Veggie Fortified Noodle Jars (mula sa  Flora Kulinarya: Lasa ng Kalayaan) 

September 7, 2023

Pampito ang Pilipinas sa buong mundo sa may pinakamataas na konsumo ng instant noodles. Mula pagpasok ng dekada ‘90, nang ipakilala ng Nissin Monde sa merkado ang Lucky Me!, naging staple food na ito ng mga Pilipino.

Dahil relatibong mura, malasa, mabilis lutuin, matagal masira at mabibili kahit saan, naging pagkaing pantawid ito ng mamamayang hikahos at tali sa trabaho. 

Sa layuning humulagpos sa instant noodles na salat sa sustansiya at mapanganib na diyeta, nilikha ng Gulay Na! ang lutuing ito bilang pagkaing pangmasa na madaling ihanda sa mga komunidad. Mura, siksik sa sustansya at naglilinang ng kultura nang walang pag-aaksaya at may pagpapahalaga sa handog na gulay ng mga magsasaka.

Mga sangkap:

  • 1 kg vegetable scraps
  • 2.5 litro ng tubig
  • 240 g 6-in-1 vegetable canton ng Origreens
  • 1/4 kg repolyo
  • 1/4 kg toge
  • 1/4 kg carrots
  • 200 g dried shiitake mushrooms
  • 200 g kulantro
  • 100 g celery
  • Isang buong bawang
  • Dalawang pirasong sibuyas
  • Asin, toyo, paminta
  • Mantika

Mga kagamitan:

  • 2 stockpot o malaking kaldero
  • Strainer
  • 6 na garapon na 400-500 ml
  • Kutsilyo
  • Chopping board
  • Siyansi

Proseso:

  1. Mag-ipon ng vegetable scraps (pinagbalatan, tangkay, roots etc.) hugasan ng maigi at ilagay sa freezer.
  2. Hugasan ang mushroom at ibabad sa tatlong tasa na maligamgam na tubig hanggang lumambot.
  3. Gumawa ng vegetable stock. Ilagay sa stockpot ang vegetable scraps, 2.5 liters, celery at pakuluin. Pagkakulo hinaan ang apoy (low fire) at hayaang tuloy-tuloy na kumulo.
  4. Habang nakasalang ang vegetable stock, hugasan at hiwain ang carrots, repolyo, bawang, sibuyas at mushroom. Hugasan din ang toge at kulantro. Isama ang pinagbalatan sa ginagawang vegetable stock.
  5. Sa isa pang kaldero, igisa sa mantika ang sibuyas, bawang at mantika at lagyan ng kaunting toyo.
  6. Habang tuloy pa sa pagpapakulo, isalansan ang mga gulay sa garapon. Una ang pinaghalong reployo at carrots, sunod ang toge at huli ang ginisang mushroom. Ilagay na din sa garapon ang vegetable canton.
  7. Pagkatapos ng 45mins na pagpapakulo o hanggang sa lumasa ang mga gulay sa sabaw, ihalo ang kulantro at pinagbabaran ng mushroom at pakuluin pa nang bahagya para maghalo ang mga lasa.
  8. Isalin sa kabilang kaldero ang stock habang sinasala ang vegetable scraps. Pakuluin ang stock at lasahan ng asin, toyo at paminta.
  9. Kapag okay na ang lasa ng stock o sabaw ng vegetable scraps, dahan-dahang ibuhos sa mga garapon na may gulay at canton.
  10. Takpan ang mga garapon at hayaang maluto ang mga gulay at canton sa mainit na sabaw ng 10 minuto.
  11. Maaaring kainin derecho sa garapon ang noodles o kaya’y isalin sa garapon.