close

TaskUs Clark, inireklamo sa NLRC


Naghain ng reklamo sa National Labor Relations Commission ang mga empleyado ng kompanyang business process outsourcing na TaskUs Clark sa Pampanga dahil sa ilegal na tanggalan at pagpapataw ng “floating staus.”

Nagpahayag ng suporta ang BPO Industry Employees Network (BIEN) nitong Ene. 8 sa mga quality analyst (QA) ng kompanya ng business process outsourcing (BPO) na TaskUs sa Clark Freeport Zone, Pampanga na nagsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) kaugnay ng ilegal na tanggalan at pagpapataw ng “floating status.”

“Hindi magbabago ang sistema hangga’t hindi tayo nag-oorganisa, narapat lamang na ipaglaban ang seguridad sa trabaho at dignidad nating mga manggagawa,” pahayag ng BIEN.

Ang mga QA ang humahawak ng mga kliyente sa larangan ng food delivery, e-commerce, financial technology at content moderation kung saan kritikal ang kanilang mga papel sa pagtitiyak ng kalidad at kaligtasan ng mga serbisyo.

Ayon sa BIEN, may lima hanggang pitong taong panunungkulan na sa kompanya ang karamihan sa mga tinanggal. Ibinunyag nilang sapilitan silang isinailalim sa tinatawag na “redeployment program,” kung saan kinakailangan nilang dumaan sa panibagong ebalwasyon para sa mas mababang posisyon nang walang katiyakan sa pagpapanatili ng kanilang kasalukuyang suweldo.

Giit ng grupo, hindi hiwalay o nagkataon lang ang kaso ng mga QA ng TaskUs Clark. Mula Nobyembre 2025, nakapagtala na umano ang BIEN ng humigit-kumulang 245 ulat ng mga manggagawa sa BPO na inilagay sa floating status, ilegal na tinanggal o nakaranas ng abuso at hindi maayos na kondisyon sa paggawa.

Dahil sa kawalan ng kasiguraduhan, marami sa mga manggagawa ang napipilitang magbitiw sa trabaho, isinusuko ang haba ng kanilang serbisyo at karanasan, at gumagastos muli upang makapaghanap ng panibagong trabaho.

Para sa BIEN, malinaw na inilalantad ng nasabing kaso ang tumitinding krisis sa kanilang industriya at ang patuloy na pag-iwas ng mga kompanya ng BPO sa pananagutan sa kanilang mga manggagawa.