Paglangoy at pagdududa
Bagaman sanay na ako makakuha rejection letter, hindi ko pa rin mapigil ang pagbuhos ng aking luha. Marahil na ito lang ang nakikita kong tiket kung saan puwede kong hasain ang aking pagsusulat.
Sa isang mainit na kuwarto na walang insulation foam at gawa sa HardiFlex, ang katawan ko’y tila parang lantang gulay, pagkatapos kong makita uli ang listahan ng mga nakapasok sa scriptwriting workshop ng ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Ricky Lee.
Bagaman sanay na ako makakuha rejection letter, hindi ko pa rin mapigil ang pagbuhos ng aking luha. Marahil na ito lang ang nakikita kong tiket kung saan puwede kong hasain ang aking pagsusulat.
Nakapasok ako sa isang kilalang pampublikong pamantasan sa Sta. Mesa, Maynila. Pumasok ako sa kursong peryodismo na walang maayos na pundasyon sa pagsusulat. Nang makita ko ang mga kaklase ko, daig ko pa ang inggit ni Saul kay David noong malaman ko ang mga narating nila sa larangan ng peryodismo.
Mga makata, mga dating editor-in-chief ng kanilang publikasyon, mga tumanggap ng prestihiyosong parangal sa divisionl, regional at national press conferences, at mga may karanasan nang magtrabaho sa radyo at midya. Kitang-kita ko kung paano nila sinabayan ang alon nang walang takot. Habang ako, nagpupunyagi at nagsusumikap para sumabay sa kanila.
Tumindi ang aking pagdududa sa sarili nang makita ko silang makapasok sa mga publikasyon at organisasyon na nakahanay sa aming kurso. May mga naging manunulat, technical assistant, photojournalist, researcher at cartoonist. Nahuli at hindi ako nakasabay sa ahon nila, tumuloy ang matinding unos sa aking isipan. Hindi ko na alam kung mananatili pa ba ko sa kursong ito o pipiliin ko nang mag-shift sa “praktikal” na kurso.
Gaano man karami ang natanggap kong rejection letter sa buhay ko, masasabi ko na tama lang na tinaggihan nila ako. Marahil, mas lumalakas at tumapang ako para harapin ang mga hamon sa buhay.
Araw-araw akong kinakain ng mga iniisip ko. Gabi-gabi, sa isang malamig na dormitoryo, tila nalulunod na ako kakaisip kung tama ba ang kinuha kong kurso at kung may kinabukasan ba ako sa digri na ito.
Napakalaking tanong nito sa akin. Kasi naman, pinili kong makinig sa sinasabi ng puso ko, imbis sa aking utak. Sa madaling salita, pinili ko ang silakbo ng aking damdamin kaysa sa pagiging praktikal at kumuha ng kurso na magbibigay saakin ng “malaking pera” o kaya naman “puwesto” sa korporasyon o gobyerno.
Nakapag-isip ako nang malalim sa katanungan kong ito. Mas pipiliin ko bang magdurusa sa kursong mahal ko? O magdurusa sa kurso na hindi ko gusto at pangarap lang ng ibang tao? Mas mainam bang mahirapan ka sa bagay na gusto mong ginagawa o sa bagay na hindi mo kailanman pinangarap gawin? Naglaan ako ng tatlong araw para masagot ko ang tanong na ito, at ang masasabi ko, nasagot ko na ang sarili kong tanong.
Bagaman nalulunod ako, naghahanap pa rin ako ng paraan para makaahon. Nagsisikap akong lumangoy kahit marami nang pumapasok sa sistema ko na masasakit na salita at batikos galing sa mga taong puno nang pagtatanong kung bakit pinili ko ang kursong “walang mararating” at “puro sulat.” Pinipili ko na ring lumangoy kahit pagod na ang mga kamay ko kakasulat ng mga papel sa araw-araw para magtagumpay.
Habang tumatagal, napagtatanto ko na lahat ng mga hinahangaan kong kaklase ay naranasan din ang nararanasan ko. Naranasan din nilang kumayod at magsumikap para makuha nila ang kanilang minimithi. Nahirapan din silang lumangoy bago sila naging magagaling na peryodista at manunulat.
Lahat ng nararansan kong paghihirap at pagdududa ngayon, magbubunga rin habang tumatagal ang panahon. Gaano man karami ang natanggap kong rejection letter sa buhay ko, masasabi ko na tama lang na tinaggihan nila ako. Marahil, mas lumalakas at tumapang ako para harapin ang mga hamon sa buhay. Tama lang na tinanggihan nila ako, kundi dahil sa kanilang pagtaggi, wala ako ngayon dito.
Malayo pa ang tatahakin kong paglalakbay at marami pa akong makakasalubong na mga hadlang at mararanasan na pagkakamali sa buhay. Ngunit hindi dapat ito maging dahilan para sumuko tayo sa ating pangarap. Malayo pa ako sa destinasyon, pero malayo na rin ang nilakbay ko.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.