Muling rebisyon at hindi ‘reframing’
Batbat ng asumpsiyon ang bahaging ito dahil tinitingnan ng komisyon na magkakatulad ang kahingian sa pagkatuto ng mga estudyante, kahingian sa mga industriya at ng mga komunidad.
Tila may ibang wika ang Commission on Higher Education (CHED) tuwing maglalabas ito ng panukala hinggil sa kurikulum sa kolehiyo. Sa pinakabagong pagtatangka nito, masisipat sa kanilang wika ang batayang pagkakaiba sa pagitan ng nais nitong tunguhin ng lalong mataas na edukasyon at ng pananaw ng mga sektor ng mga guro at estudyante.
Habang pinalalalim natin sa klase ang kabuluhan ng “higher education,” para kanino at para saan tayo nag-aaral? At paano ilalapat ang natutuhan upang maglingkod sa disiplina at sa bayan? Para sa CHED ay iisa lang ang kahulugan ng kolehiyo para sa kabataang Pilipino: susi tungo sa empleyong nakaayon sa pandaigdigang kahingian.
Kung titingnan ang kredibilidad ng komisyon hinggil sa usaping pang-edukasyon, isang mahalagang senyales na ang paggamit nito ng salitang “reframing” sa halip na rebisyon. Malaki ang mababago sa laman ng kurikulum kung maipatutupad ito, ngunit hindi nila magawang tawagin na rebisiyon ito dahil magsisilbi itong pag-amin sa kapalpakan ng CMO 20 s. 2013.
Ano pa mang pag-iingat ay mahihinuhang magkasalungat ang dalawang bagay na binabanggit sa rasyonal ng panukala: “this CMO supersedes the philosophical framing of CMO 20 s. 2013 while acknowledging its historical role.”
Makukuha sa layunin nito ang mga terminong palasak sa wika ng globalisasyon. Sa ikalawang layunin, nakasaad na ang disensyo at pagtuturo ng mga kurso sa general education (GE) ay dapat nakaayon sa “evolving demands of learners, industries, and communities—integrating digital literacy, entrepreneurial competencies, mental health awareness, and global citizenship.”
Batbat ng asumpsiyon ang bahaging ito dahil tinitingnan ng komisyon na magkakatulad ang kahingian sa pagkatuto ng mga estudyante, kahingian sa mga industriya at ng mga komunidad.
Kung tutuusin, kahingian ng industriya lang ang tinutugunan dahil sa ikalimang layunin, ang mga datos na may kaugnayan dito lang ang titingnan sa pagtatasa ng programang GE: “To operationalize a national GE assessment and evaluation system grounded in empirical data, utilizing multiple measures—including graduate performance analytics, employer feedback, and alumni tracer studies.”
Hindi na maitatanggi na hindi na priyoridad ang mga kurso sa humanidades at kasaysayan na kinikilalang gulugod ng GE. Tinanggalan din ng kaluluwa ang matematika at agham at itinira na lang ang teknikal na kaalamang kakailanganin sa paggawa sa halip na maipauunawa ang lalim ng papel ng dalawang disiplina sa pagtuwang sa pagpapaunlad ng lipunan.
Hindi na rin tayo mabibigla na ang lalamnin ng mga kurso sa GE sa “reframed” na kurikulum ay nakatuon lang kung paano magiging kapaki-pakinabang sa paggawa ang isang kabataang estudyante: Professional Communication; Global Trends and Emerging Technologies; Data, Evidence, and Ethics in a Knowledge Society, at; Labor Education.
Maaaring kung hindi lang nakasaad sa batas ay tinanggal na rin ang kurso hinggil kay Jose Rizal kaya ang kasunod na hakbang na ginawa ng komisyon ay isanib ito sa isa pang kurso.
May tatlong mahahalagang sangay ng diskusyon ang muling binubukas ng kasalukuyang isyu: una, gaano katiwa-tiwala ang konsultasyon at paglikha ng desisyon ng CHED; ikalawa, ano ang kahulugan ng higher education para sa kanila; at ikatlo, bakit mahalagang balikan ang ubod ng general education.
Hindi na maitatanggi na hindi na priyoridad ang mga kurso sa humanidades at kasaysayan na kinikilalang gulugod ng GE. Tinanggalan din ng kaluluwa ang matematika at agham at itinira na lang ang teknikal na kaalamang kakailanganin sa paggawa sa halip na maipauunawa ang lalim ng papel ng dalawang disiplina sa pagtuwang sa pagpapaunlad ng lipunan.
Sa bisa ng panukalang ito, lalo pang mapatutunayang wasto ang kritisismo laban sa komisyon na ang adyenda nito ay paano huhubugin ang mga estudyante sa kolehiyo upang maging “employable” sa kanilang pagtatapos.
Ngayon, kasalukuyang humaharap ang komisyon sa samu’t saring pagbatikos mula sa mga guro at estudyante dahil dito. May diin sa mga bumubuo ng technical panel na pawang mga edukador ngunit hindi bitbit ang ibinigay na mandato ng kani-kanilang unibersidad na pahalagahan at panatilihin ang puwang ng GE sa kolehiyo.
Wala na sa wika at diwa ng CHED ang kabuluhan ng edukasyon na sana’y magpapaunlad sa isang indibidwal at tutugon sa pagpapaunlad ng bansa.
Kaugnay nito, ang mga mananatili sa technical panel ng GE “reframing” ay tatayong halimbawa kung ano ang magiging pananaw ng isang indibidwal na walang natutuhan sa kasaysayan at sa kahalagahan ng pagpapakatao.
Epektibo na silang naging ruweda sa makina ng CHED na lumilikha na lang ng iba pang ruwedang magpapatakbo sa iba pang makina, hindi nangangailangan ng kritikal na pag-iisip at kritikal na pakikibahagi.
Sa engagement guidelines ng public hearing na inilunsad kamakailan ng CHED, kasama sa paalala ang “practice intellectual humility.”
Kahit dito, ang naging batayan nila ng wastong pananaw pagdating sa pagbabago ay ang kakayahang kilalanin na ang lalong mataas na edukasyon ay dapat umaayon sa global na istandard.
Sa gitna ng papalaking bilang ng mga guro, kawani at estudyante na nagpapahayag ng pagtutol sa panukala, ang paalalang iyon ay hindi para sa mga dumalo ngunit para mismo sa kanila.