close

Walang ibang hiling sa Bagong Taon


Panukala ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na gawing P33,000 ang Salary Grade 1 sa publikong sektor sa buong bansa, mula sa mga pambansang ahensiya ng pamahalaan hanggang sa mga pamahalaang lokal.

Patuloy ang panawagan ng mga kawani ng gobyerno sa dagdag-suweldo para sa taong 2024.

Napaso na kasi ang Salary Standardization Law V (SSL V) na nagtatakda ng suweldo ng mga kawani. Huling nagkaroon ng umento sa publikong sektor noong Enero ng nakaraang taon sa ikaapat at huling tranche ng SSL V.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magpopokus ang 2024 national budget sa paglaban sa kahirapan, pagwawakas ng kagutuman, pagpapanatili sa kalusugan ng mamamayan, paglikha ng mga trabaho at pagpopondo ng mga kabuhayan.

Subalit hindi naglaan ang pamahalaan ng kaukulang pondo para sa dagdag-suweldo ng mga sarili nitong kawani at manggagawa.

Mananatiling nasa P13,000 kada buwan sa National Capital Region at P7,000 naman sa mga probinsya ang suweldo ng mga kawani na nasa Salary Grade 1.

Kasabay ng hindi sapat na suweldo ang sabay-sabay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, de lata, noodles at gatas. 

Ayon sa Department of Trade and Industry, nasa P0.025 hanggang P7.25 ang pagtaas ng presyo sa mga produkto depende sa bigat nito o klase. Kasama na rin dito ang kape, bottled water, asin at iba pang condiments. Para naman sa tinapay, maaaring umabot ng P2 hanggang P2.50 ang pagtaas ng presyo nito. 

Batay sa ulat ng Reuters, maituturing na bumagal at humina ang inflation o bilis ng pagtaas ng mga presyo noong huling buwan ng 2023.

Mula 4.1% noong Nobyembre 2023 bumaba sa Disyembre ng 3.9% ang inflation rate, pumapatak na nasa 6% ang inflation, malayo pa rin sa target zone na 2% hanggang 4% ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Courage National Office/Facebook

“Relatively ang taas pa rin [ng inflation] tapos ‘yong prospects ng muling tataas ‘yong inflation rate eh napakalaki this year,” sabi ni Manny Baclagon, secretary general ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage).

Ayon sa independent think tank na Ibon Foundation, sa kabila ng pagbagal ng inflation, hindi pa rin sapat ang kinikita ng mga manggagawa at empleyado sa parehong publiko at pribadong sektor.

Sa pag-aaral ng Ibon, tinatayang nasa P1,186 kada araw at P33,000 naman kada buwan ang dapat na kinikita ng manggagawang Pilipino upang suportahan ang kanyang pamilya.

Nagbabadya rin ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth ngayong taon. Mula sa 2.5% noong 2020, papalo sa 5% ang pagtaas ng kontribusyon sa bisa ng Universal Health Care Act.

Sinuspinde ng pamahalaan ang pagtaas ng kontribusyon sa mga nagdaang taon dahil sa hagupit ng pandemya sa kabuhayan ng mamamayan. Ngunit binabalak muli na itaas ang kontribusyon ngayong humupa na ang epekto ng lubhang nakahahawang sakit sa bansa.

“Nambibigla ang pagtaas ng kaltas, wala na ngang dagdag-sahod, mababawasan pa lalo dahil sa dagdag singil. Hindi lahat nakabangon na sa pandemya,” ani Krisha Mendoza, miyembro ng PhilHealth.

Iminungkahi ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na “noong tumigil tayo sa 2% o 3% increase, dapat muli nating simulan sa kung saan ito tumigil. Ito ang lohikal na paraan.”

Dagdag pa niya, hindi dapat tumalon agad sa mataas na rate ang singil dahil magiging kalunos-lunos ito sa mga tao.

Effective January 1, 2024, the scheduled PhilHealth Premium Increase will be implemented in accordance with Section 10…

Posted by PhilHealth PRO NCR on Tuesday, January 9, 2024

“Nawawalan na ng saysay ang PhilHealth,” sabi naman ni Dr. Edelina de la Paz, tagapangulo ng Health Alliance for Democracy (HEAD).

“Gamitin na lang ng gobyerno ang buwis para sa mga serbisyo na direkta sa tao. Dalhin nila ang buwis sa mga ospital at mga health center.”

Hindi rin nakatulong aniya na ang laki ng binawas sa pondo ng sektor ng kalusugan ngayong 2024. Tinapyasan ng P10 bilyon ang budget ng DOH para sa 2024.

Tinatayang nasa P325.4 bilyon lamang ang mapupunta sa sektor ng kalusugan mula sa iminungkahing 2024 national budget na P5.78 trilyon.

Taliwas ito sa naging pahayag ni Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong nakaraang taon na bibigyan ng pangunahing prayoridad ang kalusugan at mas palalawakin pa ang mga public health facilities.

Sa kabilang banda, wala pa ring natatanggap ang mga manggagawang pangkalusugan sa mga pampubliko at pribadong ospital at health facility sa ipinangako ng DOH na Health Emergency Allowance at One Covid Allowance sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19.

Ayon pa kay de la Paz, nanatiling kontraktuwal at mababa ang suweldo ng mga manggagawang pangkalusugan, partikular ang mga nars, bagay na nagtutulak sa marami na maghanap ng mapapasukang trabaho sa ibang bansa.

Wika naman ni Baclagon, “Sa government, ‘yong minimum pay o ‘yong Salary Grade 1 ay P13,000 na, pero sa local level umaabot pa siya ng P7,000 mismo.”

Dagdag niya, nakadepende ang suweldo ng mga kawani sa pamahalaang lokal sa income classification nito. Ibig sabihin, mas mababa ang sinusuweldo ng mga kawani sa isang 5th class kaysa sa isang 1st class na munisipalidad.

Panukala ng Courage na gawing P33,000 ang Salary Grade 1 sa publikong sektor sa buong bansa, mula sa mga pambansang ahensiya ng pamahalaan hanggang sa mga pamahalaang lokal.

Napakalayo pa rin sa tinatayang family living wage na P1,186 ang kinikita ng maraming kawani at manggagawang pangkalusugan. Para sa Courage at HEAD, magpapatuloy ang laban nila para sa nakakabubuhay na umento sa suweldo at makabuluhang benepisyo.