a
Konteksto | Kabastusan

Quezon City Rep. Bong Suntay raises an inquiry during a deliberation on verified complaints for impeachment against Vice President Sara Duterte conducted by the House Committee on Justice on March 3, 2026. Screengrab from House of Representatives' Facebook Live

Published on Mar 7, 2026
Last Updated on Mar 7, 2026 at 5:49 pm

ADVERTISEMENT

Ano ang mga bagong terminong mas malala pa sa bastos? BS at FT. Siguradong alam na kung ano ang ibig sabihin ng mga ito.

Halal na kongresista ang una, hangal na brodkaster ang ikalawa. Parehong abogado. Parehong malaki ang bunganga pero makitid ang pag-iisip.

Wala raw mali kung ipagkalat sa buong mundo ang pagnanasa sa babae, kahit sa isang public hearing sa Kamara de Representantes. Hindi raw dapat punahin ang lalaking nagpapantasya’t nag-iinit tuwing nakakakita ng maganda. Dapat pa nga raw pasalamatan ng magandang babae ang lalaki dahil napapansin siya.

Para sa kanila, walang problema kung mag-isip ng masama at ipagkalat ito sa publiko. Kung gustong suntukin, sakalin, sipain, saksakin, barilin at patayin, sige lang. Idagdag pa ang gahasain, halayin, daklutin. Ito ang tatlong salitang binanggit ng hangal na brodkaster sa kanyang pagdepensa sa halal na kongresista.

Matindi ang gaslighting laban sa kababaihan. Walang paggalang sa artistang babaeng dumepensa sa kapatid ng binastos sa pagdinig sa Kamara. “Bakit ka nagpo-post ng bikini pictures mo sa social media? Hindi ba’t para ikaw ay pagnasahan, para ikaw ay sumikat?” Malinaw sa mga tanong na dapat tanggalin sa ere ang hangal na brodkaster. Hindi dapat hinahayaan ang ganitong diskurso dahil hindi ito nakakatulong sa paghuhubog ng pampublikong opinyon.

Iba talaga ang nagiging ugali ng mga taong nagnanais na lalo pang yumaman at lumaki ang kapangyarihan. Handa nilang tiisin ang kolektibong galit ng mamamayan.

Palibhasa’y wala sa bokabularyo ang “gender sensitivity,” mahirap intindihin ang simpleng konseptong hindi umiinog sa mundo ng lalaki ang ginagawa ng babae. Posibleng magpaganda’t magsuot ng maikling damit hindi para mang-akit kundi para mapataas ang kumpiyansa sa sarili. Tsaka alam ba niyang posible ring hindi interesado ang isang babae sa isang lalaki? ‘Yan ang napapala ng hindi nagsasaliksik bago magsalita!

Kung sabagay, ano pa ba ang maaasahan sa dalawang nilalang na sumasamba sa karton? Patuloy ang pagdepensa nila sa politikal na angkang may tatay na nakakulong sa Europa dahil inakusahan ng crimes against humanity at may anak na nahaharap sa impeachment dahil sa korupsiyon. At dahil mistulang bulag na tagasunod, nakuha na rin nila ang ugali lalo na ng tatay na nakakulong na wagas kung mambastos sa kababaihan.

Pansariling interes ang nangingibabaw sa kabastusang ginagawa. Kahit na galit ang marami sa kanila, wala silang pakialam. Asahan ang patuloy na pagsunod sa mga amo. Naniniwala kasi silang magiging susunod na pangulo ang anak na nahaharap sa impeachment. Magkakaroon at magkakaroon sila ng ganansiya oras na mangyari ito!

Iba talaga ang nagiging ugali ng mga taong nagnanais na lalo pang yumaman at lumaki ang kapangyarihan. Handa nilang tiisin ang kolektibong galit ng mamamayan. At sa patriyarkal na balangkas, hindi problema sa kanila kung banggain ang hanay ng kababaihan dahil naniniwala sila sa pangingibabaw ng lalaki sa lahat ng aspekto ng lipunan.

Tuwing Marso ang Buwan ng Kababaihan. Kahit kaunting respeto, ayaw ibigay ng halal at hangal. Sa ganitong konteksto, bahagi na sila ng kasaysayan!

Tunay na may mga bagong termino para sa mas malala pa sa bastos. Tandaan ang kanilang pangalan dahil nakatakda na ang kanilang kahihinatnan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This