close

Obrero sa Kowloon, ginipit sa separation pay


Nanawagan ang unyon sa Department of Labor and Employment na kagyat na imbestigahan ang mga mapaghiganting hakbang ng manedsment at tiyaking nasa mabuting loob ang negosasyon.

Kinondena ng Glowhrain-KMU-Kowloon House West Chapter ang panggigipit ng management ng Kowloon House sa mga manggagawa matapos ipatupad ang biglaang tigil-produksiyon at pagtatakda ng mas mababang separation pay habang nagpapatuloy ang negosasyon ng dalawang panig sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa unyon, naglabas ang manedsment ng separation pay na katumbas lang ng 15 araw kada taon ng serbisyo, taliwas sa usapang 22.5 araw kada taon. Hindi rin umano pinayagang kunin ng ilang natanggal na manggagawa sa noodle house at takeout counter ang kanilang huling sahod kung hindi nila tatanggapin ang separation pay.

Giit ng mga manggagawa ng Kowloon House, hiwalay na karapatan ng manggagawa ang huling sahod at hindi dapat gamiting panabla ng manedsment upang tanggapin ang kompiyutasyong kinukuwestiyon nila.

Noong Mayo 21, bigla rin umanong itinigil ang produksiyon nang walang abiso, memorandum o paliwanag mula sa manedsment. Nangyari isang buwan matapos bumalik sa trabaho ang mga manggagawa kasunod ng anim na araw na welga noong Abril.

“Ang biglaang pagtigil sa produksiyon ay panganib sa seguridad sa trabaho namin. Wala man lang memo o paliwanag, basta hindi na kami pinapapasok,” ani Bernard Dimaunahan, pangulo ng unyon.

Dagdag ng unyon, bahagi ito ng sunod-sunod na retaliatory actions laban sa mga manggagawa matapos ang welga. Kabilang din ang illegal closure, illegal dismissal, pagsasampa ng kaso at paghila palabas ng mga makina sa pagawaan. Nangangamba ang unyon na maaaring paghahanda ito sa “runaway shop” upang iwasan ang pananagutan sa mga manggagawa.

Nanawagan ang unyon sa DOLE na kagyat na imbestigahan ang mga hakbang ng manedsment at tiyaking nasa mabuting loob ang negosasyon. Wala pang pahayag ang manedsment ng Kowloon House sa mga alegasyon ng unyon.