Hinggil sa mga biktima
Ang etika ng pag-alala ay bahagi ng ating pakikibaka at paglaban para sa katarungan sa lahat ng mga biktima.
Dalawang pelikulang mula sa ibang bansa ang nagpaalala sa akin hinggil sa pagkakapareho ng mga kasaysayan at danas ng awtoritaryan na pamamahala sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Masasalamin sa mga naratibong ito ang paglalantad ng trauma na iniluwal ng mga rehimeng awtoritaryan sa utak, katawan at alaala ng mga nabiktima at ng lipunang ginawaran ng dahas.
Sa pelikulang Iranian na “It Was Just An Accident” ni Jafar Panahi na umani ng Palme D’Or sa nagdaang Cannes Film Festival, dinukot ng isang lalaki ang pinaghihinalaan niyang berdugo na nagpahirap sa kanya sa ilalim ng awtoritaryan na rehimen ng Iran.
Isinakay niya sa van ang lalaki at nakipag-ugnayan siya sa mga dating biktima ng tortyur upang masiguro na ito nga ang berdugong kinakailangan nilang singilin sa mga karahasan na ipinaranas nito sa kanila.
Sa pagtakbo ng pelikula—at ng van na kanilang kinalululanan—umuusbong ang pagdududa dahil sa kawalan nila ng katiyakan sa kanilang paghihinala; pawang nakapiring sila noon at tanging mga pandinig lang ang pandamang mapagkakatiwalaan nila upang makilala ang kanilang berdugong may prostetikong binti.
Sa kawalan ng katiyakang ito mababakas ang krisis ng alaala na nakalubid din sa krisis ng kawalan ng hustisya para sa mga nakaraang pandarahas.
Sentral na usapin sa pelikula ang kabiguang mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng karahasan ng estado. Ito mismo ang nagtulak sa mga biktima na maghiganti sa nagpahirap sa kanila sa ekstrahuridikal na pamamaraan. Dahil dito, nailagay ng mga biktima ang kanilang sarili sa posisyon ng berdugo.
Sa dalawang pelikulang ito, ipinasisilip sa atin ang masalimuot na papel ng pampolitikang alaala sa pag-unawa sa iba’t ibang porma ng karahasang pampolitika.
Mula naman sa Brazil, tinalunton ng “A Secret Agent” ni Kleber Mendonça Filho ang tangkang makatakas ng isang aktibistang propesor mula sa mga ahente ng diktadura noong dekada ’70. Sa tulong ng underground network, nagkaroon siya ng isang bagong identidad at hanapbuhay habang inaayos ang pagtatangkang makaalis ng Brazil.
Nakalugar sa carnivalesque na enerhiya ng Mardi Gras ang pelikula upang maipahiwatig ang kahibangang hinaharap ng mamamayan sa harap ng mga puwersa ng dahas na nagmamarka sa kanilang araw-araw na buhay.
Ito ang kahibangang iniluwal ng kultura ng impunidad kung saan pangkaraniwan na lang ang shoot-outs sa mga lansangan at mga natatagpuang piraso ng mga bangkay ng mga pinaslang ng estado.
Sa huli, lumilitaw na isang pelikula rin ng alaala ang “The Secret Agent” dahil sa pagtawid nito sa kasalukuyan. Nakapaloob ang kuwento ng propesor sa arkibo ng mga audio recording na tila time capsule ng nakahihibang na panahong ito. Nakatala rito ang mga lihim na pagsusumikap ng mga kilusan at indibiduwal na maghanap ng kaligtasan habang itinutuloy ang pakikibaka sa sistema ng paninikil.
Sa dalawang pelikulang ito, ipinasisilip sa atin ang masalimuot na papel ng pampolitikang alaala sa pag-unawa sa iba’t ibang porma ng karahasang pampolitika.
Makabuluhan ang inihahaing repleksiyon ng mga ito lalo pa’t ang ating kasalukuyan ay malagim na akumulasyon sa arkibo ng dahas—mula sa nagpapatuloy na henosidyo sa Gaza, sa dahas ng ICE sa Amerika, hanggang sa iba’t ibang porma ng pandarahas sa ilalim ng label na kontra-insurhensya sa Pilipinas at iba pang panig ng daigdig.
Ang etika ng pag-alala ay bahagi ng ating pakikibaka at paglaban para sa katarungan sa lahat ng mga biktima.