close
Main Story

May hangganan ang hapis


Halos apat na taon matapos ang madugong rehimen ni Rodrigo Duterte, sumilay ang pag-asa ng katarungan para sa mga kaanak ng mga biktima ng giyera kontra droga sa pagdinig ng International Criminal Court Pre-Trial Chamber I para sa kumpirmasyon ng mga sakdal laban sa berdugong dating pangulo.

“Nalaman namin sa isang balita na may natagpuang dalawang bangkay dito sa Arboretum sa Diliman na nakahandusay sa tabi ng isang jeep,” kuwento ni Llore Pasco sa Pinoy Weekly.

Umalis ng bahay ang anak ni Nanay Llore na si Crisanto Lozano, 34, noong madaling araw ng Mayo 11, 2017 para mag-renew ng lisensiya. Hindi alam ng ina na umalis din ng bahay ang isa pang anak na si Juan Carlos Lozano, 31. Lumipas ang gabing hindi nakauwi ang magkapatid.

Noong sumunod na araw, Mayo 12, 2017, hinanap ni Nanay Llore ang magkapatid. Nag-ikot siya sa Quezon City hanggang sa makarating sa Camp Karingal, punong himpilan ng Quezon City Police District (QCPD).

Sabi sa balita, nangholdap daw ang magkapatid at nagkaroon ng habulan mula Tandang Sora hanggang sa umabot sa Arboretum. Sabi naman ng QCPD, isa umanong lehitimong operasyon ng pulisya ang nangyari.

Si Llore Pasco (gitna), ina ng dalawang biktima ng pamamaslang sa panahon ni Rodrigo Duterte, kasama ang mga abogadong tumutulong sa mga biktima ng pamamaslang na sina Neri Colmenares (kaliwa) at VJ Topacio (kanan). Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sinuyod ni Nanay Llore ang mga punerarya na malapit sa lugar na kinatagpuan ng mga labi hanggang sa matunton sa isang punerarya sa Lungsod ng Maynila. Dahil kapos sa pera, hindi agad natubos ni Nanay Llore ang mga bangkay ng mga anak. 

“After nine days, tsaka pa [lang namin] nakuha [ang mga katawan]. Doon ko nakilala ang Rise Up,” sabi ni Nanay Llore.

Sumaklolo sa kanya ang mga tanggol-karapatan at taong simbahan ng Rise Up for Rights and for Life (Rise Up) na tumawad sa punerarya at lumikom ng pambayad para makuha ng mga labi ng magkapatid.

Sa kanilang mga death certificate, nagtamo ng mga tama ng bala ang magkapatid. Walang kahit anong imbestigasyon ang pulisya sa insidente. Ipinagkait din nila ang mga dokumento ng operasyon.

Pinanood ng mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang ang unang araw ng confirmation of charges hearing ng International Criminal Court noong Peb. 23 sa University of the Philippines Diliman. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Mayroon pang mga pumupunta sa bahay na hinahanap sila. Siguro nagsu-surveillance lang ‘yon kung ano man,” ani Nanay Llore. “Natakot siyempre ‘yong anak ko na panganay. May isang anak pa ko e.”

Halos isang dekada matapos ang kalunos-lunos na sinapit ng magkapatid na Crisanto at Juan Carlos, patuloy si Nanay Llore sa paghahanap ng katarungan sa kabila ng mga balakid na kailangang igpawan.

Isa si Nanay Llore sa mga kaanak ng mga biktima ng huwad na giyera kontra droga na personal na nakadalo sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I sa The Hague, The Netherlands nitong nakaraang Pebrero.

Sa tulong ng mga organisasyon sa karapatang pantao at non-government organization, nagkaroon ng pagkakataon ang ilang mga biktima ng giyera kontra droga na makapunta sa pagdinig ng Pre-Trial Chamber I.

Sa pagdinig, inilatag ng prosekusyon ang mga nakalap na impormasyon at ebidensiya sa imbestigasyon nito para sa alegasyong mga krimen laban sa sangkatauhan laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang depensa na kuwestiyonin ang mga inihapag ng prosekusyon. Ngunit, ayon na rin sa mga abogado ng biktima sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), tila inulit lang ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman ang mga baluktot na pangangatuwiran hinggil sa giyera kontra droga.

“Parang naging full-fledged DDS (Duterte Diehard Supporter) na itong si Kaufman,” ani Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule, isa sa mga abogadong tumutulong sa mga biktima, matapos mapanood ang unang araw ng pagdinig ng Pre-Trial Chamber I noong Peb. 23 sa University of the Philippines (UP) Diliman kasama ang mga biktima.

Noong linggong iyon ng apat na araw ng pagdinig ng ICC, naging laman ng balita si Nanay Llore at isa pang kaanak ng biktima ng pamamaslang na si Sheerah Escudero na kasama niya sa The Hague. Naging tampulan sila ng panunuya at paninira ng mga tagasuporta ni Duterte sa social media.

Si Sheerah Escudero, nakatatandang kapatid ni Ephraim Escudero na biktima ng giyera kontra droga. Labing walong taong gulang si Ephraim nang matagpuang patay sa Angeles City, Pampanga. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Nakababatang kapatid ni Sheerah na si Ephraim, 18, isang cellphone repair technician, ang naging biktima ng giyera kontra droga ni Duterte. Natagpuan sa Angeles City, Pampanga ang bangkay ni Ephraim noong 2017, malayo sa kanilang tinitirhan sa San Pedro City, Laguna.

Kuwento ni Sheerah sa Pinoy Weekly, ilang araw nang nawawala ang kapatid mula Set. 19, 2017. Umalis ang kanyang kapatid sakay ng kanyang motorsiklo kasama ang isang Ronnie Pionilla, 52, at isa pang lalaki bandang 6 p.m. batay na rin sa CCTV footage.

Nalaman nina Sheerah sa balita na may nakitang dalawang patay sa Pampanga noong Set. 21, 2017. Nakilala ng pamilya ang mga labi ni Ephraim dahil sa tatu sa katawan noong Set. 24, 2017.

Natagpuan ang mga labi ni Ephraim na nakagapos ang mga kamay sa likod, nakabalot ng plastic at tape ang mga paa, napapaluputan ng packaging tape ang ulo, at may mga tama ng baril. Natagpuan naman sa bayan ng Porac ang katawan ni Ronnie.

“Doon sa mismong site kung saan s’ya tinapon, may narinig na multiple na putok ng baril,” sabi ni Sheerah. “Mukhang fresh pa raw ‘yong body no’ng nakuha nila doon sa pinagtapunan sa isang subdivision sa Angeles [City], Pampanga.”

Ayon sa mga ulat, si Ronnie ay nasa surveillance ng pulisya dahil kakalaya lang nito noon sa bilangguan. Hindi naman nakilala ang ikatlong kasama nila. Nang matagpuan si Ephraim sa Pampanga, nawawala ang motorsiklo at dalawang cellphone niya.

Inamin ni Sheerah na dating gumamit ng droga ang kapatid, ngunit tumigil na at hindi na gumagamit bago mangyari ang insidente. Ayon sa isa sa mga abogado ng mga biktima si Neri Colmenares, kahit pa napatunayang gumagamit ng droga ang biktima ng pamamaslang, hindi ito katuwiran para pumatay.

Larawan mula sa Agence France-Presse Fact Check

Sa ngayon, isa sa mga matatapang na boses ng mga biktima si Sheerah na kasapi rin ng Rise Up. Kahit mahirap para sa kanya ang paulit-ulit na pagkukuwento, pinalalakas niya ang kanyang loob na mailahad ang katotohanan para sa alaala ng kapatid upang hindi malimutan ang karumal-dumal na sinapit nito at ipahayag na walang anumang katanggap-tanggap sa mga pamamaslang na inutos ni Duterte.

Habang nasa The Hague sina Nanay Llore at Sheerah para dumalo sa pagdinig ng ICC, kumalat ang isang manipuladong retrato nila kasama si Rise Up coordinator Rubilyn Litao na may dalang mga mamahaling hand bag.

Pinaratangan pang suportado umano ng ilang politiko ang kanilang biyahe para dumalo sa pagdinig ng ICC. Pinabulaanan nila ang mga kasinungalingan laban sa kanila sa tulong na rin ng mga payo ng mga abogado at tanggol-karapatan. Paano nga naman makakapunta ng The Netherlands sa Europa ang mga tulad nilang mahihirap?

“Sa akin reflection s’ya nang kung paano ni Duterte na-corrupt ang kaisipan ng mga Pilipino,” wika ni Sheerah.

Ayon kay Nanay Llore, maraming sumusuportang organisasyon, taong simbahan at nagmamalasakit na indibidwal ang nag-ambag-ambag para makarating sila sa The Hague. May mga tagasuporta ring nag-alok sa kanila ng matutuluyan at nagboluntir na mabigyan sila ng seguridad habang naroon.

“Kung alam lang nila kung paano kami nakapunta doon, sobrang hirap,” wika ni Nanay Llore. “Wala pong tumulong na gobyerno sa amin. Nililinaw ko po iyon.”

Pinipili na lang nilang huwag pansinin ang mga paninira, ngunit hindi talaga maiwasan lalo na’t nagkalat ito sa social media na dagdag pa sa alalahaning hinaharap ng mga pamilyang dumaranas ng matinding trauma dahil sa nangyaring pagpatay sa kanilang mahal sa buhay at sa patuloy na paninira at pangungutya sa kanilang mga naulila.

Kahit ganoon, maraming umaagapay sa mga tulad nina Nanay Llore at Sheerah upang itaas ang kanila moral at suportahan sila sa kanilang laban tulad ng Rise Up, NUPL, Karapatan at iba pang organisasyon.

Pagtitipon ng mga kaanak ng mga biktima ng giyera kontra droga sa College of Social Work and Community Development sa University of the Philippines Diliman noong Peb. 27, 2026, huling araw ng confirmation of charges hearing ng International Criminal Court sa kaso ni Rodrigo Duterte. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sa kabila ng mga atake sa mga biktima, lumalakas ang loob nina Nanay Llore at iba pang mga kaanak dahil sa tulong at suporta ng iba’t ibang grupo sa karapatang pantao, taong simbahan at indibidwal na nagmamalasakit. Sila-silang mga biktima rin ang umaalalay sa isa’t isa sa pagtahak ng mahabang daan tungo sa hustisya.

“Masakit sa pakiramdam lalo na sa pamilya, sa mga anak ko. Sa payo ng mga attorney namin, ng mga coordinator ng Rise Up, gumaan ang loob namin,” ani Nanay Llore.

Halo-halong emosyon naman ang naramdaman nina Nanay Llore at Sheerah habang nasa public gallery ng ICC. Ngunit hindi maaaring magpakita ng matinding emosyon habang naroroon.

Habang nasa pagdinig, muling nanariwa ang mapait na sinapit ng kanilang mga kaanak sa mga inilatag na mga detalye ng prosekusyon sa kung paano nangyari ang mga patayan noong panahon ni Duterte.

Masakit man na paulit-ulit nilang marinig at ikuwento ang nangyari sa kanilang mga mahal sa buhay, hindi sila magsasawa kung ito lang tanging ang paraan para makamit ang hustisya.

Ani Nanay Llore, maraming pamilya ang natatakot na lumitaw at magsalita tungkol sa nangyari sa kanilang kaanak. Kaya patuloy niyang nilalakasan ang loob para maging boses ng mga kapwa biktima. Nanawagan din siya sa iba pang mga biktimang hindi pa nagkakalakas ng loob na magsalita.

“Ito na ‘yong tamang panahon para tayo ay lumabas [at] magsalita,” aniya. “Kung hindi kami magsalita, sino pa ang magsasalita?”

Sinabi rin ni Rubilyn, na isa ring diakonesa ng United Methodist Church liban sa pagiging tanggol-karapatan, nananatiling bukas ang Rise Up para sa mga biktimang nais sumama sa laban para sa pananagutan at katarungan sa mga pamamaslang sa ilalim ni Duterte.

Si Mary Anne Domingo (kanan), asawa at ina ng mga biktima ng giyera kontra droga, kasama si Karapatan secretary general Cristina Palabay sa panonood ng pagdinig ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Peb. 27, 2026 sa University of the Philippines Diliman. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sa Pilipinas, nagsama-sama ang mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang para panoorin ang livestream ng pagdinig sa The Hague.

Sa huling araw ng pagdinig ng Pre-Trial Chamber I noong Peb. 27, dumagundong ang palakpakan ng mga kaanak at tanggol-karapatan sa Bulwagang Tandang Sora sa UP Diliman sa mga pahayag ng prosekusyon at karaniwang legal na kinatawan ng mga biktima. Bakas sa kanilang mga mukha ang pag-asang makakamit nila ang katarungan.

Buo rin ang suporta ng mga organisasyon at grupo tulad ng Duterte Panagutin! Campaign Network na makamit ang katarungan para sa mga nawalan.

Inaasahang maglabas ng desisyon ang Pre-Trial Chamber I bago matapos ang Abril kung uusad ang paglilitis kay Duterte, mataas ang kanilang kumpiyansang kukumpirmahin ng mga huwes ang mga sakdal.

“Hopeful kami na magpu-push ito sa trial. Kami pong mga [pamilya] ng victims at mga nawalang mahal namin sa buhay mismo ang matibay na ebisdensiya kung bakit kailangang mapanagot si Duterte at kailangan siyang ma-convict,” ani Sheerah.

Kung kukumpirmahin ang mga sakdal at itatakda na ang pagsisimula ng paglilitis, handa ang mga kaanak ng mga biktima na sundan ang mga mangyayaring pagdinig hanggang sa magbaba ng hatol ang ICC.

Karaniwang umaabot ng anim hanggang walong taon ang paglilitis sa ICC. May mga kaso ring umaabot ng 10 taon sa paglilitis.

“Kaming mga nanay, hindi kami nawawalan ng pag-asa. Sabi namin, kapit-kamay. Talagang ito’y walang iwanan,” sabi ni Nanay Llore. “Ito na ‘yon. Kumbaga, naka-one step forward na tayo kaya ituloy na natin.”