close

LTFRB, itinaas ang pamasahe sa gitna ng krisis sa langis


Magtataas ng pamasahe sa mga PUV matapos maghain ng petisyon ang iba’t ibang transport group. Daing ng mga drayber at opereytor ang pagbagsak ng kanilang kita dulot ng krisis sa langis at giyera ng United States at Israel sa Iran.

Ngayong linggo, magtataas ng pamasahe sa halos lahat ng public utility vehicles (PUVs) matapos maghain ng petisyon ang iba’t ibang transport group. Daing ng mga drayber at opereytor ang pagbagsak ng kanilang kita sa mga nagdaang linggo dulot ng krisis sa langis at giyera ng United States at Israel sa Iran.

Simula Huwebes, Marso 19, papasanin ng mga komyuter ang mga sumusunod na bagong minimum fare:

  • Traditional jeep – P14, mula P13
  • Modern jeep – P17, mula P15
  • City bus (ordinary) – P15, mula P13
  • City bus (aircon) – P18, mula P15
  • Provincial bus (ordinary) – P12, mula P11
  • Provincial bus (aircon) – Dagdag na P0.35 kada kilometro
  • Airport taxi – Dagdag na P40 sa base fare
  • TNVS (sedan, AUV/SUV) – Dagdag na P20 sa base fare
  • P2P – 15% increase sa kasalukuyang pamasahe

“Insulto” ang P1 na fare hike ayon sa Piston pagkat aabot na ng P120 kada litro na presyo ng diesel. Gagastos ang mga tsuper ng jeep ng P3,600 kada araw o P90,000 kada buwan sa diesel.

“Patunay ito na nananatiling inutil ang gobyernong Marcos [Jr.]. Walang mga kagyat na solusyon o aksiyon sa krisis na kinakaharap natin dahil sa gerang agresyon ng US,” ayon sa grupo. 

Nagsumite rin ng fare hike petition ang mga grupo ng motorcycle (MC) taxi at regular taxis, subalit hindi pa ito inaaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Magiging epektibo ang taas-pasahe kasabay ng unang araw ng tigil-pasada ng  Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at protestang bayan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ngayong Huwebes.

Maraming netizens ang umalma pagkalabas ng anunsyo ng taas-pasahe.

Ngunit sa pananaw ng PARA Commuters’ Network, grupo ng mga transport advocates, hindi dapat pagbanggain ng gobyerno ang interes ng mga komyuter sa makatwirang kahilingan ng mga drayber at opereytor.

“Band-aid solution ng Marcos admin ang napakaliit na fare hike. Hindi ang pagtaas ng pamasahe ang problema ng mga komyuter kundi ang mababang sahod at kawalan ng disenteng trabaho,” sabi ni Nanoy Rafael, tagapagsalita ng PARA Commuters’ Network.

Nanawagan naman ang Piston at Bayan sa publiko na suportahan ang laban para sa pagpababa ng presyo ng langis at bilihin, pagtanggal sa value-added tax at excise tax, pagtaas ng minimum na sahod, at pagtigil sa panghihimasok at gerang agresyon ng US sa Iran at sa buong mundo.