close

Diborsiyo, lusot sa ikatlo, huling pagbasa

Ani Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, panahon na para bigyan ng opsiyon ang mga mag-asawa na legal na umalis sa mga hindi malusog na relasyon.

Aprubado na sa Kamara ang House Bill 9349 o Absolute Divorce Bill matapos makakuha ng 126-109-20 na boto sa plenaryo nitong Mayo 22.

Ipinagdiwang ang desisyong ito ng Gabriela Women’s Party (GWP) na nanguna sa pagsusulong ng panukala sa Kamara.

Ani GWP Rep. Arlene Brosas, panahon na para bigyan ng opsiyon ang mga mag-asawa na legal na umalis sa mga hindi malusog na relasyon.

“Bigyan natin ng pagkakataon ang mga naaabusong kababaihan at kanilang mga anak ng isang pagkakataon na mabuhay sa isang pamilyang puno ng pagmamahal,” sabi niya.

Ang tagumpay umano na ito ay halos dalawang dekada ng binubuo, simula nang una nila itong ipanukala upang gawing legal ang diborsiyo noong 2005. Dagdag pa ni Brosas, ang pangangailangan sa batas na ito na agarang maipatupad ay lalong umigting sa paglipas ng mga taon.

Ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman, hindi kikilalanin ang “no-fault, quickie, drive-thru, email or notarial” na diborsiyo sa ilalim ng panukalang batas. Dagdag niya, hindi para sa lahat ang diborsiyo.

“Ito ay isa lamang alternatibong remedyo at hindi aplikable sa nakararaming bilang ng mga mag-asawang Pilipino na may matatag at mapagmahal na mga pagsasama,” aniya.

Mapoproseso lang umano ang diborsiyo kung makatarungan at katanggap-tanggap ang dahilan para rito. Kailangan ding sumailalim sa masusing pagsusuri sa hukuman ang inihaing petisyon.

Nakasaad rin sa panukalang batas na bukod sa iba’t ibang uri ng karahasan at pang-aabuso sa petisyoner, maaari rin maging batayan sa diborsiyo ang mga legal na batayan sa paghihiwalay sa ilalim ng Artikulo 55 ng Family Code na may kaakibat na mga modipikasyon; pagpapawalang-bisa ng kasal sa ilalim ng parehong batas; paghihiwalay nang hindi bababa sa limang taon sa oras ng paghahain ng diborsiyo, kung hindi na magkakaayos pa ang mag-asawang sasailalim rito; kawalan ng sikolohikal na kapasidad ng alinman sa mag-asawa, ito man ay nag-umpisa sa oras ng kasal o pagkatapos; sasailalim ang alinman sa asawa ng sex reassignment surgery o pagbabago mula sa isang kasarian patungo sa isa pa; at hindi mapagkasunduang pagkakaiba. 

Sa panayam ng Pinoy Weekly kay Rizza Amparo, 45 at hiwalay sa asawa, hati pa ang kanyang opinyon dito. Bagaman may agam-agam dahil sa kanyang anak, aniya masaya siya dahil nangangahulugan ang diborsiyo ng pagiging malaya lalo na sa mga nakakaranas ng pang-aabuso.

“Maganda ang Divorce Bill para sa iba lalo na sa mga nakaranas ng pisikal na pang-aabuso, iyong mga napipilit na makipagtalik ng mga asawa nila, rape at iba pa,” ani Amparo.

Ngunit hinaing niya, mahabang proseso raw ito kung kaya’t hindi niya pa kaya at hindi pa rin niya iniisip ito para sa sarili.

Sa kabila nito, magandang tunguhin pa rin umano ang diborsiyo para magkaroon ng pangalawang pagkakataon ang mga mag-asawa na makahanap pa ng ibang kasama sa buhay.

Nakatakdang sumailalim ang panukalang batas sa deliberasyon sa Senado ngunit hindi pa tiyak kung kailan ito uumpisahan.