close

Adobo onigiri


Sa dali ng paghahanda nito, tiyak na hindi ka male-late pagpasok sa iyong trabaho. Maaari rin itong ihanda sa gabi para bawas stress sa umaga.

Nauubusan ka na rin ba ng ihahandang baon o merienda, pero kapos sa oras? 

Subukan natin itong simple at madaling recipe mula sa Japan na lalagyan natin ng Pinoy twist. Tara na’t gumawa ng adobo onigiri!

Kilala ang onigiri sa bansang Japan dahil madali itong gawin at abot-kaya ang mga sangkap. Nagsilbi itong rasyon sa mga sundalong Hapon noong panahon ng Kamakura. Kalaunan, naging pangunahing pagkain ito ng mga manlalakbay at ngayon, ng mga sambahayang Japan.

Kagaya ng sushi, sumikat ang onigiri sa labas ng Japan at nagkaroon na rin ng iba’t ibang bersiyon. Depende sa iyong gusto, kahit ano ang puwedeng ipalaman sa onigiri: salmon, de latang tuna at mayonnaise o ‘di kaya’y tirang adobo.

Puwede rin ito sahugan ng gulay na madalas iwasan ng mga bata (at minsan, pati matatanda)!

Sa dali ng paghahanda nito, tiyak na hindi ka male-late pagpasok sa iyong trabaho. Maaari rin itong ihanda sa gabi para bawas stress sa umaga.

  • Adobong baboy o manok
  • Mainit-init na kanin (mas madali ihulma ang short-grain rice)
  • Nori sheets (mabibili sa mga supermarket o Korean mart)
  1. Basain nang bahagya ang kamay at lagyan ng kaunting asin. 
  2. Maglagay ng kanin sa kamay at pantayin. Bahagyang pisilin sa gitna upang magkaroon ng onting lalim. 
  3. Ilagay dito ang hinimay-himay na adobong manok o baboy. 
  4. Maglagay muli ng kanin sa itaas ng sahog.
  5. Pisilin at i-korte ito nang patatsulok o pabilog. 
  6. Lagyan o balutin ito ng nori sheet. 
  7. Ihain at kainin!
  1. Ihalo sa kanin ang hinimay-himay na laman ng adobo bago magsimula. 
  2. Gawin ang hakbang bilang 5 ngunit huwag munang lagyan ng nori sheet. 
  3. Painitin sa microwave o air fryer ang adobo onigiri upang lumutong kauntinang kanin. 
  4. Upang manatiling malutong ang nori sheet, maaaring huwag muna itong ibalot sa adobo onigiri at ilagay na lang ito kapag kakainin na.