Umuusbong na kamalayan sa gitna ng ispontanyong aksiyon
Ipinakita ng mga protesta hindi lang ang lalim ng pagkadismaya, kundi pati ang potensiyal na maitaas ito tungo sa matatag at organisadong pakikibaka.

Ang baha ng protesta noong Set. 21 ay higit pa sa panandaliang pag-alsa laban sa katiwalian. Isa itong palatandaan ng lumalalim na kamalayan ng mamamayan laban sa bulok na kaayusan. Bagama’t inilalarawan ito ng midya bilang isang “baha ng galit,” hindi tayo titigil sa ganitong paglalarawan lang. Kung doon tayo hihinto, mawawala sa atin ang tunay na kabuluhan ng sandaling ito sa pag-usad ng kilusang masa.
Ang nagtatangi sa protesta sa Luneta sa Maynila—kasama ang sabayang pagkilos sa Mendiola Bridge at ang sagupaan sa Ayala Boulevard—ay hindi lang ang laki ng bilang ng lumahok. Ipinakita ng mga ito ang lalim ng pagkadismaya sa kasalukuyang kaayusang pampolitika. Umagos ang iba’t ibang sektor—guro, manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, at karaniwang mamamayan—at nagsanib bilang bugso ng lipunan laban sa korupsiyon.
Hindi ito basta-bastang ispontanyong bugso. Bagkus, nagsisilang ito ng mas mataas na kamalayan na umusbong sa mismong karanasan ng mamamayan sa pagprotesta laban sa mga tiwaling pulitiko—na karaniwang sinasalubong ng karahasan, pag-aresto, o kaya nama’y huwad na mga reporma.
Ngunit ang Set. 21 ay nagmarka ng isang mas mataas na ang antas ng kamalayan. Malinaw sa sambayanang Pilipino na ang korupsiyon ay hindi basta gawa ng indibidwal na kasakiman, kundi mismong himaymay ng tinatawag nating burukratang kapitalismo—ang paggamit sa katungkulan bilang pribadong negosyo at pagtrato sa pamahalaan bilang palengke ng kontrata, komisyon at kayamanan.
Tingnan na lang si Ferdinand Marcos Jr. na nagsesermon ng “accountability” habang nilulusot ang bilyon-bilyong confidential and intelligence funds ng kanyang opisina. O si Sara Duterte na nangangaral ng “critical thinking” habang pinangungunahan ang red-tagging at militarisasyon sa mga paaralan.
Ang tungkulin ngayon ay unawain ang kahulugan ng mga pagkilos na ito: nagsisilbi silang hudyat ng pangangailangan na iangat ang hiwa-hiwalay na galit tungo sa isang mulat at organisadong puwersang pampolitika.
Hindi sila mapagkunwari dahil sila’y kakaibang tuso, kundi dahil ito ang hinihingi ng sistemang kanilang kinakatawan. Ang mamuno sa ganitong bulok na kaayusan ay ang magbalatkayo araw-araw: mga pangakong laban sa kahirapan ngunit tadtad ng pork barrel at kikbak, mga kampanyang kontra-terorismo ngunit nalulubog sa extrajudicial killings, mga proyektong pangkaunlaran na para pala sa iilang negosyante’t politiko.
Kaya naman napakabangis ng panunupil sa Ayala Boulevard at Mendiola Bridge. Nahagip ng mga naghaharing uri na ang galit ng mamamayan ay hindi na lang tungkol sa mga ‘di natapos na flood control projects o maanomalyang kontrata.
Lumolobo ang bilang ng mamamayang nakauunawa na ang korupsiyon at karahasan ng rehimen ay mismong katangian na nito. Ang mga pag-aresto, pambubugbog at pagbansag sa kabataan bilang mga “kriminal” ay likas na anyo ng sistemang desperadong ipagtanggol ang sarili sa harap ng paglalantad sa kurakot na katangian nito.
At huwag nating kalimutan: ang Set. 21 mismo ay araw ng pag-alaala sa batas militar at sa simula ng pasistang diktadura ni Marcos Sr.—isang rehimen ng pamamaslang, panunupil at matinding pandarambong.
Kaya’t ang protesta ngayon ay hindi lang laban sa kasalukuyang katiwalian, kundi hayagang pagtutol sa karahasan ng estado. Isa itong malinaw na pahayag na hindi kailanman yuyuko ang sambayanang Pilipino sa pasismo at hindi nila hahayaang maulit ang bangungot ng diktadura sa ilalim ng bagong anyo.
Ang aral ng protesta sa Luneta, Ayala at Mendiola ay hindi lang na galit na ang taumbayan kundi na ang galit na iyon ay may kargang binhi ng mas mataas na kamalayan—ang pagkilala na ang tunay na pananagutan ay hindi maaaring asahan mula sa mga institusyong namumuhay mismo sa korupsiyon at impunidad. Ipinakita ng mga protesta hindi lang ang lalim ng pagkadismaya, kundi pati ang potensiyal na maitaas ito tungo sa matatag at organisadong pakikibaka.
Ang tungkulin ngayon ay unawain ang kahulugan ng mga pagkilos na ito: nagsisilbi silang hudyat ng pangangailangan na iangat ang hiwa-hiwalay na galit tungo sa isang mulat at organisadong puwersang pampolitika.
Para sa pambansa demokratikong kilusan, hindi maaaring hayaang manatiling bahang unti-unting huhupa ang galit ng mamamayan. Titiyakin nitong magbabalik ang galit na iyon bilang daluyong na magbubukas ng panibagong yugto ng pakikibaka tungo sa tunay na pagbabago.