close
Pagnilayan Natin

Katangi-tanging paghahari

Walang kondisyon. Walang tanong. Walang paliwanag. Ganyan ang paghahari ni Kristo—hindi dahas, kundi awa; hindi pananakot, kundi pagyakap at pakikisangkot.

Kadalasan, ang sumasagi sa ating isip kapag “hari” ang napag-uusapan ay larawan ng isang pinunong may korona, nakaupo sa trono, napapalibutan ng mga bantay at may angking kapangyarihang makapagpasunod. Sa ating lipunan, ganyan din ang takbo ng kapangyarihan sapagkat hari ang turing natin sa sinumang tanyag, mayaman o maimpluwensiya.

Kaya hindi nakakagulat na kung minsan ay dala-dala natin ang imaheng ito tuwing ating ipinagdiriwang ang Kapistahan ni Kristong Hari: si Hesus ang pinakamakapangyarihan, ang pinakadakila at ang tanging magwawagi. Ngunit kagulat-gulat na salungat na larawan ang ipinapakita sa atin ng Ebanghelyo ngayon.

Lubhang kakaiba at katangi-tangi ang paghahari ni Hesus. Sa halip na tronong marmol, sa Krus siya nakabayubay. Imbis na gintong korona, koronang tinik ang nakaputong sa kanya. At imbis na mga tapat at mapagmahal na mga tagasunod, ang nakapaligid sa kanya’y mga mapanlibak at mapangutyang punong-bayan at mga kawal.

Tulad niya, nakapako rin ang dalawang kriminal ngunit isa lang sa kanila ang nakaaninag ng pagkaharing angking taglay ni Hesus, bagama’t natatakpan ng anyong sugatan at talunan. Habang ang iba ay naghahanap ng kapangyarihan na nagliligtas sa sarili, ang magnanakaw ay humingi ng awa: “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” At ang sagot ni Hesus ay isa sa pinakamagandang pangakong ibinigay Niya: “Ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Walang kondisyon. Walang tanong. Walang paliwanag. Ganyan ang paghahari ni Kristo—hindi dahas, kundi awa; hindi pananakot, kundi pagyakap at pakikisangkot. Sa madaling sabi, ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng paglilingkod—isang kahandaang ilaan ang sarili, maging ang sariling buhay, para sa kapwa.

Ramdam natin kung gaano kahirap ang mamuhay sa isang lipunang madalas inuuna ang pansariling interes. Umay na tayo sa mga sistemang ‘di patas, bingi na tayo sa mga boses na mas malakas kaysa sa katotohanan at nakakamanhid na ang maisantabi dahil walang katayuang panlipunan.

Dito tumitingkad ang Kapistahan ni Kristong Hari, paalala ito na ang pamantayan ng Diyos ay iba sa pamantayan ng mundo. Kung si Kristo ang Hari, ang kaharian Niya ay hindi malayo o hiwalay sa lipunan. Dumarating ito sa paraan ng ating pakikitungo, sa pagsulong ng katarungan, sa pagbibigay-boses sa mga hindi pinapakinggan at sa pagwasto ng mga mali, kahit hindi madali.

Sa Unang Pagbasa, ang mga tribo ng Israel ay nagkaisa sa harap ni David at kinikilala siya bilang “buto at laman” nila. Sa atin, bihira ang pagkakaisang ganyan.

Ngunit pinapaalalahanan tayo ng Salmo: “Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.” Ibig sabihin, ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa Diyos na humihila sa atin palapit sa isa’t isa, hindi palayo.

Sa sulat niya sa mga taga-Colosas, sinabi ni Apostol San Pablo na inilipat na tayo mula sa kadiliman patungo sa kaharian ng Anak. Ibig sabihin, saan man tayo naroroon—sa bahay, paaralan, opisina, pagawaan o pamayanan—may tungkulin tayong maging tanda ng liwanag, awa at katarungan.

Ngayong Kapistahan ni Kristong Hari, ating pagnilayan kung sino ba talaga ang naghahari sa ating puso: ang ‘di paawat na sarili na hahantong sa pagkakawatak-watak o ang mapagbigay na pag-ibig ni Kristo na nagbibigay-buhay?

Sa harap ni Kristong Hari, ang tunay na namamayani ay hindi ang pinakamalakas, kundi ang nagmamahal nang walang hinihinging kapalit. At doon nagsisimula ang kaharian ng Diyos, hindi mula sa tronong ganid, kundi sa pusong maibigin.