close

Hindi sagot ang Cha-cha sa suliranin ng mamamayan


Giit ng mga progresibong grupo, dapat tutukan ng gobyerno ang iba’t ibang suliranin sa lipunan kaysa isulong ang Charter change (Cha-cha).

Giit ng mga progresibong grupo, dapat tutukan ng gobyerno ang iba’t ibang suliranin sa lipunan kaysa isulong ang Charter change (Cha-cha).

Sa pagkilos sa harap ng House of Representatives nitong Ene. 22, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), malakas silang nanawagan kontra sa pagbabago sa Konstitusyon.

Ilang beses nang tinangkang baguhin ang Konstitusyon mula pa noong administrasyon ni Fidel Ramos at ng mga sumunod na pangulo.

Ngayong si Ferdinand Marcos Jr. na ang presidente, malinaw para sa mga progresibong grupo ang magiging bigat ng pagsasakatuparan nito sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ayon kay Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, sa oras na pumasok ang mga dayuhang namumuhunan nang walang restriksyon, higit lalong ‘di makakamit ang panawagang itaas ang sahod.

Sa NCR, P610 ang minimum na sahod. Ayon sa Ibon Foundation, ang halaga ng nakabubuhay na sahod ay P1,164 kada araw, labis na kulang kumpara sa natatanggap ng manggagawa.

“Kabuntot din ito ng lalong paglala ng kontraktuwalisasyon, mababang uri at temporaryong trabaho para sa interes ng dayuhan,” giit niya.

Ayon kay Health Alliance for Democracy secretary general Albert Pascual, nakikiisa ang kanilang sektor upang mariing tutulan ang pagbabago sa Konstitusyon. 

“Sa loob ng dalawang taong panunungkulan ni Marcos Jr., walang pagbabago sa sektor pangkalusugan, patuloy na naghihirap ang mga manggagawang pangkalusugan,” aniya.

Dagdag pa niya, patuloy na nahihirapan ang mamamayang Pilipino sa pagpapagamot kaya’t lalong nakakabahala ang panukalang Cha-cha.

Lumalabas na 5.6% lang ang mapupunta sa sektor ng kalusugan sa 2024 National Budget. Taliwas sa pangako sa State of the Nation Address ng pangulo noong 2023 na gagawin itong prayoridad ng administrasyon. 

Ganito rin ang pagtingin ng mga guro. Wika ni Alliance of Concerned Teachers deputy secretary general Dana Beltran, naniniwala silang dapat matamasa ang mataas na kalidad ng edukasyon at magiging sagabal pa ang Cha-cha rito. 

“Sa kasalukuyan, ang education system natin ay totoong problemado na at hindi lang rerepasuhin, dapat i-overhaul, pero bakit Charter change?” saad niya.

Noong Ene. 2, inanunsiyo ng Commission on Higher Education na hindi na tatanggap ang mga state universities at colleges ng mga mag-aaral na senior high school.

Samantala, sa inilabas na resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) noong Dis. 2023, nananatiling atrasado ang mga estudyante sa bansa sa mga asignaturang matematika, agham at pagbasa.

Giit din ni Beltran, panawagan ng mga guro na komprehensibong pagtuunan ng administrasyon ang suliranin sa sistema ng edukasyon imbes na isulong ang Cha-cha.

Para kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos, ang kailangan tutukan ng administrasyon ay ang pagpapaunlad ng agrikultura at pambansang industriyalisasyon.

“Ang Pilipinas ay isang agrikultural na bansa, kami ang lumilikha ng pagkain, pero ang magsasaka ang walang makain,” aniya.

Sa inilabas na listahan ng United States Department of Agriculture (USDA) sa Grain: World Markets and Trade noong 2023, Pilipinas ang nangunguna sa pag-aangkat ng bigas.

Ayon din sa pagtataya ng USDA, mataas ang tsansa na mananatiling una ang Pilipinas sa listahang ito ngayong 2024.