close
Main Story

Abalang mga kamay | Ang kababaihang manggagawa sa Caloocan


Sa isang bulnerable at tila pinabayaang komunidad sa Caloocan, aktibong nakikilahok sa produksiyon ang kababaihang manggagawa sa impormal na sektor.

Gawa sa pinagtagpi-tagping trapal, kahoy at yero ang kubol na nagsisilbing pagawaan ng kababaihang manggagawa sa isang barangay sa Caloocan City. Dito ibinabagsak ang kahon-kahong notebook na naghihintay na malagyan ng spring, matahi ng yarn, mabalot ng plastic jacket at mabukod base sa kulay ng cover. 

Bukod sa pagiging pagawaan, naging ekstensiyon na rin ng mga bahay ng manggagawa ang naturang kubol. Dito na sila kumakain at nakikipag-bonding sa pamilya.

Isang hapon, naabutan dito ng Pinoy Weekly si Teresita Salaum. Nagkakape siya habang nagbabalot o nagja-jacket ng notebook. “Gusto niyong kape?” sabi niya sa mga kakilalang dumadaan na para bang nasa loob ng sariling tahanan.

Si Teresita Salaum, 58, habang nagbabalot o nagja-jacket ng notebook. Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

Sa kanilang lugar, pinagbibigkis ng paggawa ng notebook ang mga babae. Kapag dumadating ang trak laman ang mga kahon ng notebook, nagtitipon sila sa bakanteng espasyo sa harap ng kubol. Binibilang nila ang mga kahon at pinaghahatian. Pero minsan kung sinong nangangailangan ng mas maraming kita, sila ang pinagbibigyan ng mas maraming kahon ng notebook.

“Nagpapaubaya talaga kasi mas kailangan ng iba,” ani Salaum na 17 taon nang nagtitiis sa pakyawang trabaho.

Noon, sa mismong pabrika ng Aspen Paper Products Corp., Aries Paper Corp. at Paper One, Inc. umano sila nagtatrabaho. Natigil lang ito matapos magsara at lumipat sa labas ng National Capital Region (NCR) ang mga pabrika. Ipinalit ang maglilimang taon nang sistemang “bring home” o pagbabagsak ng trabaho sa komunidad ng mga manggagawa.

Dahil halos walang kuwalipikasyon sa ganitong trabaho at maalam naman sa pagtatahi ng notebook ang maraming babae, naeengganyong pasukin na rin ito ng iba pang kapitbahay ni Salaum.

Ayon sa Philippine Commission on Women, maraming manggagawa ang pumapasok sa impormal na sektor dahil sa relatibong mas maluwag at mas mababang rekisito nito sa edukasyon, kasanayan at kapital.

Pero sa kaso ng kababaihang manggagawa sa Caloocan, tila iyon na lang ang kanilang huling pag-asa para kahit papaano makatulong sa panggastos sa araw-araw.

Mga construction worker at minimum wage earner ang halos lahat ng lalaking nasa edad 18 pataas sa kanilang lugar. Kung aasa ang isang pamilya sa sahod ng ama o lalaki, talagang hindi makatutugon sa pang-araw-araw na gastos at iba pang bayarin.

Sa NCR, nananatiling nakapako sa P610 ang minimum wage, samantalang nasa P400 hanggang P800 kada araw ang sahod ng mga on call na construction worker. Napakalayo ng mga ito sa family living wage sa rehiyon na P1,198 kada araw na tutugon sa batayang pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino batay sa pag-aaral ng independent think tank na Ibon Foundation.

Kaya kahit abala na sa mga gawain sa loob ng bahay, napipilitang magtrabaho ang mga babae.

Noong nasa pabrika pa, kumikita ng P80 kada 1,000 piraso ang mga nagkakaskas ng spring ng notebook. Sabi ni Salaum, umaabot sa P3,000 ang pwedeng maiuwi sa isang linggo kung talagang sisipagan.

Sa ngayon, madalang na lang magdeliver ng mga notebook na kailangan lagyan ng spring. Palaging pagtatahi na P45 ang bayad kada kahon, pagja-jacket na P25 ang bayad kada kahon, sorting ng notebook (pagsasama-samahin ang sampung notebook na magkakaiba ang kulay) na P20 ang bayad kada kahon ang ibinababang trabaho sa kanila. Naglalaman ng 200 pirasong notebook ang bawat kahon.

Sabi ni Salaum, kulang na kulang ito para tustusan ang arawang gastos sa pagkain. Ang bigas pa lang, umaabot na sa P60 kada kilo. 

Ilan sa mga kahong ibinagsak sa kubol ng kababaihang manggagawa. Madalas na tinatakdaan ng tatlo hanggang apat na araw para tapusin ang pagtatahi, pagja-jacket, at pag-assort ng notebook. Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

Dumedepende pa sa bilang ng kahong binabagsak ang sasahurin niya sa isang linggo. Kalimitan, nasa 15 hanggang 20 kahon ng notebook ang tinatrabaho niya. Kung pagja-jacket ang gagawin, P500 lang ang sasahurin niya sa isang linggo.

Kaya naman, bukod sa pagno-notebook, nagtatrabaho rin siya sa umaga bilang caretaker sa barangay. Nasa P6,100 kada buwan ang sinasahod niya rito. Gayunpaman, kulang pa rin ito kaya pana-panahon din siyang nagbebenta ng kakanin.

“Lahat ng puwedeng pagkakitaan, pinapasok talaga,” aniya.

Ayon sa International Labour Organization (ILO), sa mga developing country tulad ng Pilipinas, napakabulnerable ng mga manggagawang nakaasa sa piece rate wages o pakyawan dahil hindi nababantayan ng awtoridad ang mga kompanyang nagtatakda ng halaga ng paggawa ng mga manggagawa.

Sa isang pag-aaral din ng National Economic and Development Authority, lumabas din na mababa ang pasahod sa impormal na sektor.

Para naman kay Kary Joy Que, malaking tulong ang pagtatahi ng notebook para makadagdag sa sahod ng asawang construction worker habang ginagampanan ang tungkulin sa bahay.

Dalawa sa tatlong anak nila ang nag-aaral kaya kailangan talagang maghanap ng ekstrang pagkakaitan. Kailangan niya ring bantayan ang bunsong anak. Posible umano ito at nagagawa niya habang nagtatahi ng notebook.

Sabi ni Que, pinasok lang din siya ng kanyang nanay sa pabrika ng Aspen noong 2018. Noong una, maliit lang umano ang naiuwi niyang sahod dahil mabagal pa siya sa pagtatahi. Inaral muna niya ito at paunti-unting dinadagdagan ang dami ng gawa.

Sa ngayon, pananahi lang ang tinatanggap na trabaho ni Que. Umaabot sa P1,000 sa isang linggo ang kanyang sinasahod, pero depende pa ito sa bilang din ng kahon ng notebook na binabagsak.

Dagdag pa niya, para maging produktibo ang kanyang araw, inoorasan niya ang sarili sa pagtatahi ng notebook. Sa isang kahon, dapat tapos na raw niya itong gawin sa loob ng isang oras at 30 minuto. 

Sa pambihirang bilis niya sa pananahi, madalas naikukumpara na ang kanyang mga kamay sa isang makina. Pero aniya, binunga ito ng mga responsibilidad niya bilang asawa at ina. 

“Siyempre, kailangan ko ring gawin ‘yong [tungkulin ko sa loob ng bahay namin],” saad ni Que.

Ayon sa ILO, maraming babae ang pumapasok sa impormal na sektor o impormal na kaayusan sa trabaho dahil sa pleksibilidad, autonomy at geographic proximity na pumapabor na kanilang gampanin sa bahay.

Sa librong “Manila Workers’ Union” ni Melinda Tria Kerkvliet, lumalabas na noon pa man ay pinipili na ng kababaihang manggagawa ang ganitong sistema ng paggawa dahil nakakapagtrabaho sila depende sa kanilang bilis na nagbibigay sa kanila ng panahon para asikasuhin ang tungkuling bahay.

Pero ayon kay Kerkvliet, ang mga may-ari ng kompanya lang ang nakikinabang sa ganitong sistema dahil madaling napapababa ang sahod sa simpleng pagtatakda ng mas mababang kota.

Sabi naman ni Jacquiline Ruiz, tagapagsalita ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan, “Nagbago [na] yung itsura at pananaw ng kababaihan hinggil sa kung ano na nga ba ‘yong porma ng paggawa.”

Bagaman kailangang umanong kilalanin na dapat tupdin ang gawain ng kababaihan sa loob ng tahanan, mas matimbang ang katotohanang pinapaliit lang nito ang kanyang buong paglahok sa produksiyon para makaambag sa lipunan.

Matapos tahiin, mabalutan ng plastic jacket, at ma-assort, siniguro ni Salaum na maayos na nakalagay sa kahon ang mga notebook. Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

Dahil nasa impormal na sektor, walang seguridad sa trabaho at kakayahang makipagtawaran ang mga manggagawa.

Noong 2018, walang nagawa si Norma dela Cruz, 21 taong nagtrabaho sa Aspen, nang biglang hindi na papasukin ng guwardiya ng pabrika. Nasa listahan daw ng mga manggagawang lumaban ang kanyang pangalan.

Sa panahong iyon, bumubuo ng unyon ang nagsanib-pwersang manggagawang arawan at pakyawan sa pabrika. Pinaglalaban nila ang kanilang sahod, benepisyo at regularisasyon.

Sa tagal ng pagtatrabaho sa pabrika, naging regular lang siya sa pakyawan. Ibig sabihin, kasama siya sa mga prayoridad na mabibigyan ng trabaho sa araw-araw. Pero itinanggi ng kompanya na manggagawa nito si dela Cruz at iba pa.

Katwiran naman ng mga manggagawa, nakalahok sila sa eleksiyon ng unyon na nangangahulugang kinikilala sila bilang empleyado nito. Dagdag pa, halos araw-araw sila ang inaasahan sa produksiyon.

“Paanong hindi kami manggagawa nila?” pagtataka ni dela Cruz. Noon, pumapasok siya ng 4:00 a.m. para maghakot ng notebook at maidala sa puwesto. Pasado 10:00 p.m. naman na siya nakakauwi para makasahod ng P2,500 sa isang araw ‘yon.

Naghain na ng kaso ang tinanggal na mga manggagawa. Patuloy nilang ipinaglalaban na matanggap ang makatarungang money claim na aabot sa mahigit P200,000.

Samantala, nilalabanan din ngayon ni dela Cruz ang mga sakit na ibinunga ng mahabang panahon ng mapang-aping kondisyon sa paggawa.

Nakasaad mismo sa 1987 Philippine Constitution na dapat itaguyod ang karapatan ng mga manggagawa sa disenteng trabaho.


Sa kubol na binuo mula sa pinagtagpi-tagping trapal, kahoy at yero, nagkakaisa ang kababaihang manggagawa sa paggiit ng usapin sa sahod, mas maayos na kondisyon sa paggawa, seguridad at kaligtasan sa trabaho, at karapatan bilang manggagawang lumalahok at nag-aambag din sa ekonomiya ng bansa.