OFWs mula Israel, patuloy ang pag-uwi

October 29, 2023

Larawan mula sa Department of Migrant Workers Facebook page

Mula noong Oktubre 18 hanggang 23, 60 overseas Filipino worker (OFW) na ang nakauwi mula Israel. Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 4 ang nasabing bansa dahil sa nangyayaring labanan sa pagitan ng Palestine at Israel.

Inaasahan na magbibigay ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng tulong pinansyal na P100,000. Mayroon ding P20,000 na livelihood assistance mula sa Department of Social Welfare and Development.

Bukod pa rito, makakatanggap sila ng skills training vouchers mula sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) at psychosocial evaluation at assessment mula sa Department of Health.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, mayroong 92 OFW na kasalukuyang nasa Rafah border sa pagitan ng Gaza at Egypt na naghihintay na makauwi.

Mayroon pang 120 OFW na humihiling na makauwi mula Israel, ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac. Kasalukuyang inaasikaso ng ahensiya ang kanilang pag-uwi.

Mula nang isinara ang Rafah border noong Oktubre 7, pansamantala itong binuksan noong Oktubre 21. Pinahintulutan na magpadala ng halos 3,000 toneladang suplay, kabilang ang pagkain at gamot mula Egypt.

Tutol din si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa tigil-putukan sa kabila ng mga panawagan ng mga humanitarian at progresibong grupo.

Samantala, may 3.4% na tapyas ang pondo ng DMW mula sa P16.09 bilyon ngayong taon, P15.54 bilyon na lang ang ilalaan sa ahensiya sa 2024.

Kasama sa nabanggit na halaga ang P11.9 bilyon para sa OWWA na mas mataas kumpara sa P11.77 bilyon noong 2023.

Mula sa P11.9 bilyon, P2.8 bilyon lang ang ilalaan para sa programa sa trabaho at welfare sa ibayong dagat na pakikinabangan ng higit 1 milyong OFW.

Kulang pa rin ang suporta ng ahensiya ayon sa grupong Migrante International at kanilang mga chapter sa iba’t ibang bansa. Binibigyang diin nila ang kakulangan sa legal, pinansiyal, medikal, humanitarian at iba pang tulong at serbisyo tuwing panahon ng kalamidad.

Patuloy ang paghimok ng grupo, para sa mas malaking alokasyon at makabuluhang paggamit ng pondo para sa ikabubuti ng mga migranteng Pilipino.

“Isinasantabi [ng panukalang badyet sa 2024] ang mga pangangailangan sa serbisyo ng mga migrante at mahihirap. Nananawagan kami sa pamahalaan na bigyang prayoridad ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Pilipinong migrante at mahihirap,” pahayag ng grupo sa Ingles.