close

Kawani ng Baciwa, nangalampag sa CSC 


Hiling nila na maibalik sila sa trabaho at ibasura ang joint venture agreement ng Bacolod City Water District at Prime Water Corporation.

Mula Bacolod City sa Negros Occidental, nagtungo sa punong tanggapan ng Civil Service Commission (CSC) sa Quezon City ang mga tinanggal na empleyado ng Bacolod City Water District (Baciwa) upang malaman ang kalagayan ng kanilang kaso kaugnay ng pagtanggal sa kanila sa trabaho noong 2020.

Sa kasagsagan ng pandemya noong 2020, 59 na empleyado ang tinanggal sa trabaho matapos mapinal sa joint venture agreement sa pagitan ng Baciwa at Prime Water Corporation na pagmamay-ari ng pamilyang Villar.

Sapilitang inalis sa trabaho ang ilang dekada nang mga kawani at wala pa ring nakukuhang kompensasyon na nakapaloob sa kasunduan hanggang ngayon. 

Bagaman naipanalo nila ang kaso sa Bacolod City Regional Trial Court at CSC Region 6 laban sa pribatisasyon ng Baciwa, wala pa ring naging aksiyon ang komisyon maging ang kompanya. Nagpasya ang grupo na iakyat ang reklamo sa CSC Central Office upang resolbahin.

Humarap si CSC Commissioner Aileen Lizada upang sandaling makipagdiyalogo sa mga empleyado ng Baciwa na nagkampo sa harap ng opisina sa Batasan Road nitong Ene. 29. 

“Nangako si Commissioner Lizada na aaksiyunan at pabibilisin ang kaso na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa komisyon. Sabi pa niya na ang kaso ay nirerebyu na ng komisyon, pinakikinggan ang kanilang mga hinaing at maghintay na lamang sa mga susunod na hakbang,” sabi ni Benjie Oray, bise presidente ng Baciwa Employees Union (BEU).

Ngunit duda rito ang BEU dahil puro na lamang pangako ang kanilang natatanggap. Mahigit tatlong taon na ang nakalipas noong nawalan sila ng trabaho ngunit wala silang natanggap na kompensasyon matapos alisin sa puwesto.

Hiling nila na maibalik sila sa trabaho at ibasura ang joint venture agreement ng Baciwa at Prime Water. Tutol ang grupo sa pribatisasyon na ginagawa ng mga malalaking kompanya tulad ng Prime Water dahil marami ang nawawalan ng trabaho at hindi nagiging maganda ang kinalalabasan ng serbisyo.

Ani Daniel Alojato ng Baciwa, bago pa pumasok sa joint venture agreement ang water district, nag-alok ang management ng early retirement at pinangakuan sila na makakatanggap sila ng retirement benefits.

Subalit pagpasok ng Prime Water, tinalikuran nito ang pangakong kompensasyon sa mga empleyado nito hanggang sa mawalan sila ng trabaho. Huminto sa pag-aaral ang kanilang mga anak at nabaon sila sa utang dahil sa pangyayari.

Panawagan ni Alojato, huwag suportahan ang mga joint venture agreement dahil wala itong naidudulot na magandang resulta sa mga empleyado at serbisyo sa mamamayan.

Plano ng grupo na manatili sa labas ng CSC Central Office hanggang pakinggan ng kinauukulan ang kanilang reklamo. Nagpaplano rin ang grupo na makipagdiyalogo sa mga senador at kongresista sa mga susunod na sesyon.