close
Konteksto

Tibak


Bakit nga ba siya kumikilos kahit na walang pinansyal na kapalit? Bakit ba niya mag-isang inaako ang mga gawaing dapat na ginagampanan ng lima o higit pa?

Normal nang paikliin ang ilang termino—journo para sa peryodista, tibak para sa aktibista. Hindi naman kasi kailangan ang tatlo o higit pang pantig kung maiintindihan naman sa isa o dalawa.

Para sa tinaguriang tibak, normal na rin ang pagtatakda ng acronym kahit na Ingles ang pinaikling kapalit—TU para sa unyonista, IP para sa katutubo, YS para sa kabataan.

At dahil sa piniling simpleng pamumuhay at puspusang sakripisyo, kumikilos siya sa masalimuot na mundong ipinaliliwanag ng moda ng produksyong mala-mala at ng tatlong batayang problemang IBP. Posibleng gutay-gutay at lukot-lukot na ang ilang pahina ng pinakaiingatan niyang LRP, SND at iba pang mga libro. Pero dahil sa likas siyang mapagbigay, mas posibleng naipasa na niya ang mga ito sa iba pang nais na malaman ang kasaysayan at kalagayan ng lipunan. Bahagi ng kanyang iskedyul ang mga ED at BMI, lalo na kung ML siya.

Naiintindihan ba ang tibak lingo? Kung hindi, walang problema. Malalaman at malalaman din ang kahulugan ng mga pinaikling termino’t acronym. Habang lumalala ang mga panlipunang problema, mas dumarami ang nahuhumaling sa aktibismo. May mga dating ayaw sa tibak na ngayo’y tagasuporta na. May mga dating ayaw maging tibak pero ngayo’y FT na.

FT. Full-time. Kailangan pa ba ang detalyadong paliwanag sa piniling buhay? Walang buwanang suweldo pero punong-puno ng araw-araw at gabi-gabing responsibilidad. Pati Sabado’t Linggo, hindi sinasanto. Nakikitungo sa iba’t ibang klase ng tao, kung saan-saang lupalop napapadpad.

Posibleng ganito ang takbo ng ordinaryong araw niya: Sa umaga’y nasa unibersidad, sa tanghali’y nasa komunidad, sa gabi’y bumibiyahe papuntang kanayunan. Kinabukasa’y bibiyahe pabalik sa bahay, haharap sa kompyuter para mabilisang sumulat ng pahayag at sumagot sa mga email. Tatakbo sa HQ para sa isang pulong, magpaplano para sa mga ED at BMI at maglilinis ng opisina. Siyempre nama’y magpapahinga’t matutulog para may lakas pa sa susunod na araw. May mob kasing mangyayari kaya kailangan niyang tumulong sa prod work.

Bakit nga ba siya kumikilos kahit na walang pinansyal na kapalit? Bakit ba niya mag-isang inaako ang mga gawaing dapat na ginagampanan ng lima o higit pa? Mahaba ang paliwanag hinggil sa mataas na antas na kamulatan na resulta ng malalim na pag-aaral, pananaliksik at pakikisalamuha sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Posibleng may personal na pinagdaraanan para gawing personal na adbokasiya ang politikal na pagkilos. Halimbawa, baka naman may kamag-anak siyang PP o desap kaya nais niyang singilin ang estado.

Pero kung naghahanap ng maikling paliwanag, posibleng gumamit lang ng isang salita: Pag-ibig.

Matindi ang kanyang pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga pinagkakaitan at pinahihirapan ng mga nasa kapangyarihan. Wagas ang kanyang pagtatangi sa kapakanan ng lahat, pati na ang ilang pulis na inuutusang humarang sa bawat pagkilos sa lansangan. Tandaang ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, halimbawa, ay para sa lahat ng manggagawa, pati na ang mga pulis na mababa ang ranggo at patuloy na inaapi ng mga opisyal nila.

Sa personal na antas, mahal na mahal niya ang kanyang pamilya, pati na ang ilang mahal sa buhay na ikinahihiya ang landas na pinili niya. Masigasig na kinakausap sila para ipakita ang kawastuhan ng aktibismo, para ipaliwanag ang kahalagahan ng pagbabago. Nais niyang yakapin din ng mga minamahal niya ang pagkilos na iniibig niya. Kung tutuusin, ang konsepto ng pamilyang minamahal ay hindi lang ang mga kadugo dahil kasama rin ang mga kaibigan, kamag-anak, kapit-bahay at iba pang kakilala. Tunay na ang bilang ng mga minamahal na kailangang kumbinsihin ay kasing-lawak ng mundong kailangang baguhin.

“Mahiya ka naman sa magulang mo. Hindi ka pinag-aral para mag-rally lang!” Ilang beses na kaya itong sinabi ng pakialamerong pinsan niya? May mabilis namang sagot dito: “Parating sinasabi nina Nanay at Tatay na magpakabait ako. Hindi ba’t kabaitan ang maghangad na gumanda ang buhay ng pamilya, pati ng iba pa?” Siyempre, kailangan ding linawing higit pa sa pagmamartsa sa lansangan ang aktibismo, pero hindi naman kailangang ipaliwanag ang lahat sa isang upuan lang. Oo, mahabang usapan ang katangian ng matagalang pakikibaka. Tatayo rin bukas ang mga nakaupo ngayon.

Nagpapahinga habang nakaupo pero parating tumitindig. Ganyan ang buhay ng isang tibak. May sariling lingo na nagsisilbing imbitasyon para matutuhan hindi lang ang mga termino’t acronym kundi ang katotohanan sa likod ng retorika ng mga nasa kapangyarihan.

Sama-samang pag-aralan ang kanyang salita. Sama-samang pagnilayan ang kanyang gawa. Pag-isipang sumama sa kanya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com