Pagguhit sa rehimeng Duterte ni Renan Ortiz
Sa loob ng anim na taon, naging pangunahing paksa ng mga karikatura ni Renan Ortiz si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsimula si Renan Ortiz, bilang estudyante ng political science bago kumuha ng pangalawang degree sa fine arts sa University of the Philippines (UP) Diliman. Dito niya natuklasan ang hilig sa komentaryo sa politika at ekonomiya gamit ang pagguhit ng mga cartoon, editoryal at komiks.
Naging miyembro siya ng Concerned Artists of the Philippines at ngayo’y tagapangulo ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), isang non-government organization na naglalayong ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, karapatang mag-organisa at demokratikong karapatan ng mga obrero.
Bilang artista, nakahanap ng tahanan ang kanyang mga cartoon sa isang pahina ng Pinoy Weekly. Dito binigyang buhay ni Ortiz ang kanyang pagtuligsa sa katiwalian.
Sa loob ng anim na taon, naging pangunahing paksa ng mga karikatura ni Ortiz si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naiguhit din niya ang iba’t ibang personalidad sa politika.

Isinapubliko ang mga gawa ni Ortiz sa UP Fine Arts Gallery noong Nob. 5 hanggang 22. Binuo ni Ortiz ang koleksiyon ng daan-daang likha na sumasaklaw ng halos isang dekada. Naglalaman ito ng 244 na editorial cartoon, 156 na karikatura at 260 komiks.
Aktibong naglingkod si Ortiz bilang kartunista ng Pinoy Weekly mula 2016 hanggang 2022. Sa pahayagang ito siya nakahanap ng kalayaan mula sa sensura. Sa kanyang karanasan, unti-unting lumiliit at nawawala ang espasyo para sa mga kartung editoryal, lalo na para sa mga kabataan.
Kabilang sa exhibit ang seleksiyon ng komiks mula sa seryeng “Anubayan?!”. Inihahatid ng komiks ang komentaryo mula sa pananaw ng karaniwang Pilipinong manggagawa na naglalarawan ng pagkalito at pagkadismaya sa mga pangyayari noong panahon ni Duterte.

Litaw sa kanyang mga guhit ang lantaran at hindi mabilang na paglabag sa karapatang pantao noong rehimen ni Duterte. Ang pinagsama-samang linya, naging tagpuan ng kritisismo.
Ibinahagi ni Ortiz na isa sa mga pagsubok pagdating sa pagguhit ang paggawa ng biswal na metapora sa paghahalimbawa ng isang sitwasyon. Mula rito, maaaring magkaroon ng iba’t ibang interpretasyon kung masyadong banayad o lantad ang gagamiting elemento ng simbolismo, kung saan puwedeng mabago ang konteksto ng piyesa.
Sining na nanganganib
Kaya ganoon na lang kahalaga ang pagtangkilik, pati ang pagkatuto, sa sining.
“Parang ang tingin ko na sa visual arts, mukhang napabayaan ‘yong art kasi parang ‘yong interest and skill, hindi ko alam kung anong nangyari sa elementary school na kahit nga [raw] sa textbooks, [pangit] na [raw],” ani Ortiz.
“So I think cultural at saka educational problem siya. Ang baba ng tingin sa art,” dagdag niya.
Kaya para sa mga lumilikha ng sining tulad niya, dobleng insulto pa kapag ninanakaw ang pinaghirapan nila.

Halimbawa nito ang pagnanakaw ng restawran na Talk Hang sa Duba sa ginawa niyang karikatura ukol sa malagim na isyu ng tokhang.
Ang “Tokhang” ay hango sa salitang Bisaya (Katok-Hangyo) na naging kontrobersyal dahil sa “Oplan Tokhang” o war on drugs na naging dahilan sa pagkasawi ng libo-libo.
Makikita sa ninakaw na karikatura ni Ortiz ang sasakyang butas ang gulong, lulan si Duterte kasama ang kanyang tiwaling administrasyon. Orihinal na pasaring ito sa napakong pangako ng pangulo na isang mapayapang bansa.

Ninakaw ng restawran ang karikatura, ginamita para sa business, at pati ang pangalan na may malagim na kuwento, pinaglaruan pa.
Nalaman lang ni Ortiz ang pagnanakaw nang makita ang larawan sa social media nina Bato dela Rosa at Mocha Uson. Dahil sa takot at gastos sa legal na proseso, hindi niya ito ipinaglaban.
Patunay ang pangyayaring ito sa kakulangan ng rekurso upang ipagtanggol ang karapatan ng mga alagad ng sining.
Nagsisilbing biswal na tala ng kasaysayan ang mga guhit na ito. Dagdag ang mga likha ni Ortiz sa maituturing na resibo ng karahasan at katiwalian ng rehimeng Duterte.
“Sana dumating ang panahon na hindi na natin kailangan i-caricature ang mga presidente dahil hindi na sila ang pinoproblema natin,” mensahe ni Lisa Ito sa talakayan nila ni Ortiz bilang pagwawakas ng programa.