close

Pagpilay sa unyon ng Nexperia


Patuloy ang pagpilay sa tumitindig sa Nexperia. Noong Setyembre 2023, walong manggagawa ang tinanggal habang 54 naman ang mawawalan din ng hanapbuhay ngayong Abril.

Maagang namulat sa pag-uunyon si Alona Soriano. Bago pa man maging ganap na manggagawa, alam na niya ang kahalagahan ng unyon sa isang pagawaan—nagtataguyod ng nakabubuhay na sahod, regularisasyon, maayos na benepisyo at iba pang karapatan sa paggawa. Natutunan niya ito sa dating on the job training sa Taguig City.

Kaya nang magpunta sa engklabo sa Laguna, bitbit ang maraming resumé, hinanap niya kung saan ang mga pagawaang may unyon. Natagpuan niya ang Philips Semiconductors Phils., Inc. (dating may-ari ng pabrika bago ipinagbili ang malaking shares nito sa NXP Semiconductors Cabuyao, Inc. hanggang sa tuluyang mabili ng Nexperia Philippines, Inc.)

“May nare-regular ba dyan?” paniniguro niya sa nakitang manggagawa nito. 

“Oo, may unyon kasi,” sagot naman sa kanya.

Naging opereytor ng sensors department ng naturang pabrika si Soriano. Kabilang siya sa mga pioneer o nagpaunlad mula sa mano-manong paglikha ng produkto hanggang sa maging robotics ito. Naging shop steward din siya ng Nexperia Philippines, Inc. Workers Union (NPIWU) sa mahabang panahon. 

Mga semiconductor at microchip ang ginagawa nila para sa mga kompanyang nagmamanupaktura ng gadgets (hal. Apple Inc.) at sasakyan (hal. Tesla Inc.). 

Ibinahagi ni Alona Soriano, 25 taong manggagawa sa Nexperia Philippines, Inc. at lider-unyonista, ang kanyang karanasan matapos pagkaitan ng hanapbuhay noong Set. 25, 2023. Kat Catalan/Mayday Multimedia

“Mahirap bilang isang babae o ina ng tahanan na maging aktibo sa gawaing unyon. Pero tinindigan ko sa aming tahanan at sa aming pagawaan na ipagpatuloy ang laban naming manggagawang kababaihan,” sabi ni Soriano, 25 taong manggagawa ng Nexperia at ina ng apat.

Maraming pagkakataon umano na pinipilayan siya ng management dahil sa pagtindig. Makailang ulit na tinangkang tanggalin siya sa trabaho, kasama ang iba pang miyembro at lider ng unyon, pero hindi nagtagumpay dahil sa malakas na paglaban nila dito.

Ang NPIWU ang isa sa pinakamatanda at pinakamalaking unyon sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, mahigit 1,800 ang miyembro nito.

Subalit noong Set. 22, 2023, mismong kaarawan niya, pinatawag siya at pito pang manggagawa, dalawa ang opisyales din sa NPIWU, ng labor relations manager. Sabi ng huli, matatanggal na sila sa trabaho.

Bilang hepe ng mga shop steward ng panahong iyon, awtomatikong iginiit niya ang kanilang karapatan.

“‘Di mo man lang po ba kami ifo-force leave, iro-rotate, idadaan sa training habang wala kaming mapuwestuhan? O gagawin ang iba pang pamamaraan para hindi humantong sa ganitong tanggalan?” tanong ni Soriano sa kanilang manager na kilala rin sa Timog Katagalugan bilang union buster o tagabuwag ng unyon.

Wala raw magagawa, sabi ng manager. Humagulgol ang ibang kasamahan ni Soriano. Napaisip sila paano na ang kinabukasan gayong kakambal ng trabaho sa Nexperia ang buhay ng kanilang mga pamilya.

Pero hindi nagpakita ng kahinaan noong araw na iyon si Soriano. Sabi niya sa sarili: “Birthday ko ‘to. Hindi ako iiyak.”

Bago pormal na bigyan ng notice of termination ang walong manggagawa noong Set. 25, nagkaroon na umano ng serye ng pag-uusap ang NPIWU at management ng Nexperia. Pebrero 2023 nang inanunsiyo ng management na isasara ang sensors department dahil ililipat ang linya ng produkto nito sa Thailand.

Nag-alok pa ang kompanya ng mapanlinlang na voluntary separation program (VSP) para sa apektadong manggagawa ng departamento. 

Pero kakaunti lang ang kumagat sa VSP kahit pa ilang beses nang pinalawig ang deadline nito. Nagbanta tuloy ang management na ituturing na redundant o labis na manggagawa ang mga hindi papaloob sa naturang programa.

Sabi ni NPIWU president Mary Ann Castillo, maaari namang i-absorb ng natirang power department ang mga manggagawa ng nagsarang departamento. Naglabas pa nga ng internal hiring ang kompanya kasabay ng pagtanggal sa walo.

Dagdag ni Castillo, malinaw na paraan ito ng kapitalistang Nexperia para makatipid sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa at para lalong magkamal ng kita.

Ipinahayag sa press conference ang Nexperia Philippines, Inc. Workers Union nitong Mar. 20 sa Quezon City ang nagpapatuloy na tanggalan sa pagawaan. Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

Nitong Peb. 1, muling binuksan ang ika-15 collective bargaining agreement (CBA) sa kanilang pagawaan para sa taong 2024 hanggang 2026. Bilang mga opisyales ng unyon, kabilang sana sa haharap sa management ang tatlo sa walong tinanggal.

“Nakikita namin na isang hakbang ito ng kompanya para i-secure ang kanyang kita. Pinapahina niya ang unyon [namin] sa pagtatanggal ng mga miyembro at ang tatlo sa’ming opisyales,” ani Castillo.

Ayon naman kay Soriano, talagang hindi makatuwiran ang ginawang tanggalan. Sinisi umano ng management ang minsang paggamit niya ng union leave na inilaan niya para sa mga aktibidad ng unyon.

Sa International Labour Organization Convention 98, protektado ang mga manggagawa sa anumang diskriminasyon kaugnay ng kanilang pagiging miyembro ng unyon o aktibidad sa unyon.

“Sa isang kompanyang kumikilala ng unyon, hindi kasi dapat kasama ‘yon sa basis [ng tanggalan] dahil nirerespeto mo ‘yong [gawaing unyon],” sabi ni Soriano.

Noong Set. 26, naghain ang NPIWU ng preventive mediation sa National Conciliation and Mediation Board Region IV-A. Umabot na sa 12 beses ang padinig. Hanggang sa kasalukuyan, nagmamatigas pa rin ang management na hindi pakinggan ang panawagang ibalik ang walong manggagawang tinanggal.

Tila hindi pa nakuntento ang Nexperia. Nitong Peb. 29, nagbaba ito ng notice of temporary layoff sa 54 manggagawa na magiging epektibo sa Abr. 1. At sa darating na Oktubre, 72 manggagawa naman ang inaasahang mawawalan din ng hanapbuhay.

“Low volume” ang idinahilan ng dayuhang kompanya. Pero giit ng mga manggagawa, taliwas ito sa aktuwal na nangyayari dahil mataas ang kanilang output.

Ani Castillo, nilalabag din nito ang sistemang “last in, first out” na matagal nang isinasapraktika at nakasaad sa kanilang CBA. Ibinatay kasi ng management sa “performance” at kaso ng disciplinary actions ang tanggalan na kung tutuusin ay pumapabor sa kanilang interes.  

“Madali para sa kanila puntiryahin ang union members kapag ginamit ‘yon [bilang basehan],” sabi pa ni Soriano. Sa 54 manggagawa, 50 rito ang miyembro ng unyon. 

Para kay National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NAFLU-KMU) secretary general Tony Pascual, malinaw na paglabag sa karapatan ng manggagawa ang enggrandeng tanggalan sa Nexperia. Sa mismong 1987 Constitution, ginagarantiya ang karapatang magtayo ng unyon, makipagtawaran, seguridad sa trabaho at iba pang karapatan sa paggawa.

“Hindi dapat tanggalan ang nasa unahan ng kanilang isipan kung gusto nilang mapanatili ang kanilang tubo. Dapat gawin nila ‘yong sinasabi ng batas na measures,” sabi ni Pascual.

Kayang-kaya at may magagawa pa umano ang kompanya para maiwasan ang tanggalan. Halimbawa, dapat magsagawa ng rotation at training para maipuwesto sa ibang linya ang mga manggagawa.

Dagdag pa niya, malabong nalulugi ang Nexperia dahil nakuha pa nitong bilhin ang semiconductor start-up na Nowi noong Nobyembre 2023.

Ayon naman kay KMU national chairperson Elmer Labog, “malaking pambobola” at “lumang tugtugin” na ang pagsasabing pansamantala lang mawawalan ng trabaho ang manggagawa. Sa maraming pagkakataon sa kasaysayan, hindi na pinababalik ang mga tinanggal matapos ang anim na buwan.

Nitong Mar. 22, lumabas sa Light and Science Park 1 ang malaking bilang ng manggagawa mula sa Nexperia at iba pang pagawaan sa loob ng engklabo sa Cabuyao, Laguna.

Ipinanawagan nilang ibalik ang walong tinanggal at itigil ang malawakang tanggalan sa Abril. Nagbanta rin ang NPIWU na maglulunsad ito ng welga sa paggawa (labor strike) kung itutuloy ang pagkitil sa kabuhayan ng manggagawa.

Sabi ni Pascual, posibleng matulad ito sa makasaysayang welga ng unyon noong 2014. Sa nabanggit na welga, nagsama-sama ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang rehiyon para suportahan ang laban ng 22 lider-unyonista na ilegal na tinanggal ng management.

Samantala, nanawagan si Labog na itigil ng gobyerno ang sabwatan nito sa malalaking kompanya. Kailangan na umanong palitan ang palpak na batayan ng pag-unlad ng ekonomiya na nakaasa sa dayuhang mamumuhunan at industriyang eksport.

Para naman kay Soriano, kung hindi mapipigilan ay magpapatuloy pa ang malawakang tanggalan sa Nexperia at iba pang pagawaan. May iniluwal nang 54 at 72 manggagawa ang nangyari sa kanilang walo, at posibleng masundan pa kung hindi malalabanan. 

“Kailangang maipaunawa na kung hindi man [sila] apektado ngayon, malaki ang posibilidad na sila ang magiging sunod,” sabi niya.

Sa kabila nito, tiwala siyang titindig at lalabanan ito ng mga manggagawa, lalo ng kapwa unyonista. “Sa mahabang panahon ng kilusang paggawa, sa tuwing may pang-aapi, may pagbangon at paglaban,” aniya.