Performance evaluation sa mga guro, ‘bulag’ sa reyalidad
Para sa promosyon, kailangan hindi bababa sa “Very Satisfactory” ang marka na makukuha ng guro sa Performance Management Evaluation System nang tatlong sunod-sunod na taon.
“Para sa amin ‘di ‘yan makatao, nakaturol lagi sa guro ang problema bakit may failure ang education system,” sabi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) chairperson Ruby Bernardo sa panayam ng Pinoy Weekly.
Higit isang linggo bago ang panayam, kasamang nakiramay si Bernardo at iba pang kapwaguro sa pamilya ni Agnes Buenaflor, guro mula sa Pedro E. Diaz High School sa Muntinlupa City na binawian ng buhay noong Ene. 7 sa kalagitnaan ng kanyang classroom observation.
Bandang 1 p.m., habang nagtuturo sa klase na dinaluhan ng school principal at isang master teacher, sinabi raw ni Buenaflor na sumasakit ang ulo niya bago siya tuluyang nawalan ng malay at nasawi.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Department of Education at ang paaralan na kinabibilangan ni Buenaflor. Pero para sa maraming guro sa buong bansa, kailangan ng mas tapat na tugon bukod sa pakikiramay at pansamantalang pagtigil ng mga classroom observation.
Bahagi ang classroom observation sa performance evaluation ng mga guro. Para sa promosyon, kailangan hindi bababa sa “Very Satisfactory” ang marka na makukuha ng guro nang tatlong sunod-sunod na taon.
“Sa ilalim kasi nitong Performance Management Evaluation System, dalawang beses kaming io-observe kada taon. Pero mas nagiging mabigat ito dahil may nakataya gaya ng mga benepisyo na Performance Based Bonus, Service Recognition Incentive, at iba pa maging ang aming promosyon,” sabi ni Bernardo.
Aniya, posible pa rin naman tingnan ang aktuwal na pagtuturo ng guro sa loob ng klase, pero may mga probisyon na kailangan magbago.
Bahagi ng ebalwasyon sa mga guro ang kakayahan nilang epektibo na gumamit sa klasrum ng teknolohiya o information and communication technology (ICT). Kailangan daw “ICT-based.” Kaya tanong ni Bernardo, “Paano namin ‘yan magagawa kung kalakhan nga sa amin, ipinangungutang pa makabili lang ng laptop?”
“Bulag ang mga performance evaluation na ito sa totoong kalagayan ng public schools natin,” sabi ng guro. “Paano kami makakapagturo nang maayos kung mismong teacher-student ratio pa lang e ‘di na pumapasa sa standards?” May mga klase pa aniya na higit 60 mag-aaral ang nagsisiksikan o hinahati-hati ang maliit na ngang mga klasrum.
Kaya bukod sa pagbabasura nitong kasalukuyang pormulasyon ng Results-Based Performance Management System, panawagan ng mga guro ang pagtugon ng gobyerno sa mga hinaing para sa sapat na pondo para batayang kailangan sa mga paaralan at makataong suweldo.