a
19

Trial farm of Buhi nga Aksyon para sa Kaaswagan kag pag-amlig para sa Seguridad sang Mangunguma kag Mamumugon (Bakas), an organization of organic farmers in Kabankalan, Negros Occidental. The trial farm is part of what used to be a 50-hectare Hacienda Florentino Galang, a foreclosed sugarcane plantation.

Published on Apr 24, 2026
Last Updated on Apr 24, 2026 at 6:34 pm

ADVERTISEMENT

Huwag hayaang mauwi lang sa numero ang 19 na pinatay noong Abril 19.

Paano sisimulan kung hindi pa kumpirmado ang lahat ng pangalan? O kung mayroon mang alam, hindi pa dapat isapubliko bilang respeto sa pamilyang naghihinagpis? Pero kahit na medyo limitado, kailangan pa ring isulat at pagnilayan ang nangyari.

Kung sabagay, may ilang impormasyong hindi maikakaila. Noong madaling araw ng Abril 19, umabot sa 19 na katao ang pinatay ng 79th Infantry Battalion sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.

Kung paniniwalaan ang militar, lehitimong operasyon daw ito laban sa New People’s Army (NPA). Ayon naman sa mga kakilala’t kapamilya ng mga pinatay, sibilyan at hindi armado ang karamihan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Sino ang nagsasabi ng totoo? Posibleng masagot ito sa ilan pang tanong: Sino ba ang dati nang napatunayang nagsisinungaling, mula sa pekeng retrato ng mga sumukong rebelde hanggang sa pare-parehong serial numbers ng mga isinukong armas sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas? Sino ba ang nag-aakusa nang walang ebidensiya sa ilang grupo’t indibidwal na kabilang daw sa rebeldeng kilusan?

Sadyang hindi papasa sa pamantayan ng Peryodismo ang mga pahayag ng militar sa kaso ng tinaguriang “Toboso 19.” Armado raw ang lahat ng pinatay at nakipagbarilan pa sa mga sundalo. Kesyo bahagi lang daw ng naratibo ang pagiging estudyante o peryodista ng ilan sa kanila. Dahil komunista sa mata ng mga sundalo, dapat lang na patayin sila.

Ano raw ba kasi ang ginagawa ng isang estudyante o peryodista sa “encounter site”? Mainam na suriin kung bakit nagpupunta ang maraming tao sa probinsiya, lalo na sa kabundukan.

Sarado ang isip ng militar. Walang sibilyan daw sa kanila, lahat sila’y armado. Pilit na ipinapakita ang bangkay ng mga nasawi katabi ang ‘di umanong ebidensiya ng kanilang pagiging armadong rebelde.

Kung nais ng mapanlikhang ehersisyo, puwedeng mag-hiking o mag-trekking. Kung nais na paunlarin ang kaisipan, puwedeng makipamuhay sa mga magsasaka o katutubo. Posible ring bahagi ng kurso o trabaho ang pagpunta sa mga liblib na lugar para malaman ang katotohanan sa lipunan. Sa madaling salita, hindi porke’t nasa “encounter site” ay awtomatiko nang rebelde!

Ayaw paniwalaan ng mga sumusuporta sa militar ang mga pahayag ng ilang kakilala’t kapamilya ng mga biktima. May peryodistang nagpunta malapit sa “encounter site” para magsaliksik tungkol sa renewable energy. May estudyanteng naroon naman para makipamuhay sa mga residente. Mismong NPA at Communist Party of the Philippines (CPP) na ang nagsabing hindi nila miyembro ang lahat ng mga pinatay.

Pero sarado ang isip ng militar. Walang sibilyan daw sa kanila, lahat sila’y armado. Pilit na ipinapakita ang bangkay ng mga nasawi katabi ang ‘di umanong ebidensiya ng kanilang pagiging armadong rebelde. “Tagumpay” sa kanilang pamantayan ang kumalat na dugo sa lupa. “Lehitimo” sa kanilang bokabularyo ang tinatawag na pasismo ng mga mas may alam.

Nanlabang adik para sa pulis, armadong rebelde naman para sa sundalo. Hindi lang simpleng pagsisinungaling ang ginagawa dahil nagsisilbing lason ang disimpormasyong pinapakalat. Higit pa sa gaslighting ang nangyayari dahil ipinagpipilitan nila ang naratibong normal at katanggap-tanggap ang pagpatay nang walang pakundangan.

Tanong ng iilan, “Bakit naroon ang 19 na pinatay?” Ang mas nararapat na tanong, “Bakit naroon ang mga sundalo?” Sa hinaba-haba ng listahan ng kanilang paglabag sa karapatang pantao, nararapat lang na palayasin sila sa Toboso at sa marami pang lugar. Higit sa lahat, kailangan nilang managot sa lahat ng kanilang kasinungalingan at marami pang seryosong kasalanan sa bayan (lalo na ang pagpaslang).

Sama-samang magdalamhati habang nananawagan ng hustisya. Huwag hayaang mauwi lang sa numero ang 19 na pinatay noong Abril 19. Huwag magpasalamat na kakaunti lang ito kumpara sa ilang nakaraang masaker. Tandaang kahit isa lang ang pinatay, sinasalamin pa rin nito ang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas.

May 19 na pangalang sama-samang aalamin, may 19 na kuwentong malalim na susuriin. Pagnilayan ang konteksto sa numero. Magpalalim habang nagpaparami.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This