Halos dalawang buwan matapos buuin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), wala pa ring nakakasuhan kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
Sabi ni Ferdinand Marcos Jr. kamakailan, kailangang daw ng “due process” kaya hindi dapat mainip. Ang “due process” ay pagsunod nang naaayon sa batas. Bahagi nito ang pagkalap ng sapat na ebidensya para mas malakas ang mga kasong isasampa.
Batay sa ganitong lohika, hindi ba’t mas mabilis dapat na umusad ang imbestigasyon dahil ito mismo ang mandato ng ICI? Kung pinakilos ang buong makinarya ng gobyerno, hindi ba’t makukuha agad ang kopya ng mga kontrata’t iba pang dokumento at matutukoy ang mga kurakot? Magdadalawang buwan na pero wala pang napapangalanang sangkot na mga pribadong contractor at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Due process daw kasi. Huminahon daw tayo, sabi ng Malakanyang.
Samantala, walang malinaw na “due process” sa pagsupil ng mga protesta laban sa korapsyon.
Mahigit 200 raliyista at bystanders sa Mendiola ang inaresto’t ikinulong noong Setyembre 21. Marami sa kanila ang pinagkaitan ng batayang karapatan gaya ng karapatang magkaroon ng abogado at makausap ang pamilya. Ang ilan ay nakaranas ng pisikal na tortyur sa kamay ng mga pulis.
Kinasuhan din ng pulis ng paglabag sa Batas Pambansa 880 (Public Assembly Act) ang environmental defender na si Jonila Castro kaugnay ng Setyembre 4 protesta sa harap ng opisina ng kompanya ng mga Discaya. Sa Cebu City, parehong kaso ang isinampa sa mga lider na nanguna sa pagbato ng kamatis sa tanggapan ng DPWH noong Setyembre 5.
Pati ilang lider kabataan ay pinadalhan ng subpoena dahil sa kanilang partisipasyon sa mga protesta laban sa korapsyon. Pinuntahan pa ng mga pulis ang mismong bahay ng ilan sa kanila, tila tinutugis na kriminal.
Mas malala ang dinanas ni Bebe Allere, lider kababaihan sa Cebu City na lumahok sa mga pagkilos kontra korupsyon. Makailang beses siyang pinuntahan ng pulis at sundalo sa kanyang tinutuluyan. Tinangka siyang damputin nang walang warrant of arrest ng mga hinihinalang sundalo noong Setyembre 25 ngunit siya’y nakatakas.
Aba’y ang mga ninakawan ang tinutukan ng pulisya sa halip na ang mga magnanakaw. Ang mga nagpoprotesta ang itinuturing na kriminal sa halip na ang mga magnanakaw.
Ngunit ano nga ba ang nakikita nating kahihinatnan ng ICI? Kung binuo ito ng ehekutibo para imbestigahan ang ahensya sa ilalim ng ehekutibo at ang mga alegasyon ay umaabot hanggang Malakanyang, ano ang magiging resulta? Kung ang Kamara de Representante at Senado ang aasahan, hindi ba’t ang ilan sa kanila ay pinangalanan ding sangkot?
Magugulat pa ba tayo kung ilang buwan mula ngayon ay may makita muling nakaupo sa wheelchair at may suot na neck braces?
Ang pagpapawalang-sala kamakailan kay Juan Ponce Enrile at Janes Lim Napoles sa kasong graft ay patunay na malalim ang suliranin ng bayan at hindi maaaring iasa sa “due process” lang.
Si Marcos Jr mismo ang may pinakamalaking ‘pork’ sa 2026 pambansang badyet. Nakasuksok pa rin ito sa ilalim ng unprogrammed funds at confidential and intelligence funds. At gaya ng mga naunang pangulo, gagamitin niya itong instrumento para paamunin ang mga mambabatas.
Ang mga ito ay sintomas ng burukrata kapitalismo, o ang paggamit ng kapangyarihan para yumaman sa pamamagitan ng kickback, pabor at iba pang pansariling interes. Hindi ito madaling matitibag dahil likas ito sa kasalukuyang sistema.
Read: Bureaucrat capitalism: the business of governance and the governance of business /2025/10/28/bureaucrat-capitalism-the-business-of-governance-and-the-governance-of-business/
Gayunman, posible pa ring mapanagot ang mga sangkot. Ang mga tangkang pagsupil sa mga protesta, maging ang misteryosong “bomb threats” sa mga eskwelahan, ay pawang indikasyon na takot ang mga nasa kapangyarihan at kanilang alipores sa kolektibong pagkilos ng mamamayan.
Parang apoy na kumakalat sa buong kapuluan ang galit ng mamamayang nais na mapanagot ang mga sangkot. Hindi ito mapipigil ng anumang pananabotahe, pananakot o intimidasyon.
Tipunin ang lakas, organisahin ang malawak na hanay ng mamamayan hanggang maging sapat ito para itaguyod hindi lamang mga simpleng reporma kundi makabuluhang pagbabago. (DAA)









0 Comments