Paano magbawas ng screen time?
Sa kabila ng pagiging sentro ng paggamit ng cellphone, mahalaga pa rin isaalang-alang ang balanse sa paggamit nito.
Mayroong cellphone ang kalakhan sa atin. Mula bata hanggang matanda, marunong gumamit nito. Ano man ang modelo, sikat man o hindi, basta’t may kakayahang makapag-online ay ayos na magamit sa araw-araw.
Mula paggising hanggang sa pagtulog, nakatutok ang atensiyon ng marami sa kanilang cellphone. Ito ang unang mahahawakan dahil sa alarm na maririnig sa umaga at huling bibitawan sa gabi bago matulog.
Ginagamit ang cellphone bilang pangunahing daluyan ng impormasyon. Dito kumukuha ng balita, naghahanap ng impormasyon para sa paaralan o trabaho. Ito rin ang ginagamit para sa pakikipag-usap sa mga kaibigan, pamilya o katrabaho. Sa bilis at dali ng akses, tila hindi na ito mahihiwalay sa pang araw-araw na gawain lalo sa bahagi ng pagkuha ng impormasyon.
Hindi rin ito nawawala sa mga personal na sandali. Sa oras ng pagtitipon ng pamilya, kaibigan o mga kaganapan sa trabaho, mahalaga ang cellphone sa pagkuha ng larawan at bidyo ng mga pangyayari. Mga pangyayari naka-save sa cellphone para kung nais balikan o itago ay madali itong makikita. Malinaw na naging bahagi na ng ritmo ng pang araw-araw na buhay ang teknolohiya.
Sa kabila ng pagiging sentro ng paggamit ng cellphone sa komunikasyon, trabaho at libangan, mahalaga pa rin isaalang-alang ang balanse sa paggamit nito. Sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng digital na pamumuhay, mahalaga pa rin magsagawa ng mga personal na gawi na hindi kailangan nakatutok sa cellphone.
Magbasa ng libro, zine o diyaryo
Mahalaga pa rin sa pagkuha ng impormasyon sa balita ay sa diyaryo. Sa umaga kasama na sa almusal ang pagbabasa ng diyaryo. Puwede ring magbasa ng libro at zine. Kahit anong klase ng libro, nobela man o mga tula. Hindi lang ito makakatulong para mabawasan ang screen time kundi nagbibigay rin ng mas malalim at mas pokus na paraan ng pagkuha ng impormasyon. Napapanatili nito ang koneksiyon sa mga ideya at kaalamang hindi nakadepende sa digital na daluyan.
Lumahok sa mga creative workshop
Sa pamamagitan ng pagsali sa mga ganitong gawain tulad ng photography,pagsusulat, journaling o ano man uri ng sining ay nabibigyan ng pagkakataon ang indibidwal na ituon ang oras at atensyon sa pisikal at malikhaing proseso, sa halip na tumingin online. Nakakatulong din ito sa paglinang ng kasanayan, pagpapalawak ng pananaw at pakikipag-ugnayan sa komunidad na mas personal na paraan.
Makipagkita, makipagkuwentuhan sa mga kaibigan
Sa taas ng bilihin at gastusin sa pang-araw araw, may iba na pinipili na lang na makipag-usap sa mga kaibigan online o ang daloy na lang nang pakikipag-usap ay mag palitan ng reels sa social media. Pero iba pa rin ang pisikal na nakikipagkita sa kaibigan. Maaari naman sa isang bahay ng kaibigan ang tagpuan. Sa ganitong paraan, nalilipat ang atensiyon mula sa screen tungo sa aktuwal na pakikipag-ugnayan. Mas ramdam ang presensiya, emosyon at koneksiyon sa isa’t isa. Pinagtitibay din nito ang relasyon sa mas tunay at direktang paraan.
Magtalaga ng “no-phone zones”
Mahirap kung nakasanayan na kahit kumakain o ano man ang gawain ay may panahon pa rin na mag-doom scroll. Pero puwede namang unti-untiin sa pamamagitan ng “no-phone zones.” Maaari itong ipatupad sa loob ng bahay, lalo sa mga oras na magkakasama ang pamilya. Sa halip na ang bawat isa’y nakatutok sa kani-kanilang cellphone, mas maigi na maglaan ng oras para magkwentuhan at magkumustahan ng mga nangyayari sa paaralan, trabaho o sa mga karanasan sa buong araw. Hindi lang nababawasan ang screen time, pinapalakas din nito ang ugnayan sa loob ng tahanan.
Tumigil at magnilay-nilay
Sa halip na gadget agad ang hawak sa paggising sa umaga at bago matulog, maaaring maglaan ng limang minuto o higit pa na hindi muna gagamit ng cellphone. Maaaring huminga nang malalim at pagnilayan ang mga nangyari sa maghapon o ng mga nakaraang araw.
Sa araw-araw na buhay kung saan ang cellphone ang pinakamadali at pinakambilis na akses sa impormasyon at komunikasyon, mahalagang paalalahan ang sarili na hindi dapat umiikot nang buo ang buhay sa digital na mundo. Hindi lahat ng kilos at karanasan sa araw-araw ay kailangang ibahagi online. May halaga pa rin ang mga bagay na pipiliin nating manatili sa ating personal na espasyo.
Higit sa lahat, kaysa panay ka cellphone, gamitin ang sariling mata at pag-iisip sa mga pangyayaring nakikita at nararanasan sa paligid.