Manggagawa, apektado sa pagbenta sa Sky Cable
Hindi naabisuhan ang mga empleyado sa biglaang tanggalan at naniniwala silang hindi sinunod ang patakarang isinasaad sa collective bargaining agreement hinggil sa pagbabawas ng tauhan sa mga ganitong pagkakataon.
Mariing kinondena ng Sky Cable Supervisors, Professionals/Technical Employees Union (SSPTEU) ang malawakang tanggalan matapos aprubahan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang pagbili ng telecommunications giant na PLDT sa Sky Cable at iba pang pagmamay-ari nito sa halagang P6.75 bilyon noong Ene. 19.
Sa pahayag ng SSPTEU, nasa 80 empleyado ang mawawalan ng trabaho bunsod ng agarang tanggalan.
“Mahigit 20 sa hanay ng mga superbisor kabilang ang apat na opisyal ang sistematikong hinainan ng termination letter dahil umano sa redundancy. Sa kabuuan, halos 80 empleyado kabilang na ang mga rank and file at managers ang mawawalan ng trabaho epektibo sa susunod na buwan,” sabi ng unyon.
Posted by Sspteu – SkyCable Supervisors, Professionals / Technical Employees Union on Friday, January 26, 2024
Nagpaabot naman ng suporta ang Kilusang Mayo Uno sa mga manggagawa ng Sky Cable na apektado ng hindi makatarungang tanggalan. Anila, tuwiran itong pag-atake sa karapatan ng unyon at seguridad sa trabaho ng mga manggagawa.
Hindi naabisuhan ang mga empleyado sa biglaang tanggalan at naniniwala silang hindi sinunod ang patakarang isinasaad sa collective bargaining agreement hinggil sa pagbabawas ng tauhan sa mga ganitong pagkakataon.
“Inuna nila ang pansariling interes sa kapital kaysa sa kapakanan ng mga apektadong empleyado at mga pamilya nito. Malinaw din na sa dami ng mga tinanggal na miyembro ng unyon na ito ay isang uri ng union-busting,” sabi ng unyon.
Ayon naman sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), bagaman inaprubahan ng PCC ang kasunduan, may mga kondisyon pa rin na kailangang tuparin ang mga ito, kabilang na ang pagsasara ng Sky Cable TV segment.
Suportado rin ng Eiler ang panawagan ng unyon na dapat ay iabsorb ng PLDT ang mga manggagawa.
“Ipinapaabot namin ang panawagan ng SSPTEU para sa pagpapaloob ng PLDT sa mga empleyado. Dapat igalang ng kompanya ang karapatan ng mga empleyado sa seguridad ng trabaho, at sila ay ilipat sa katumbas na ranggo, at magbigay ng training at reskilling kung kinakailangan,” ani Eiler executive director Rochelle Porras.
Dagdag pa ni Porras, ang pag-aaklas ay hindi dapat gamitin bilang rason para ilihis ang umiiral na obligasyon sa pagitan ng Sky Cable at unyon. Nararapat na bigyang respeto ng kompanya ang kalayaan ng mga empleyado na mag-organisa ng unyon at karapatan sa sama-samang pakikipagtawaran.
Noong Marso 2023 umalingawngaw ang posibilidad ng pagbili ng PLDT sa Sky Cable dahilan para magpaabot ng liham ang mga manggagawa sa management para tiyaking walang tanggalan na mangyayari na sinigurado naman ng Sky Cable.