ACT Teachers: Duterte, panagutin!


“Hindi lang ito laban ni [Rep.] France, laban din ito ng mamamayang Pilipino [na] winalang hustisya noong panahon ng kanyang pag-upo,” ani ACT-National Capital Region Union president Ruby Bernardo.

Nangalampag ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) at ilang progresibong grupo, nitong Dis. 4 sa Quezon City Regional Trial Court bilang suporta sa preliminary investigation sa kasong grave threats na isinampa ni ACT Teachers Rep. France Castro kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ACT-National Capital Region Union president Ruby Bernardo, panahon na upang panagutin ang dating pangulo na walang habas na lumabag sa karapatang pantao ng mamamayan.

“Hindi lang ito laban ni [Rep.] France, laban din ito ng mamamayang Pilipino [na] winalang hustisya noong panahon ng kanyang pag-upo,” ani Bernardo.

Matatandaan na pinagbinantaan ni Duterte si Castro habang nagbibigay ng payo sa kanyang anak na si Pangalawang Pangulong Sara Duterte kung paano gamitin ang intelligence at confidential funds sa isang episode ng “Gikan sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI noong Oktubre 2022.

Wika ng nakatatandang Duterte, “Ang una mong target sa intelligence fund mo, kayo, ikaw, France [Castro], kayong mga komunista ang gusto kong patayin.”

Hindi naman sumipot sa preliminary investigation si Duterte. Sa halip, nirepresenta lang ng kanyang dalawang abogado mula sa law firm ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea

Ayon kay Castro, sinabi ng kampo ni Duterte hindi pa umano nila natatanggap ang kopya subpoena at reklamo mula sa Prosecutor’s Office. Kaya humingi ang kampo nito ng ilang araw na “extension” upang makapagsumite ng counter affidavit.

Subalit ayon kay Rico Domingo ng Movement Against Disinformation (MAD), isa sa mga abogado ni Castro, hindi maaaring patagalin ni Duterte ng lagpas 10 araw ang pagsumite ng counter affidavit.

Nagbigay naman ng supplemental complaint affidavit si Castro kay Duterte dahil sa patuloy pagbabanta ng dating pangulo sa kanya sa programa sa telebisyon.

Nakatakda ang susunod na preliminary investigation sa Dis. 15, inaasahan ang pagdalo ni Duterte at pagsumite ng counter affidavit.