Bakit kinidnap ng US si Maduro?
Sinalakay ng US ang Venezuela at dinukot ang pangulo nitong si Nicolas Maduro para makontrol ang langis at iba pang yaman ng bansa.
Giniyera ng United States (US) ang Venezuela. Alas-dos ng madaling araw, Ene. 3, sinalakay ng 150 fighter jets at 200 tropa ng US Army Delta Force at Central Intelligence Agency (CIA) ang kabiserang lungsod ng Caracas. Ang target, si Nicolas Maduro, halal na pangulo ng Venezuela.
Mula sa kanyang mansiyon sa Miami, Florida, live na pinanood ni US President Donald Trump ang iniutos niyang pagsalakay na tinaguriang “Operation Absolute Resolve.”
“Parang nanonood lang ng palabas sa telebisyon. Kung napanood niyo lang ang bilis, ang karahasan, talagang pambihirang bagay ‘yon,” sabi niya sa Ingles sa panayam ng midya.
Tinatayang 100 Venezolano ang patay sa higit dalawang oras na air strike at ground assault ng US. Wasak ang maraming pasilidad, kabahayan, ospital at iba pang imprastruktura sa pinaulang bomba at bala sa Caracas at mga katabing lungsod.
Pasado alas-singko ng umaga, inanunsiyo ni Trump sa social media na hawak na nila si Maduro. Kinuha siya sa kanilang bahay, kasama ang asawang si Cilia Flores, na halal ding kinatawan ng Venezuelan National Assembly.

Ipinost ni Trump ang larawan ni Maduro, nakagapos at nakapiring habang sakay ng barkong pandigmang USS Iwo Jima. Unang dinala ang mag-asawa sa base ng US sa Guantanamo Bay sa Cuba at ipinuslit papuntang New York City.
Ayon sa mga eksperto ng United Nations (UN), “Paglabag sa pinakapundamantal na mga prinsipyo ng internasyonal na batas” ang ginawang pambobomba sa Venezuela at pagdukot sa pangulo nito.
Ipinagbabawal sa Article 2(4) ng UN Charter ang pagbabanta o paggamit ng armadong puwersa laban sa teritoryo at independensiya ng isang estado. Nakapirma ang US sa naturang kasunduan mula pa 1945. Kasapi rin ito ng UN Security Council na dapat nagpapatupad ng naturang kasunduan.
“Maituturing din itong internasyonal na krimen ng agresyon na maihahabla sa sangkot na indibidwal na lider-politikal at militar,” ayon pa sa mga UN expert.
Pagsikat ng araw, dumagsa ang mamamayang Venezolano sa mga lansangan. Ang sigaw nila, “Palayain na si Maduro!” Kinondena nila ang paglapastangan ng US sa kanilang soberanya at pagdukot sa inihalal nilang pangulo.
Dati nang nasangkot ang US sa pagdukot sa nakaupong pangulo ng Venezuela. Noong 2002, pinondohan nito ang kudeta at pagdukot kay dating Venezuelan President Hugo Chavez. Dahil sa dalawang araw na malalaking protesta at malawak na suporta ng mamamayan, napalaya si Chavez at nabawi ang pagkapangulo.
Mula sa pagiging bus driver at unyonista, nahalal na pangulo si Maduro kapalit ng pumanaw na si Chavez noong 2013. Tinalo naman niya sa halalan sa pagkapangulo noong 2024 si Maria Corina Machado, manok ng US at isa sa itinuturong nanguna sa kudeta at pag-kidnap kay Chavez.
Gawa-gawa
Paglapag sa New York City noong Ene. 5, iniharap sina Maduro at Flores sa korte ng US. Nanindigan ang pangulo ng Venezuela na wala siyang kasalanan. Iginiit din niyang siya ay “kinidnap” at isang “prisoner of war.”
Sinampahan sina Maduro at Flores ng mga kasong kriminal, kabilang ang narco-terrorism at drug trafficking, noon pang 2020. Pinaratangan si Maduro na pinuno ng Cartel de los Soles na nagpupuslit ng droga sa US at Europa. Binawi rin ng US Justice Department ang paratang matapos amining gawa-gawa lang nila ang naturang sindikato.
Wala ang Venezuela sa 2025 National Drug Threat Assessment ng US Drug Enforcement Agency. Ayon sa ulat, sa Colombia at Mexico galing ang cocaine at fentanyl na pumapasok sa US.

Paliwanag ng mga UN expert, walang kriminal na hurisdiksyon ng isang dayuhang korte sa mga nakaupong lider ng ibang bansa. Pinagtibay ito ng International Court of Justice, at sinang-ayunan ng US noong 2022.
Nitong Disyembre 2025, pinalaya ni Trump si dating Honduras President Juan Orlando Hernandez, kilalang narco-politiko na nahatulan sa US dahil sa pagpupuslit ng 400 toneladang cocaine.
Nauna nang sinabi ni Maduro na ginagamit lang ng US ang “giyera kontra droga” para mapatalsik siya at makontrol ang langis at iba pang yaman ng Venezuela.
Sa nakalipas na taon, pinatindi ng US ang militaristang agresyon at pang-ekonomiyang panggigipit sa Venezuela. Nagpatupad ng blokeyo ang US Navy sa Pacific Ocean at Caribbean Sea.
Mula Setyembre 2025, higit 115 ang patay sa pambobomba ng US sa mga barkong pinagbibintangang nagpupuslit ng droga mula Venezuela.
Dinukot si Maduro isang araw matapos niyang ianunsiyo ang kahandaang makipagnegosasyon sa US para sa langis at sa usapin ng droga.
Kontrol sa langis
Sa press conference kasunod ng pagdukot kay Maduro, sinabi ni Trump na US na ang “magpapatakbo” sa Venezuela. Walang detalye kung paano. Ang tiniyak niya, papapasukin sa bansa ang pinakamalalaking kompanya ng US para “ayusin” ang produksiyon ng langis.
Tinatayang 303 bilyong bariles ng langis ang nasa Venezuela. Ito ang pinakamalaking reserba ng langis (20%) sa mundo. May 267 bilyon bariles ang Saudi Arabia, habang 48 bilyon lang sa US.
Ayon sa US Energy Information Administration, sa China ine-export ang 68% ng krudo mula sa Venezuela, habang 23% lang ang napupunta sa US. Kumokonsumo ng 20.5 milyong bariles kada araw ang US.
Noong 2001, isinabansa ni Chavez ang industriya ng langis sa bisa ng Organic Hydrocarbons Law (OHL). Kinontrol ng gobyerno ang pagkuha (extraction) ng krudo. Ginamit ang kita sa langis para tustusan ang mga batayang serbisyo sa mamamayan gaya ng libreng edukasyon, ospital, pabahay at subsidyo sa mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Vijay Prashad, direktor ng Tricontinental Institute for Social Research, Ikinagalit ito ng Chevron at ExxonMobil, mga dambuhalang kompanyang US, at inudyukan ang kudeta laban kay Chavez. Ito aniya ang simula ng giyera ng US sa Venezuela.
Mula noon, patong-patong na pang-ekonomiya at pampolitikang parusa (sanctions) ang ipinataw ng US sa Venezuela na itinuturong dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya at paghihirap ng mamamayan nito. Ayon sa mga eksperto, paraan ito para pilitin ang pagpapatalsik kay Maduro dahil sa pagpapatuloy nito sa programa ni Chavez.
Bago ang OHL, 2 milyong bariles kada araw ang nakukuhang krudo ng US sa Venezuela. Nitong 2025, nasa 135,000 bariles lang ang na-import ng US.
Sabi ni Trump, magbibigay na ng 30 milyon hanggang 50 milyong bariles ang Venezuela sa US. Siya na rin mismo ang kokontrol sa presyo.

Kinondena naman ng Philippines-Bolivarian Friendship Association (PBVFA) ang tangkang pagkontrol ni Trump sa langis ng Venezuela. Karapatan anila ng mamamayan na makinabang sa kanilang likas na yaman.
“Kung pamamahalaan ng US ang Venezuela, hindi lang nito kukunin ang industriya ng langis, sasalaulain din nito ang lahat ng sektor ng ekonomiya na pinaghirapang itayo ng mamamayan,” anang grupo.
Ayon kay Propesor Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg), ang pag-atake sa Venezuela ay bahagi ng matagal nang gawain ng US para sa “sapilitang pagpapalit ng rehimen” at para makuha ang langis at iba pang yaman ng bansa.
“Pagpapatuloy ito ng kasaysayan ng imperyo ng US ng mga madudugong interbensiyon at agresyong militar laban sa ibang bansa. Mga habang buhay na giyera,” aniya.
Bukod sa langis, mayaman din ang Venezuela sa ginto at mineral na rare earth, na ginagamit sa paggawa ng electronics. Sa China rin ine-export ang kalakhan nito.
‘Donroe Doctrine’
Matapos ang aniya’y “matagumpay” na pagsalakay sa Venezuela, na tinawag niyang “isa sa pinakakamanga-mangha, mabisa at makapangyarihang pagpapakita ng lakas militar” sa kasaysayan ng US, nagbanta naman si Trump na isusunod ang Cuba, Colombia, Mexico, pati ang Greenland na bahagi ng teritoryo ng Denmark.
Hindi nagkataon lang na pare-pareho itong mayaman sa langis, rare earth at iba pang kritikal na mineral, o nasa mga estratehikong lokasyon, o may pakikipag-ugnayan sa China.
“Sa ilalim ng bago nating national security strategy, hindi na maaaring kuwestiyonin muli ang dominasyon ng Amerika sa western hemisphere,” sabi ni Trump sa press conference kasunod ng pagdukot kay Maduro.
Noong Disyembre, isinapubliko ang 2025 National Security Strategy (NSS). Nakalatag dito ang plano para muling pagharian ng US sa buong western hemisphere. Pipigilan nitong magpuwesto, magmay-ari o makakontrol sa mga estratehiko at susing “asset” ang mga “kakompetisyon” na maaaring gamitin laban sa US.
Saklaw ng western hemisphere, o kanlurang hating-daigdig, ang mga rehiyon ng Amerika, mula Canada sa hilaga, hanggang Argentina sa timog.
Tinawag ni Trump ang kanyang NSS bilang “Donroe Doctrine.” Halaw ito sa Monroe Doctrine, patakarang ginamit ng US sa kolonisasyon ng Latin America noong 1823. Iginigiit nito ang solong kontrol ng US sa western hemisphere at anumang panghihimasok na banta sa dominasyong ito ay ituturing na pag-atake sa US.

Ayon sa NSS, gagamit ng US ng “iba’t ibang paraan” para pigilang makipagtulungan sa kakompetisyon nito ang mga bansa sa naturang hemisphere. Hindi pinangalanan, pero malinaw na tinutukoy nito ang China, na patuloy ang paglakas ng pampolitika at pang-ekonomiyang impluwensiya sa bakuran ng US
“Gustong gamitin ni Trump ang US military power habang ito ay pinakamalakas pa sa buong daigdig, at gamitin ito para pahinain ang China, na humahabol sa impluwensiya sa ekonomiya sa Latin America,” ani Simbulan.
Susing bahagi ng NSS ang pagkontrol ng mga kompanyang US sa langis at mga kritikal na mineral ng rehiyon. Layon nitong bakuran ang mga “supply chain” o daluyan ng produksiyon, na ngayo’y kontrolado ng China.
“Ang ‘big stick’ ng military power ng US, na may halos $1.5 trilyon [itong] budget [na] gusto niyang gamitin para manatiling numero unong superpower at angkinin ang mga bansang may likas yaman gaya ng oil, rare earth, etc., na kailangan ng US,” sabi ni Simbulan.
Bagamat nasa labas ng western hemisphere, tinitingnang susi sa pangkalahatang plano ng US ang Greenland dahil sa estratehikong posisyon nito. Isa rin ito sa pangunahing pinagmumulan ng rare earth at iba pang kritikal na mineral ng China.
Ayon sa mga lider ng bansa sa Europe, banta sa seguridad ng rehiyon at labag sa internasyonal na batas kung sasakupin ng US ang Greenland.
Pero sa panayam ng CNN, sinabi ni Stephen Miller, deputy chief of staff at susing tagapayo ni Trump, na hindi na dapat pinag-uusapan ang mga internasyonal na batas, dahil ang mundo aniya ay pinapatakbo ng lakas at kapangyarihan.
“Kami ay isang superpower. At sa ilalim ni Trump, aasta kami bilang isang superpower,” sabi ni Miller, na pinakaeksakto namang paliwanag kung bakit kinidnap ng US si Maduro.