Ikalawang National Press Freedom Day, ginunita
August 31, 2023
Ginunita nitong Agosto 30 ang ikalawang National Press Freedom Day kasabay ng kaarawan ni Marcelo H. Del Pilar na kinikilalang “Father of Philippine Journalism.” Pero kahit mayroong pambansang araw para sa malayang pamamahayag, patuloy ang mga atake at karahasan sa mga alagad ng midya.
Sa inilabas na unity statement ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Concerned Artists of the Philippines, Altermidya, Dakila, Active Vista at iba pang organisasyon, kinondena nila ang pagsasantabi ng pamahalaan sa walang patid na banta at atake sa malayang pamamahayag at pagpapahayag sa bansa.
“Defending press freedom and freedom of expression means opposing attacks against journalists and media workers while advocating for an independent, accessible, and safe press,” pahayag ng mga grupo.
Nananatili ang Pilipinas bilang isa sa “deadliest countries for journalists” sa tala ng Committee to Protect Journalists Global Impunity Index noong 2022.
Ayon sa NUJP, kabilang dito ang 94 na atake, kabilang ang pamamaslang kina Percy Lapid, Rey Blanco at Cris Bundoquin, walang habas na harassment, red-tagging at death threat sa mga mamamahayag at pagsasampa ng mga kasong libel at cyberlibel sa loob ng unang taon na panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahit nangako siyang poproteksiyunan ang kalayaan sa pamamahayag.
Hindi pa kasama dito ang pag-aresto sa community journalist na si Frenchi Mae Cumpio ng Eastern Vista na kasalukuyang nakadetine sa Tacloban City mula noong Pebrero 2020.
Naglunsad din ang mga nabanggit na grupo ng art exhibit at film screening na sa Quezon City upang markahan ang okasyon.
Tampok ang mga obra ng mga progresibong artista na may temang “Press For Freedom.” Ipinalabas din ang mga dokumentaryong naglalahad ng mga kuwento ng matatapang na mamamahayag mula sa iba’t ibang bansa at pati na noong diktadura ni Marcos Sr.
Sa talkback ng dokumentarista at PinoyMedia Center board member na si JL Burgos sa kanyang dokumentaryong “Portraits of Mosquito Press,” sinabi niya na kailangang aktibong harapin ang mga kasinungalingan at maling impormasyong naglipana sa internet at social media sa kasalukuyan.
“Mag-comment kayo, mag-react kayo. Kailangan na natin gawin kundi lalamunin tayo ng mga [troll],” ani Burgos.
Mensahe rin ng beteranong photojournalist na si Lito Ocampo para sa mga batang mamamahayag, “Huwag mag-atubiling gawin ang nararapat.”