close

Abot-kayang Valentine’s date ideas


May plano na ba kayo sa Araw ng mga Puso? Narito ang ilang Valentine’s Day date ideas para kahit kulang sa badyet, paldo pa rin sa pag-ibig!

Papalapit na naman ang Araw ng mga Puso at kasabay nito ang pagtaas ng presyo ng mga bulaklak at mga regalo. Ngunit wala naman sa mamahaling bagay ang Valentine’s Day, nasa pagbibigay ito ng panahon at tamang pagsisikap para sa minamahal mo sa buhay.

Kaya narito ang mga abot-kayang Valentine’s Day date ideas para kahit kulang sa badyet, paldo pa rin sa pag-ibig!

Ang Arroceros Forest Park, ang “Last Lung of Manila.” Climate Change Commission

Kung naiilang na kayo sa mainit at walang tigil na galaw sa siyudad, baka nais niyong magplano ng nature trip. Pagbaba sa LRT-1 Central Station, kaunting lakad lang at makakarating ka na sa Arroceros Forest Park, ang “Last Lung of Manila.”

Walang entrance fee at araw-araw nililinis ang liwasan kaya magandang date spot kung kailangan n’yo ng mapayapang lugar para mag-usap at magnilay-nilay. Bukas ito mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.

Ang “Spoliarium” ni Juan Luna sa National Museum of Fine Arts. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Pagbaba sa susunod na istasyon sa LRT-1 United Nations, matatagpuan ang tatlong Pambansang Museo: Fine Arts, Natural History at Anthropology. Libreng pumasok at siguradong hindi n’yo madaanan ang lahat ng bahagi ng mga museo sa loob ng isang araw.

Bukas mula 9 a.m. hanggang 6 p.m.. ang mga museo. Magandang date spot din ito para sa mga taong gustong lumabas sa nakasanayang pang-araw-araw na buhay.

Date tips: Ikutin ang isang kuwarto nang magkahiwalay at pumili ng tig-isang paboritong sining o eksibit. ‘Pag nagkita kayo muli, ibahagi sa isa’t isa ang napiling eksibit. 

Iba’t ibang flora at fauna ang matatagpuan sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon Avenue, malapit sa Quezon Memorial Circle. Kilala rin ito bilang “Lung of Quezon City” dahil pinoprotektahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang harding botanikal at santuwaryo ng mga hayop dito. 

Para sa mga taong naghahanap ng mapayapang lugar na matatambayan, araw-araw na bukas ang parke mula 7 a.m. hanggang 5 p.m.

Larawan ni Melchora Aquino na sasalubong sa mga bisita ng Tandang Sora Women’s Museum. Aly Atun/Pinoy Weekly

Kung kasaysayan naman ang hilig ninyo, maaari ring maging pasyalan ang bagong Tandang Sora Women’s Museum na matatagpuan sa Banlat Road. Bukas ito mula 9 a.m. hanggang 4 p.m. na may admission free na P50 para sa mga bibisita. Ngunit kung residente ka ng Quezon City, PWD o senior citizen, wala nang bayad ang pagbisita nito at kailangan lang magpakita ng valid ID.

Kahit saan man kayo mapadpad, wala naman sa lugar ang diwa ng Valentine’s. Basta’t magkasama kayo at masaya sa presensiya ng isa’t isa, siguradong magiging malago ang inyong relasyon.

Sana’y makatulong ang listahan ng mga date ideas na ito. Happy Valentine’s Day!