Main Story

Kamandag: Patuloy na paghihimok sa giyera


Sa kabila ng pangamba ng mga Pilipino, tuloy ang pagkagalante ng gobyerno ng Pilipinas sa pondo at panahon para sa usapang militar.

Dumadalas ang paglulunsad ng mga joint military exercise ng Pilipinas at United States (US) sa loob ng bansa kasama ang iba pa nilang alyado sa rehiyong Asya-Pasipiko. Nitong Nob. 16 nagtapos ang Kamandag (Kaagapay ng mga Mandirigma ng Dagat), isang linggong pagsasanay ng mga sundalo mula sa US, Pilipinas, Japan, South Korea at Australia para sa pagbabantay sa West Philippine Sea. 

Mahigit 2,749 na tropa ang lumahok, kabilang ang 902 na US Marines sa Kamandag na noong 2016 pa unang isinagawa. Sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pang-12 nang joint military exercise ito sa loob lang ng 15 na buwan. Sa nasabing panahon, umabot na sa 25,000 ang pinapasok ni Marcos Jr. na dayuhang sundalo sa bansa.

Pangamba ng League of Filipino Students (LFS) sa mga ganitong hakbang, madadamay pa sa ‘di kanais-nais na giyera ang mga Pilipino. Sa buong mundo, madalas daw kasing promotor ng gulo ang US bilang imperyalista o makapangyarihang bansa na nagtutulak ng giyera para sa makasariling interes. 

“Ang presensiya ng sundalong Amerikano sa Pinas ang pinakamalaking panganib sa kapayapaan at seguridad ng bansa. Sila ang kilalang mastermind at pasimuno ng iba’t ibang giyera sa buong mundo,” giit ni LFS chairperson Ivan Sucgang.  

Halimbawa na raw nito ang pakikisangkot ng US sa pag-atake ng Israel sa mga inosenteng Palestino kung saan umabot na ang casualty sa mahigit 20,000 sa loob lamang ng dalawang buwan. Sa pinirmahang kasunduan ng US at Israel noong 2016 na sinasabing nangako ang US magpadala ng $38 bilyon sa Israel bilang military aid.

“Sa Asya, ginagamit ng US ang Taiwan upang paypayan ang giyera sa China. Ang kanilang mga alyado, lalo na ang Japan at South Korea, sumasabay naman sa paghahanda ng mga armas para sa harapang pakikipaglaban din sa China. Sa gayon, susi ang lokasyon ng Pilipinas sa taktika ng US dahil sa impluwensiya ng US sa bansa at dahil sa lapit nito sa Taiwan,” dagdag ni Sucgang. 

Larawan mula sa US Marine Corps

Bukod sa serye ng mga pagsasanay ng militar, nagpapatuloy ang konstruksiyon ng joint military facilities sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Mula lima, magkakaroon na ng access ang US sa siyam na base militar sa Pilipinas. Mas marami na ang lokasyon kung saan maaaring mag-training, mag-iwan ng equipment at magpatayo ng pasilidad ang US.

Ayon kay Propesor Roland Simbulan, eksperto sa ugnayang US-Pilipinas, salamin ang mga joint exercises ng matagal nang pagpapailalim ng Pilipinas sa dati nang sumakop sa kanya.

Klaro naman raw ang kagustuhan ng US na agawin sa China ang kontrol at dominasyon sa Asya. Para magawa ito, kailangan ng US ang Pilipinas at ang mga opisyal nito bilang kakampi.

Liban sa taunang military assistance na hatid ng Washington sa Armed Forces of the Philippines (AFP), marami sa mga opisyal nito ang pinag-aaral sa mga akademyang pang-militar ng Amerika.

Dahil din sa indoktrinasyon ng mga opisyal nila at suportang armas ng US, madalas na sumusuporta din sa mga dati nang giyerang agresyon ng Amerika ang mga opisyal ng AFP.

Mataba ang bulsa ng AFP dahil sa US. Mula 2015 nagbigay ang Amerika ng $463 milyon para sa “security assistance.” Madalas ding bumibili ng armas ang Pilipinas sa Amerika, may aktibong negosasyon ang dalawang bansa para sa kagamitang pangdigma na nagkakahalagang $1.033 bilyon.

Noong 2019 at 2022, naglabas ng $865 milyon ang gobyerno para mamili ng mga Black Hawk Helicopter mula sa US.

Pansin din ni Simbulan, kahit sa mga Pilipinong naninirahan sa Amerika, madalas rin daw silang nakukumbinsi ng US military na pumasok sa kanilang hanay. Salamin ito ng matagal nang pang-iimpluensya sa mga Pilipino para sumabak sa mga hidwaan ng US.

“Sa mga migranteng grupo sa US Armed Forces, Pilipino ang pinakamarami at may operasyon sila sa lahat ng kontinente, sa dagat man o sa ground,” dagdag ni Simbulan. 

Larawan mula sa US Marine Corps

Tampok din sa Kamandag ang muling pagsama ng mga sundalong Hapon. Matagal nang may mga kasunduang militar ang US at Pilipinas. Ngayon naman, nakasalang sa Kongreso ang pagbubuo ng isang kaparehong kasunduan sa Japan.

Ang Reciprocal Access Agreement (RAA) ay pawang kakambal din ng Visiting Forces Agreement natin sa Amerika. Nagbibigay daan ito sa maramihang pagpasok ng mga tropang Hapon.

Kahit si Sen. Koko Pimentel nagpahayag ng pangamba sa pagmamadali ng kanyang kapwa mambabatas sa usaping ito. Ayaw niyang mahila ang Pilipinas sa giyera.

“Gusto talaga nilang gawing estasyon ng mga sundalo ng dayuhan ang Pilipinas. Ayaw sana nating maging battleground ang bansa natin. Kapag ganyan, nanghihimok tayo ng ‘return fire,’” ani Pimentel. 

Para naman kay Gabriela secretary general Clarice Palce, may atraso pa raw ang mga sundalong Hapon sa bansa na dapat nilang panagutan. Kabilang ang mga kababaihang Pilipino sa mahigit 200,000 sa Asya na ginawang comfort women o inabuso nang paulit-ulit habang nakapiit.

“Malaking insulto ito sa kababaihang biktima ng war crimes ng Japanese army. Lalo na at ‘di man lang kinilala at nagbigay ng compensation kapwa ang Pilipinas at Japan sa mga biktima,” sabi ni Palce.