close
Ellala Love It!

Escabecheng tilapia with papaya


Ngayong Semana Santa, marami sa atin ang umiiwas sa karne bilang bahagi ng tradisyong Kristiyano. Kung kaya, narito ang isang recipe na masarap, masustansiya at abot-kaya para sa inyong pamilya

Ngayong Semana Santa, marami sa atin ang umiiwas sa karne bilang bahagi ng tradisyong Kristiyano. Kung kaya, narito ang isang recipe na masarap, masustansiya at abot-kaya para sa inyong pamilya.

Gaya ng Kristiyanismo, natutunan din natin ang pagluluto ng escabeche sa mga Kastila. Pangunahing sangkap nito ang suka para mapreserba ang pagkain. Nang lumaon, higit na pinaunlad ng mga Pinoy ang teknik ng pagluluto nito. Sa katunayan, mayroon tayong iba-ibang bersiyon. 

Sa mga may-kaya, lapu-lapu o maya-maya ang kalimitang ginagamit. Pero puwede namang kahit anong isda gaya ng tilapia na mas mura at madaling mahanap sa palengke. Kalimitang ipiniprito ang isda at nilalagyan ng sarsang binabalanse ng asim, tamis at alat. May sariling bersyon din ang mga taga-Quezon—may ginadgad na papaya na higit na nagpapabusog at nagbibigay sustansiya!

Mayaman ang isda sa protina, bitamina’t mineral tulad ng Omega-3 fatty acids. Habang ang papaya naman ay puno ng bitamina C, A, at iba pang sustansiya.


  • 1 kilo ng hilaw na papaya (ginadgad, mas mainam kung hindi masyadong pino)
  • 75 ml toyo
  • 40 ml suka
  • 3 tbsp oyster sauce
  • 3 tbsp asukal
  • 1 tbsp paminta
  • 1 buong bawang
  • 2 piraso sibuyas
  • 25 grams luya (maliliit na hiwa)
  • 10 grams luyang dilaw o turmeric powder (opsyonal)
  • 1 piraso bell pepper
  • 1 piraso carrots (strips or korteng bulaklak)
  • Tilapia  (i-marinate sa asin at paminta)
  • Mantika para sa pagprito
  1. Linisin at alisan ng kaliskis ang tilapia. I-marinate sa asin at paminta. Iprito hanggang maging golden brown. Patulin ang mantika at itabi.
  2. Igisa ang bawang, sibuyas at luya sa kaunting mantika. Ilagay ang bell pepper at carrots at lutuin ng mga dalawang minuto.
  3. Ilagay ang ginadgad na papaya. Dagdagan ng toyo, suka, oyster sauce, asukal at paminta. Maaaring lagyan ng turmeric powder bilang pampakulay. Haluin at pakuluan ng ilang minuto hanggang lumambot ang papaya.
  4. Ipatong ang pritong tilapia sa ibabaw ng mga ginisang sangkap. 
  5. Ihain na ang escabecheng tilapia with papaya at kanin!