close
Scope Out

Bakit mahalaga ang pagbisita ni UN Special Rapporteur Irene Khan?


Sa pagkakataong ito, susuriin ni Khan ang mga ulat ng iba’t ibang organisasyon kaugnay ng mga atake at paglabag sa mga kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.

Bibisita sa Pilipinas si United Nations (UN) Special Rapporteur for freedom of opinion and expression Irene Khan simula Ene. 23 hanggang Peb. 2 para imbestigahan at tasahin ang kalagayan ng kalayaan sa pagpapahayag sa bansa.

Si Khan ang ikalimang UN expert na bibisita sa Pilipinas. Si UN Special Rapporteur on climate change and human rights Ian Fry ang huling bumisita noong Nobyembre ng nakaraang taon. Inimbestigahan niya ang kalagayan ng karapatang pantao kaugnay ng pagbabago ng klima sa bansa.

Sa kanyang ulat, sinabi ni Fry na dapat buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil ginagamit ito ng gobyerno sa pang-aabuso sa mga environmental defender at human rights advocate.

Sa pagkakataong ito, susuriin ni Khan ang mga ulat ng iba’t ibang organisasyon kaugnay ng mga atake at paglabag sa mga kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.

Hindi lingid sa kaalaman ng ating mga masugid na mambabasa na nananatiling blocked ang aming main website na www.pinoyweekly.org sa loob ng Pilipinas mula Hun. 22, 2022.

Dahil ito sa liham ni noo’y National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa National Telecommunications Commission (NTC) at pag-aatas ng NTC sa mga internet service provider na i-block ang nasa 27 website ng mga progresibong organisasyon, kasama ang mga website ng alternatibong midya na Pinoy Weekly at Bulatlat.

Ngunit maliban sa pag-block sa aming website na malinaw na censorship sa aming pahayagan, seryosong usapin ang mga atake sa mga kalayaan sa pamamahayag at impormasyon na kinakailangang imbestigahan at gawan ng nararapat na aksiyon.

Kung magpapatuloy ang mga atakeng ito, patuloy na mamamayani ang mga kasinungalingang ibinubuladas ng gobyerno para manatiling bulag ang mga Pilipino sa tunay na kalagayan ng lipunan.

Walang katotohanan ang tinuran ng gobyerno na “vibrant” ang kalagayan ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa.

Wala pa mang dalawang taon sa poder si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nasa 107 na kaso ng atake sa mga mamamahayag na ang naitala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Tumaas ng 47% ang bilang ng mga kaso ng atake sa kalayaan sa pamamahayag kumpara sa unang dalawang taon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama dito ang mga kaso ng mga pinaslang na mamamahayag na sina Percy Lapid, Juan Jumalon, Cris Bunduquin at Renato Blanco.

May 20 kaso naman ng red-tagging ng mga mamamahayag ang naitala ng NUJP. Dahil sa red-tagging at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, halos apat na taon nang nakapiit sa Palo City Jail si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista.

May lakas ng loob pa si Undersecretary Paul Gutierrez ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na maglabas ng kolum sa pahayagan kamakailan kung saan muling ni-red-tag si Cumpio na isang community journalist. Liban sa panre-red-tag, hindi rin sineseryoso ng PTFoMS ang mga kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag at patuloy na minamaliit ang mga isyu sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa.

Walang pagkakaiba ang NTF-Elcac at PTFoMS. Parehong walang pakinabang sa mamamayan na pinaglulustayan ng pondo ng bayan, parehong walang mabuting idinulot para sa mga karapatan at kalayaan ng mamamayan. At higit sa lahat, parehong sinungaling at nagpapakalat ng maling impormasyon.

Hindi totoong may maningning na kalagayan ang mga kalayaan at karapatan sa Pilipinas. Lagim ang hatid ng mga ahensiyang tulad ng NTF-Elcac at PTFoMS, kasabwat ang militar at pulisya, na walang ginawa kundi magbato ng mga walang batayang akusasyon laban sa mga mamamayang kritikal sa mga patakaran ng pamahalaan.

Sa ganitong kalagayan, mahalaga ang pagdalaw ni Khan sa bansa upang pakinggan ang iba’t ibang organisasyon ng mamamayan sa dinaranas na kabi-kabilang atake sa mga karapatan sa pagpapahayag. Mahalaga ang malalimang imbestigasyon sa mga kaso ng panunupil ng pamahalaan sa ating mga kalayaang magpahayag ng opinyon at kritisismo sa gobyerno.

Kung magpapatuloy ang mga atakeng ito, patuloy na mamamayani ang mga kasinungalingang ibinubuladas ng gobyerno para manatiling bulag ang mga Pilipino sa tunay na kalagayan ng lipunan.

Sa bahagi naming mga mamamahayag, kailangang kilatisin at suriin ni Khan ang mga kaso ng paglabag sa aming mga karapatan at kalayaang magbigay ng napapanahon at makabuluhang balita’t impormasyon.

Kailangang magkaroon ng malakas na pagkakaisa ang mga kabataan, artista, mamamahayag, tagapagtanggol ng karapatan at mamamayan upang patunayan na pakana ng gobyerno ang mga atake sa kalayaan.