close

Daan tungong gobyerno ng taumbayan 


Isang civilian-led transition government ang puwedeng humalili para pangunahan ang totoong pagpapanagot sa lahat ng sangkot at para magsulong ng mga repormang sosyo-ekonomiko at politikal.

Hindi bago sa mamamayang Pilipinong lumaban sa korupsiyon at magpatalsik ng mga kurakot.

Panahon pa lang ng mga Kastila, umaalma na ang masang magsasaka sa pangingikil ng mga Kastila mula sa kanilang pinaghirapang pananim o kaya naman ang sapilitang pagpapatrabaho sa kanila nang walang bayad. Habang dinaranas ng mga Pilipino noon ang hirap, gutom at pandurusta, ang mga Kastila ay gabi-gabing nagpipiging sa kanilang magagarbong tahanan.

Mahigit limang na siglo na ang lumipas, umaalma pa rin ang mamamayang Pilipino sa pang-aabuso ng mga nasa poder.

Sa panunumbalik ng dinastiyang Marcos sa puwesto, lumitaw ang pinakamasahol na pagnanakaw sa makabagong kasaysayan. Bilyon-bilyong piso ang binulsa ng mga opisyal kapalit ang buhay ng lahat ng mga biktima ng mga rumaragasang baha.

Sabi ng Malacañang, natatanaw na nila ang pagtatapos ng krusada kontra-korupsiyon, pero sila nga ba ang may karapatang magtakda ng katapusan ng labang ito? Saan nga ba papunta ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa korupsiyon? Sino ang lilikha ng wakas sa bulok na sistema? 

Isyung pampakilos para sa marami ang isyu ng korupsiyon. Kahit sa ibang bansa, ang malalaki at militanteng pagkilos, halimbawa sa Nepal at Indonesia, ay nakaugat sa laganap na korupsiyon sa harap ng matinding kahirapang dinaranas ng mamamayan. 

Sa panayam ng Pinoy Weekly kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) president Renato Reyes Jr., ibinahagi niyang kapwa politikal at ekonomiko ang dahilan kung bakit mabilis kumilos ang mamamayan sa usapin ng korupsiyon. 

“Ang korupsiyon ay tuwirang paglabag sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko sa gobyerno upang mangolekta ng buwis at ibalik ito sa taxpayers sa porma ng serbisyong publiko,” ani Reyes.

Dagdag niya, “Habang sobra-sobra ang naiipon nilang pera, lagpas sa pangangailangan nila, ang nakararami ay salat na salat, binabaha at pinagkakaitan ng serbisyo. Tunay na nakakagalit ang ganitong kalagayan.”

Kung babalikan ang kasaysayan, tingin ni Reyes, higit na mas malaki pa rin ang kabuuang nakaw na yaman ng diktadurang Marcos Sr.

Sa pagbagsak ng diktadura, ani Reyes, hindi nawala ang korupsiyon kung hindi ginawang lang mas sistematiko ang hatian sa pagitan ng mga naghaharing-uri at mga politiko, wala nang iisang pamilya ang kumokontrol sa buong nakaw na yaman. 

“Sa panahon ni Duterte at Marcos Jr. ay pareho pa rin ang padron ng korupsiyon lalo na sa proyektong pang imprastruktura pero ginawa nilang mas garapal, mas malawakan at mas sistematiko dahil naaral na nila kung paano bababuyin ang budget,” paliwanag ni Reyes.

“Kahit bawal na ang PDAF na porma ng pork [barrel] ay nagawa pa rin nilang ipasok ang congressional allocations, naging congressman na ang mga [contractor] mismo, at inabuso na ang sistema ng budget insertions at unprogrammed appropriations,” dagdag nito. 

Bagaman hindi bago sa isang rehimeng Marcos Jr. ang korupsiyon, ani Reyes, ang kaibahan ngayo’y ang pagkalantad ng kabulukan ng buong sistema sa mata ng mamamayan.

“Sa maagang bahagi pa lang ng laban, naipapatampok na ang usapin ng pagbabago ng sistema, na ang korapsyon ay systemic problem na hindi malulutas sa simpleng pagpapalit lang ng mga personahe sa gobyerno,” punto ni Reyes. 

Sa pagpapatuloy ng laban ng mamamayan para sa hustisya at pananagutan, muling dumagsa ang taumbayang galit sa Luneta, Nob. 30. Kasabay ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, nagmartsa ang libo-libong mga makabagong Andres na naninindigan laban sa bulok na sistema.

Sa pagkakataong ito, dinala ng ilang grupo, sa pangunguna ng Bayan, ang mas malinaw na panawagan ng pagpapanagot—ang pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang utak sa likod ng bilyon-bilyong insertion sa pambansang badyet noong 2025, at kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, na lumustay ng P125 milyon sa loob lang ng 11 araw at maanomalyang paggamit sa confidential funds ng kanyang tanggapan at Department of Education.

May mga nagduda at kumontra sa ganitong panawagan, magsisilbi lang umano sa interes ng mga Duterte na makabalik sa kapangyarihan o sa interes ng militar na gustong maghari sa pamamagitan ng isang junta.

Pero para sa Bayan, panahon na para taumbayan ang maglitis at magpanagot sa mga tiwaling opisyal. Saan nga naman tayo pupulutin kung ang mismong nagdidirehe ng mga imbestigasyon kontra-korupsiyon ay ang mismong mastermind din nito?

“Nagiging malinaw na hindi makasasapat na tanggalin ang presidente at bise preisdente, bagamat ito ang unang hakbang, nakikita [nating] kinakailangan na palitan ng bagong kaayusan, tumatanaw kami sa pamahalaan na tunay na pamahalaan ng taumbayan,” pahayag ni Makabayan Coalition president Liza Maza

Sa pahayag ng Bayan, isang civilian-led transition government ang puwedeng humalili para pangunahan ang totoong pagpapanagot sa lahat ng sangkot at para magsulong ng mga repormang sosyo-ekonomiko at politikal.

Walang lugar anila sa transition council ang mga Marcos, Duterte, iba pang miyembro ng mga pampolitikang dinastiya at kahit ang militar.

Sa pahayag ni Reyes, ang batayan ng isang transition council ay tiyakin na anuman ang kahinatnan ng pag-aalis sa pwesto kina Marcos at Duterte, may representasyon ang aping-uri at mga sektor, may boses ang mamamayan. 

Sa yugtong nasisiwalat ang kabulukan ng sistemang umiiral, lumilitaw na wala sa mga dinastiya at naghahari-harian ang sagot para sa tunay na pagbabago. Hindi panibagong Marcos o Duterte ang kailangan ng mamamayan, kundi pananagutan at makabuluhang reporma.  

Sa huli, bagaman ang panukalang magtindig ng isang transition council ay mahalaga para sa pagtutulak ng espasyo para sa mamamayan at mga makabuluhang reporma para sa kanilang kagalingan, malayo pa ito sa ganap na pagpapabagsak ng bulok na sistema.

Sa parehong tono, idiniin nina Reyes at Maza na ang pundamental na pagbabago ay nasa paglagot ng mamamayan sa tanikala ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Ang puspusang pagsusulong sa programa ng pambansang demokrasya ang pinakaepektibong sandata ng mamamayan para sa lubusang pagtibag ng paghahari ng iilan.