Lider-kababaihang ilegal na inaresto sa Navotas, laya na
Nakalaya na si Jane Alfabete ng Gabriela Camanava matapos ilegal na arestuhin sa kasagsagan ng demolisyon sa Navotas City. Ibinasura rin ang mga kasong trespassing at direct assault na isinampa sa kanya.
Nakalaya na ang lider-kababaihan ng Gabriela Camanava na si Jane Alfabete matapos ilegal na arestuhin sa kasagsagan ng demolisyon sa Navotas City. Kasabay ng kanyang paglaya nitong Dis. 2, ibinasura rin ang mga kasong trespassing at direct assault na isinampa sa kanya.
Noong Nob. 27, hinuli at kinaladkad si Alfabete ng mga pulis ng Navotas City katuwang ang tauhan ng barangay mula sa kanyang tahanan. Walang warrant of arrest na ipinakita ang mga pulis nang damputin si Alfabete. Agad sinimulan ang demolisyon nang dalhin sa kustodiya ng pulisya si Alfabete.
Taong 1986 nang ideklarang lupang panirahan ang 373 para sa mga mamamayan at mga settler. Ngunit noong 1993, binili ng pamilyang Ignacio ang lupa mula sa National Housing Authority nang walang konsultasyon sa mga naninirahan dito. May nakaamba ring demolisyon sa mga kalapit na lugar tulad ng Road 10 at NBBS na inaangkin din ng naturang pamilya.
Naninindigan naman ang Gabriela Camanava na malinaw na manipestasyon ang mga insidenteng ito ng sabwatan na taktika ng estado at mga kontra-mahirap na negosyante upang supilin ang boses ng maralita na lumalaban para sa kanilang karapatan sa paninirahan.