close

Hindi biro ang sunog sa San Isidro

“Hindi kami natulog no’n, nagbantay kami magdamag, halos 10 pamilya kaming nagbabantay,” ani Marcelino Dalayan, residente ng Sitio San Isidro.

Pribilehiyo na para sa mga residente ng Sitio San Isidro sa Quezon City ang matulog nang mahimbing na walang iniisip na panganib o banta. Matapos ang ilegal na demolisyon, hindi sila pinatulog ng “birong pagsunog” sa kanilang komunidad.

Ang nangyaring demolisyon noong Abril 18 ang sanhi ng problema sa komunidad. Nasa 50 hanggang 60 pamilya ang nawalan ng tirahan batay sa Kalipunan ng mga Damayang Mahihirap (Kadamay).

Bukod pa rito, binalot ng takot ang mga residente matapos ibulgar ni Arias Gerald, 23, ang birong utos ni Manny na isang empleyado ng Quezon City Local Government Unit (LGU). Isa rin siya sa nagtulak ng biglaang demolisyon sa San Isidro.

Agad na humingi ng dispensa ang empleyado dalawang araw matapos ang bantang pagsunog. Giit niya, biro lang o hindi seryoso ang nabanggit niyang pagsunog sa Sitio San Isidro. Subalit, mariing nanindigan si Arias na hindi pabiro ang pag-utos ni Manny. 

“Hindi naman pabiro ‘yong pagkakasabi nila sa’kin ng gano’n. Kung tutuusin, pabulong. Pabulong sa likod ko. Inuutusan niya ako na kung gusto ko daw ba, kumuha daw ako ng pusa, tapos balutin ko ng tela, tapos sabuyan ng gas, tapos ihagis daw para ma-washout na,” kuwento ni Arias.

Hindi sinakyan ng mga residente ang birong ito ni Manny. Hindi nga naman nakatutuwang gawing biro ang sitwasyong iniinda ng mga mga mamamayang katatapos lang tanggalan ng tirahan.

Sa ganitong pangyayari, sino na ang lalapitan at hihingan ng suporta ng mga maralitang umaasa sa pag-intindi ng gobyerno, kung ang seryosong sitwasyon ay ginagawang biro na lang basta-basta?

Sa kasalukyan, lumapit na si Arias kasama ang isang tauhan ng Kadamay sa Commission on Human Rights (CHR). Nangako rin ito na kapag walang nakitang pagkilos mula sa LGU, mapipilitan siyang idulong ang reklamo sa Department of the Interior and Local Government (DILG). 

“Hindi kami natulog no’n, nagbantay kami magdamag, halos 10 pamilya kaming nagbabantay,” ani Marcelino Dalayan, residente ng Sitio San Isidro.

Bagaman labag sa loob, napilitan ang ilang residente na umalis sa lugar dulot ng takot sa nakaambang sunog. Samantalang ang iba naman’y nagdesisyon na lang na manatali sa bangketa dahil walang mapupuntahan o malilipatan pa.

Nagkasundo ang mga naiwang residente na magkaroon ng bantay sa labas ng compound upang mag-ikot-ikot at magmasid dahil sa pangambang baka biglang masunog ang mga natitirang bahay sa lugar.

“Patuloy pa rin [kaming] nagbabantay, nag-iikot gabi-gabi. ‘Yong mga tao tumutulong [din] kasi hindi pwede palagpasin ‘yong ganoong bagay. Sabihin na natin na hindi ako sumang-ayon pero once na may makausap silang ibang tao hindi natin alam,” sabi ni Arias.

Bahagi si Arias Gerald ng Sikad (Sining Kadamay). Bukod sa pagbulgar ng birong pagsunog ni Manny, siya rin ang nagpaabot sa Kadamay na may nangyayaring demolisyon sa Sitio San Isidro.

Kinuwento rin ni Dalayan na mayroong mga residenteng nasaktan sa marahas na pag-baklas at pagsira ng mga bahay sa lugar. Bukod pa rito, sindak at trauma ang naging naging epekto sa mga bata matapos ang kaguluhang nangyari noong araw ng demolisyon.

Samantala, inamin ni Arias na nagkaroon siya ng trauma dahil hanggang ngayo’y natatakot pa rin siya sa posibleng mangyari sa kanya dulot ng pagsisiwalat niya sa naging usapan nila ni Manny.

“Takot, natatakot ako. Nangangamba ako kung baka ano mangyari sa akin,” aniya.

Sabi ni Kadamay secretary general Mimi Doringo, hindi na mahahawakan pa ni Manny ang anumang dokumento ng mga taga-San Isidro dahil sa pangambang baka gamitin niya ito bilang panakot sa mga residente.

Mag-iisang buwan ng nakasalampak sa kalsada ng Quezon Avenue ang hindi baba sa 50 pamilya matapos ang biglaang demolisyon.

Pinapaalis ang mga residente ng Sitio San Isidro dahil magpapatayo ng tatlong palapag na cancer center at parking lot ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC). 

Nagsanib puwersa ang Task Force for Control, Prevention, Removal of Illegal Structures and Squatting (TF Copriss), Philippine National Police (PNP), at DILG upang sapilitang mapaalis ang mga residente. 

Sa ngayon, mga tagpi-tagping tolda at tarpaulin ang tanging panangga ng mga residente sa ulan at matinding init ng araw sa isang saradong bahagi ng Quezon Avenue.

Nakaupo sa ilalim ng pinagtagpi-tagping tolda, yero at ilang kahoy na kanila ngayong tahanan si Ronilo Ngitngit, isa sa residenteng nawalan ng tahanan sa ‘biglaang’ demolisyon sa Sitio San Isidro sa Quezon City. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

“‘Yong sobrang init lang. May inatake na rito, may na-heat stroke na. May napaanak nang hindi oras. Dahil nga sa stress, eight months lang ‘yong baby niya,” sabi ni Doringo

Sa kabila ng hirap na naranasan ng mga residente, patuloy na bumibisita ang TF Copriss at iba pang mga traffic enforcer upang paalalahanan ang mga residente na hindi na sila maaaring manatili sa lugar. 

Bakas sa mukha ng mga residente ang pangamba lalo na’t hindi sapat ang P10,000 tulong pinansyal ng LGU upang makahanap ng bagong malilipatan. Hindi rin ito aabot hanggang Enero 2025 kung kailan mangyayari ang ipinangakong relokasyon sa mga residente. 

Samantala, iginiit ng mga residente na hindi sila nakatanggap ng pinansyal na suporta mula sa PCMC matapos ang demolisyon. Tanging sopas at sandwich na mukhang tira lang mula sa ospital ang ipinamahagi sa kanila.

Hindi magawang maging kampante ng mga mamamayan ng Sitio San Isidro kahit ilang linggo na ang nakalipas simula noong “birong pagsunog” ni Manny. 

Ayon kay Dalayan, hindi imposibleng mangyari ang ibinulgar ni Arias. Dahil hindi raw maipagkakaila na may mga “insidenteng sunog” na ang makailang ulit na nangyari sa bansa kaugnay ng sapilitang pagpapaalis sa mga residenteng kagaya nila.

Kamakailan lang, nagkaroon ng mga “insidenteng sunog” na hinihinalang konektado sa demolisyon. Kabilang dito ang tatlong sunog sa Bacoor City, Cavite noong Enero 2, Pebrero 10 at Marso 1.

Ayon sa Makabayan bloc, tinatayang 900 pamilya ang apektado ng sunog sa Bacoor. Sinabi rin nila na intensyonal at hindi aksidente ang sunog dahil sa mga pinaghahandaang bagong proyekto ng gobyerno tulad ng Manila-Cavite Toll Expressway Project.

Mag-iisang buwan ng nakasalampak sa kalsada ng Quezon Avenue ang hindi baba sa 50 pamilya matapos ang biglaang demolisyon. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Kung tutuusin, hindi na bago ang mga pangyayaring biglaang demolisyon. Noong Nobyembre, nagsagawa ang Local Housing Board ng mga pre-demolition consultation para sa demolisyon ng Sitio San Roque, hindi kalayuan sa Sitio San Isidro.

Marahas din ang nangyaring demolisyon dito dahil binalewala ng pulisya ang Community Development Plan na napagkasunduan nila kasama ang mga residente. 

Sa ulat ng human rights watchdog na Karapatan, lumobo sa 14,634 ang mga demolisyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Higit na mataas kumpara sa 6,912 na kabuuang bilang ng demolisyon noong termino ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Panawagan ng mga mamamayan na bigyang pansin at huwag gawing biro ng pamahalaan ang mga biglaan, marahas at kung minsan’y ilegal na demolisyon sa mga maralitang komunidad

Bagaman nagdadala ng tawa ang mga biro, hindi maipagkakailang pangamba ang dulot nito paminsan-minsan. Dahil kailanman, walang nakakatawang biro sa sitwasyon ng mga indibidwal na naghahangad lang ng buhay na tahimik at walang iniisip na peligro sa kapaligiran ngunit apektado ng balikong sistema.