Karapatan na mataas ang presyo
Sa pagsisimula ng bagong akademikong taon, muling haharap ang mga mag-aaral sa mga pribadong unibersidad sa tuition and other fees increase na 3% hanggang 10%.
Malaki ang papel ng teknolohiya sa pag-aaral ng isang estudyante. Sa panahon ng digital learning, pangunahing pangangailangan na ang internet para sa matapos ang gawain ng mag-aaral. Ngunit paano kung sa mismong paaralan, palyado ang nagiging koneksiyon dito?
Ganito ang problema ng estudyanteng si Jesamine Ramolete, 21, kasalukuyang mag-aaral ng Bachelor of Science in Psychology sa St. Louis University (SLU) sa Baguio City.
“Nakakapagtaka lang din kasi we are paying an amount specifically for the campus Wi-Fi. However, as of now sa building namin, hindi gumagana or minsan mabagal,” sabi ni Ramolete.
Napipilitan na lang silang bumili ng load o data na dumadagdag pa sa kanilang araw-araw na gastusin.
Noong nakaraang akademikong taon, tumaas nang 6.25% ang tuition and other fees ng SLU. Pero para kay Ramolete, hindi niya naman nararamdaman ito dahil kapos ang basic student services katulad ng Wi-Fi connection.
“Nasaan napunta yung mga allocated funds for those specific concerns? So basically, hindi [rin] siya nag-improve,” sabi ni Ramolete.
Sa pagsisimula ng bagong akademikong taon, muling haharap ang mga mag-aaral sa mga pribadong unibersidad sa tuition and other fees increase (TOFI).
Sa SLU, haharapin si Ramolete at mga iba pang mag-aaral sa panukalang 5.50% other fees increase ng administrasyon.
Ayon kay National Union of Students of the Philippines (NUSP) Cordillera chairperson Eugene Enciso, hindi na bago ang TOFI sa mga unibersidad.
“It’s a reality sa loob ng mga private universities,” sabi ni Enciso. “But that doesn’t mean na hindi natin siya tututulan.”
Dagdag niya, nanawagan sila sa Kordilyera ng pagsasaayos ng student services na hindi naman tumutugma sa patuloy na pagtaas ng mga bayarin.
“Ngayon ‘yong kampanyang ‘students deserve better’ ay [isang] lokal na kampanya ng mga paaralan dito sa Baguio, Benguet calling for the betterment of student services sa loob ng ating mga [university],” sabi niya.
Ayon sa nakolektang datos ng Pinoy Weekly mula sa iba’t ibang pribadong higher education institution (HEI), nasa pagitan ng 3% hanggang 10% ang panukalang dagdag-matrikula at iba pang bayarin.
Pinakamalaki rito ang University of Baguio na mayroong 10% proposed increase na sinundan ng University of San Carlos sa Cebu City na nasa 6.7%.
Pagtutol sa taas-matrikula
Sa tuwing tinututulan at nilalabanan ng mga mga mag-aaral ang dagdag-matrikula at ‘di makatuwirang mga patakaran, madalas na panunupil ang sagot ng mga administrador ng paaralan.
Sa Cebu Institute of Technology-University (CIT-U), pinagbantaan ang dose-dosenang estudyante matapos maglunsad ng petition signing campaign laban sa TOFI.
Pinangunahan ng Progressive Alliance of Concerned Technologians ang petisyon na nananawagang isagawa muna ng adminsitrasyon ang isang public consultation bago ituloy ang pagtaas ng matrikula para sa susunod na akademikong taon.
Binansagan naman ng administrasyon bilang “illegal assembly” ang ginawa ng mga estudyante at lumalabag raw ito sa handbook.
Ngunit kung pagbabasehan ang Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order No. 3, Series of 2012, tungkulin ng mga pribadong unibersidad na magsagawa ng konsultasyon bago mag-apply ng pagtataas ng mga bayarin.
Hindi pa isinasapubliko ang datos ng iminumungkahing pagtaas. Ngunit sa nakaraang taon, nagtaas ang CIT-U ng 12% sa matrikula.
Nakipagpulong naman ang student council ng CIT-U sa administrasyon ng unibersidad noong Peb. 27. Wala pang inilalabas na impormasyon ang student council sa naging bunga ng diyalogo habang isinusulat ang ulat na ito.
Hiling ng mga estudyante
Sa kanilang pahayag noong Ene. 29, idiniin ng NUSP ang panawagang “zero increase” para sa lahat ng unibersidad.
“Idinadahilan ng mga private [university] ang inflation, pagpapabuti ng pasilidad at pagtataas ng suweldo para sa mga faculty at personnel sa TOFI, pero patuloy na nagdudusa ang mga estudyante sa outdated facilities, kakulangan ng laboratory equipment at hindi maayos na serbisyo sa kabila ng tuloy-tuloy na pagtaas ng kanilang binabayaran kada taon,” pahayag ng NUSP sa Ingles.
Bukod pa rito, nanawagan din sila sa CHED na mag-utos ng TOFI moratorium, repasuhin ang mga kasalukuyang patakaran sa TOFI at isama ang NUSP sa CHED Technical Working Group pagdating sa tuition fees.
Naninindigan silang dapat gawing priyoridad ng gobyerno ang edukasyon.
“Ang pagtaas ng matrikula ay direktang repleksiyon ng misplaced priorities ng gobyerno. Kung totoo ang sinasabi ni Marcos Jr. na priyoridad niya ang edukasyon, dapat hindi na kinakailangang magbigay ng panibagong pasakit ang mga unibersidad sa mga estudyante nito at kani-kanilang pamilya,” sabi ng NUSP.