16 lider-estudyante ng UDM, binigyang memo ng admin
Pinahanap at pinadalhan ng memorandum ang 16 lider-estudyante ng Universidad de Manila matapos ang inilunsad na university walkout. Nilabag umano ng mga estudyante ang Student Manual ng pamantasan.
Pinahanap at pinadalhan ng memorandum ang 16 lider-estudyante ng Universidad de Manila (UDM) matapos ang inilunsad na university walkout.
Ayon sa pahayag ng Anakbayan-Merlions, balangay ng organisasyong masa sa unibersidad, nagpadala ng memo ang Office of the Vice President for Student Success and Support Services (OVPSSSS) at Board of Discipline ng UDM upang “panagutin” ang mga kabataang estudyante sa kanilang mga pahayag sa kilos-protesta at unang university walkout ng UDM noong Okt. 17.
Kasama sa memorandum ang umano’y paglabag ng mga estudyante sa UDM Student Manual tulad ng paggamit ng pangalan at emblem o seal ng unibersidad sa anumang aktibidad sa labas o online nang walang pahintulot ng mga awtoridad ng pamantasan, paggamit ng pasilidad para sa ‘di awtorisadong aktibidad at pagiging kasapi sa organisasyong hindi kinikilala ng UDM.
Giit ng grupo, malinaw na paglabag sa mga karapatang pantao at karapatang konstitusyonal ang memorandum na ipinadala.
“Kayo na dapat sentro ng patas at makatarungang pamamalakad ay ginagamit ang represyon bilang sandata upang protektahan ang sarili ninyong kapangyarihan,” pahayag ng grupo sa kanilang Facebook post.
Noong Set. 23, naglabas ng pahayag ang Commission on Higher Education (CHED) na may karapatan ang mga kabataan upang panagutin ang mga sangkot sa korupsiyon na hindi pinatatahimik at tinatakot.
Inaasahan din ng CHED ang mga paaralan na protektahan ang mga estudyante sa kahit anong pananakot at magbigay suporta sa sinumang nakararanas ng intimidasyon.