-diyes ng gabi sa halos isang kilometrong haba ng daan sa tapat ng palengke.
Nakatapos ng Bachelor in Secondary Education si Llanto pero hindi na naisapraktika ang pagiging guro.
“Pagka-graduate ng college, ito na ang first work ko, ang pagiging MMDA [traffic enforcer]. Naghahanap ako [noon] ng trabaho, nakita ko sa billboard na naghahanap ng enforcer, nag-try lang ako tapos nakapasok,” kuwento ni Llanto.
Aniya, isang taon din siyang casual bago naging permanente sa trabaho. Noong nagsisimula, nakasalamuha siya ng ibang mga traffic enforcer na halos isang dekadang casual, kaya ipinagdasal niyang maging permanente agad.
“Nag-pray ako, sabi ko kapag 2010 hindi na-permanent, aalis na ako, pero 2009 na-permanent ako, hindi na ako umalis until now,” ani Llanto.

Mula noong pumasok bilang traffic enforcer hanggang sa kasalukuyan, nasa Salary Grade 3 lang ang sinusuweldo niya, hindi pa ito aabot sa P20,000 kada buwan. “Mababa ang [suweldo]. Lalo na kung ang isang tao ay may pamilya, hindi talaga nakabubuhay ng pamilya,” sabi ni Llanto.
Liban sa mababang suweldo, kasama rin sa hirap ng trabaho ang pagkabilad sa araw, pagkababad sa ulan, maghapong pagtayo, at mga risgong panseguridad at pangkaligtasan.
Noong July 2023, sa kasagsagan ng pagpapatupad muli ng paggamit sa motorcycle lane sa Commonwealth Avenue, nabundol si Llanto ng isang motor, kinailangan niyang lumiban sa trabaho ng 45 araw para magpagaling. Bagaman hindi itinaras sa kanyang leave credit, walang hazard pay at suportang medikal na nakuha si Llanto.
Pagbabahagi ni Llanto, inalis ang hazard pay sa kanilang mga traffic enforcer pagkatapos sa panahon ng panunungkulan ni Francis Tolentino bilang MMDA Chairman. Hindi naman daw kasi sila umano maituturing na uniformed personnel. Pero para kay Llanto, kapos ito sa pagkilala sa araw-araw na hirap at risgong kakabit ng kanilang trabaho.

“Hazardous ang trabaho, natututukan [din kami] ng baril. Hindi nakikita ng mga nakatataas ang risk [sa buhay ng] traffic enforcer sa araw-araw, kung paano humarap sa buhay ng isang enforcer,” wika ni Llanto.
Wala na ngang hazard pay na natanggap, kumaharap pa sa kasong administratibo si Llanto pagkabalik sa trabaho. Sinampahan siya ng pag-abandona sa kanyang puwesto ng isang opisyal.
Sa unang beses, ipinaliwanag niyang may hinabol siyang snatcher kaya siya’y nawala sa puwesto. Sa ikalawang beses, ipinaliwanag niyang kagagaling lang niya sa aksidente at may karamdaman kaya’t kinailangang magpahinga.
Ngunit walang paliwanag ang tumalab. Sa kasalukuyan, si Llanto ay nagsisilbing filing clerk habang dinidinig ang kanyang kaso.
Unyon, sandata ng kawani
Sa kabila ng mga pagsubok kaakibat ng pagiging traffic enforcer, hindi natitinag si Llanto dahil sa suportang nakukuha mula sa kanyang unyon. Itinuturing niya na ito bilang pangalawang pamilya labas sa kanyang tahanan.
“Pero ang magandang nangyari sa akin ay nagkaroon ako ng second family, ang [Kapisanan para sa Kagalingan ng mga Kawani ng MMDA (KKK-MMDA)], sila ang naging backbone ko sa MMDA, ‘yong mga [pagsubok] sa kalsada, sila ang naging support group ko,” pagbabahagi ni Llanto.
Hindi planado ang pagsapi ni Llanto sa KKK-MMDA noong 2009. Aniya, inengganyo lang din siya ng dati niyang supervisor na sumali. Nagsimulang nakikitambay sa opisina ng unyon hanggang sa maging kasapi na.
Kagaya ni Llanto, si Theresa Gonzales, isang beteranong traffic enforcer, hindi rin planado ang pagsali sa KKK-MMDA. Apat na dekada nang kawani si Gonzales ng MMDA. Nagsimula siya bilang metro aid hanggang sa naging traffic enforcer dahil sa re-engineering ng ahensiya.

“Actually noong 1992, ayaw ko sumali d’yan. Naka-focus ako sa anak ko at sa asawa ko. Pero nakita kong talagang magkakaroon ng tanggalan, kasi nga ia-abolish ang metro aid,” pagbabahagi ni Gonzales. Sa panghihikayat ng iba pang kawani, nagpasya si Gonzales na sumapi at tumayong lider sa hanay ng mga enforcer at metro aid.
Simula 1992 hanggang sa kasalukuyan, inilalaan ni Gonzales ang kanyang oras para sa pagpapalakas ng KKK-MMDA. Ito ang naging sandigan at takbuhan ng mga kawani ng MMDA pagdating sa usapin ng suweldo, trabaho at karapatan.
“Ang unyon dapat ang tagapagtanggol ng mga karapatan,” ani Gonzales.
“Ang [suweldo], hindi nakabubuhay. Kasi Salary Grade 3 [kada buwan] lang, karamihan sa enforcer nasa ganyang level. Ang iba ay natututong mangotong dahil sa kakulangan ng suweldo. Pero kailangang ipaliwanag na ang dahilan ng mababang [suweldo] ay ‘yong estado. Hindi sila tumutupad sa responsibilidad nilang ibigay ang living wage. Hindi ‘yan isusubo sa atin ng estado, ipaglalaban natin ‘yan,” sabi pa ni Gonzales sa kalagayan ng mga traffic enforcer.
Kagaya ng iba, si Gonzales mismo’y nakaranas ding isanla ang sariling ATM card at malubog sa utang dahil sa hindi sapat na suweldo. Iginapang ni Gonzales ang pag-aaral ng kanyang mga anak at ang sariling pag-aaral sa hangad na magkaroon ng mas maaliwalas na kinabukasan. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi rin natatakot si Gonzales at ang KKK-MMDA na ipanawagan ang pagtataas ng suweldo at benepisyo para sa kanilang mga kawani.

“Kagaya noong 2012, na-suspend na kami ng 90 days sa pakikipaglaban sa CNA (collective negotiating agreement), na dapat ipinapatupad ang taon-taong pagbibigay ng signing bonus. [Apatnapu’t isang miyembro] ang nasuspinde ng 90 days, pero dahil nga malinaw ang aming mga ipinaglalaban, naipanalo ‘yan sa CSC (Civil Service Commission), [nasuwelduhan] kami at na-reinstate,” pagmamalaki ni Gonzales.
Bahagi din si Llanto ng 41 kasapi ng unyon na nasuspinde noong 2012. Sa kabila ng kawalan ng katiyakan sa trabaho, sa panahon ng kagipitan pinakanakita ni Llanto ang halaga ng kanilang unyon at mas naunawaan ang kanilang mga ipinaglalaban.
“Dati tinatanong ko si Ma’am Thess [Gonzales] bakit natin dapat ipaglaban ‘yan, ‘yong iba nga walang pakialam, tayong lumalaban, tayo pa ang pinagtatawanan. Pero siguro ‘yon ang paraan para makakuha ng atensiyon sa management, para sa mga bagay na gusto naming makuha,” sabi ni Llanto.
Sa kabila ng mga panggigipit ng management at estado sa kanilang sama-samang pagkilos, ang tiwala at suporta ng mga kapwa nila kawani ang nagbibigay sa kanila ng lakas.Ngayong nalalapit ang eleksiyon para sa tatayong sole and exclusive negotiating agent sa ahensiya, malinaw para kina Llanto at Gonzales na dapat magkaisa ang mga traffic enforcer at metro aid na piliin ang tunay na kumakatawan sa boses at interes nila.