close
Balik-Tanaw

Mga alaala at paalalang iniwan ng Bagyong Yolanda


Sariwa pa rin ang alaalang iniwan ng unos na nagdulot ng matinding pinsala sa buhay ng libo-libong Pilipino nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda noong Nob. 8, 2013.

Sariwa pa rin ang alaalang iniwan ng unos na nagdulot ng matinding pinsala sa buhay ng libo-libong Pilipino nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda noong Nob. 8, 2013. 

Pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo noong Nob. 6. Kinabukasan, nanatili ang lakas ng bagyo na may direksiyong hilagang-kanluran tungong Eastern Visayas.

Alas-kuwatro ng madaling araw ng Nob. 8 unang tumama sa kalupaan ang bagyo sa Guiuan, Eastern Samar taglay ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 235 kilometer per hour (km/h) malapit sa sentro, at pagbugsong hangin na umaabot sa 276 km/h.

Matapos ito unang lumapag sa Eastern Samar, dumaan ang bagyo sa Leyte, Cebu, Iloilo at Palawan. Naramdaman din ang hagupit ng malalakas na hangin at pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Mindanao. Bandang ala-una ng hapon ng Nob. 9, ibinalita na nakalabas na ang bagyo ng PAR. 

Sa lakas ng hangin na umabot sa 314 km/h noong ito’y tumama sa lupa at daluyong na umabot sa anim na metro ang taas, itinuturing ang Yolanda na isa sa pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan ng mundo.

Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council, kinikilala ang Yolanda bilang isa sa pinakamapaminsalang at pinakamagastos na bagyong nanalasa sa bansa. Umabot sa P93 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo habang 6,293 ang namatay, 28,688 ang sugatan at 1,061 ang nawawala. 

Pinakaapektado ang Tacloban City sa Leyte, kung saan ang daluyong na umabot sa anim na metro o 20 talampakan ay nagtulak ng mga barko sa kalupaan, nagpaguho ng mga gusali at sumira ng kabuhayan.

Higit kalahati rin ng mga namatay na umabot ng 5,900 ay mula sa Eastern Visayas. Ang kabuuang bilang naman ng mga nawalan ng tirahan ay umabot ng 4,095,280 katao o 908,065 pamilya.

Nasira ang mga kalsada, tulay, paliparan at linya ng kuryente, kaya’t napilitan ang maraming komunidad na umasa sa internasyonal na tulong.

Totoo man na walang makakapigil sa mga natural na kalamidad gaya ng Super Typhoon Yolanda. Sa muling pag-alala rito, alalahanin din sana ng pamahalaan ang kahalagahan ng kahandaan at wastong paggamit ng pondo sa climate change adaptation na malaki ang maitutulong para hindi na muling mangyari ang nangyari noon.