close
Kuwentong Trentahin

Pahinga? Ano ‘yon?


Tila normal na ang overtime, dala-dalawang trabaho o raket hanggang sa bumigay ang katawan at isip natin sa dami ng ginagawa.

Madalas sinasalubong ka ng mga kaibigan at kakilala ng simpleng “Kumusta ka?” At sa bawat pagkakataon, nakasunod ang tanong na “Nakakapagpahinga ka ba?” 

Kadalasang sagot, “Okay naman.” Pero hindi ko rin alam kung okay nga ba talaga ako. Para sa isang nanay na may espasyo ring inaalagaan para sa mga gustong huminga mula sa takbo ng buhay, iba ang kahulugan ng pahinga.

Minsan sapat na ang power nap o saglit na idlip habang nasa biyahe papasok sa trabaho. Kapag rest day, gagawin ang ibang gawain kung magkaroon ng oras, hinahayaan na ang sariling matulog nang mahaba para lang makabawi sa isang linggong pagod. Pero bakit parang kulang pa rin?

Naalala ko noong bata ako, madali lang ang pahinga. Ayaw ko pang sundin kapag pinapatulog ako ng magulang ko tuwing tanghali. May pagkakataon na nagtutulug-tulugan para lang hindi ako mapalo. Pipikit nang sandali at kapag nagising, may merienda na sa mesa at masaya ng makalabas ng bahay para makapag laro kasama ang mga pinsan at kaibigan.

Ngayon, bilang nanay, pambihira na ang pahinga. May anak na kailangan alagaan at may mga kailangan harapin sa buong araw. May isang munting espasyo ring inaasikaso, ang Chapterhouse na nagbibigay ng hingahan sa mga taong pagod sa sariling araw.

Oo, bahagi ito ng kabuhayan namin at araw-araw kaming nag-aasikaso ng pagpapatakbo nito, mula umaga hanggang madaling araw. Pero sa kabilang banda, nakakapaslit pa rin ng kakaunting pagpapalubay sa oras sa pakikipagkuwentuhan sa mga tao na dumarating doon.

Nagpapasalamat pa rin ako at may lakas para magampanan ang lahat ng ito. Dahil sa totoo lang, hindi lang ako ang pagod. Marami sa atin ay pagod, dahil na rin sa reyalidad ng pamumuhay ngayon.

Sa edad na ito, bihira na ang tunay na pahinga. Unti-unti na itong nagiging pribilehiyo. Sa ating bansa, tila normal na ang overtime, dala-dalawang trabaho o raket hanggang sa bumigay ang katawan at isip natin sa dami ng ginagawa

Kaya dapat raw matutong dumiskarte. Kapag may raket o sideline, tinatawag na masipag. Liban sa espasyo namin, nakikipagpaligsahan din ako sa mundo ng freelance. 

Pinili ko ang ganitong pamumuhay para sana hindi matali sa normal na oras ng trabaho at magkaroon ng mas maraming oras sa pamilya at sa aking sining. Pero kahit pa may kabuhayan, pati freelance work at minsanang mga raket, kulang na kulang pa rin ang kinikita.

Bakit kailangang umabot sa ganito? Bakit nagiging marka ng kahusayan ‘yong labis-labis na pagsasakripisyo ng katawan hanggang sa maubusan ka ng bait? Bakit kailangan magtrabaho nang lampas sa kakayahan para lang mabuhay nang disente?

Ito ang mukha ng neoliberal na kultura sa paggawa. Ibig sabihin, ang bawat galaw mo’y sinusukat sa kakayahan nitong lumikha ng yaman o salapi, kung saan ang responsibilidad ng indibidwal ay buhayin lang ang sarili at mag-survive sa sistemang bulok.

Nakaugat ito sa maraming usapin: sa sahod na hindi tumataas, sa gastos na patuloy na lumalaki at sa kakulangan ng suportang panlipunan mula sa maayos na edukasyon, serbisyong medikal at iba pang dapat responsibilidad ng gobyerno at maraming pang iba na nagpapatong-patong.

Sa edad na trenta o higit pa, unti-unti nating nauunawaan na ang pahinga ay hindi lang personal na desisyon. Kung iisipin natin na magkaroon ng oras na magpahinga sa mga gawain huwag na manghinayang—isipin na isa rin itong usapin ng karapatan. Karapatang magkaroon ng oras para sa sarili, para sa pamilya at para sa buhay na lampas sa trabaho.