Pamilya ng obrerong binaril ng pulisya, nanawagan ng hustisya
Sa death certificate ni Erick Saber, lumalabas na ikinamatay ng 35 anyos na binata ang tama ng bala sa likod ng leeg. Bunso si Saber sa magkakapatid na sumusuporta sa pag-aaral ng kanyang pamangkin.

Sa maulan na hapon nitong Okt. 2, hinatid si Erick Saber sa huling hantungan ng kanyang mga pamilya sa Manila North Cemetery kaisa ang iba’t ibang progresibong grupo at mga tanggol-karapatan bibit ang panawagan ng hustisya para sa pinaslang na construction worker.
Ayon sa saksi na si Bryan (hindi niya tunay na pangalan), nakita niya si Saber na bumulagta matapos tumawid para tingnan ang kaguluhan sa protesta laban sa korupsiyon sa Maynila noong Set. 21.
Kuwento ng pamilya, pauwi siya galing sa trabaho bago barilin ng operatiba ng Special Weapons and Tactics ng Philippine National Police nang apat na beses sa kahabaan ng Recto Avenue. Nadala pa si Saber sa ospital pero namatay din matapos ang dalawang araw dahil sa natamong pinsala.
Nakiramay sa pamilya ni Saber ang mga lider-manggagawa at lider-maralita mula sa Kilusang Mayo Uno, Kalipunan ng Damayang Mahihirap at Makabayan Coalition sa burol sa Tondo, Maynila noong Set. 29.
Nagbigay din ng tulong legal si Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule sa pamilya ni Saber para sampahan ng kaukulang kaso ang pulisya sa pagkamatay ni Saber.
Sa death certificate ni Saber, lumalabas na ikinamatay ng 35 anyos na binata ang tama ng bala sa likod ng leeg. Bunso si Saber sa magkakapatid na sumusuporta sa pag-aaral ng kanyang pamangkin.
“Pulis ‘yong may sala nito e, inagaw nila ang buhay mo, kuya,” sabi ng isa sa mga kaanak ni Saber sa libing.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla sa isang press conference, hindi galing sa pulisya ang balang tumama kay Saber. Pinabulaanan naman ng mga saksi at mga bidyo na nakuha ang sinabi ng kalihim.