close

Kulturang Pilipino sa tinig at indayog ng Alamat


“Maganda ang praktika ng Alamat upang maiangat ang interes sa mga tradisyonal nating musika na malalim ang kasaysayan,” sabi ni Carlo Bernardino ng Concerned Artists of the Philippines.

Hindi na maawat ang patuloy na pag-angat ng Pinoy pop (P-pop) sa industriya ng musika dahil sa nakakahawa nitong himig at nakakaindak nitong mga sayaw na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga nakikinig nito.

Ngayong Mayo 21, ipagdiriwang ang World Day for Cultural Diversity kung saan bibida ang iba’t ibang kultura at tradisyon sa mundo. 

Itinakda ito ng United Nations sa layuning mabigyan ng pagpapahalaga ang pagkakaiba-iba ng kultura, kasaysayan at karanasan ng iba’t ibang lahi upang isulong ang pag-unlad at kapayapaan sa mundo. 

Bida ang Pinoy pride sa araw na ito, dahil sa patuloy na pamamayagpag ng P-pop groups sa loob at labas ng bansa gaya ng itinuturing na “Kings of P-pop” na SB19 at ang “Nation’s Girl Group” na Bini

Dahil dito, mas nabibigyan ng oportunidad na lumawak “ang musikang nagagawa ng Pilipino at ang ating kagalingan sa entertainment production,” ayon kay Carlo Bernardino ng Concerned Artists of the Philippines (CAP).

Kabilang sa mga kilalang P-pop group ang multilingual at multiethnic na grupo mula sa Viva Artists Agency, ang Alamat.

Binubuo ang grupo ng anim na miyembro mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas—si Taneo mula sa Kalinga, Mo mula sa Zambales, Jao mula sa Pampanga, Tomas mula sa Bicol, R-Ji mula sa Eastern Samar at Alas mula sa Davao. 

Dala-dala nila ang mayabong at nagkakaisang kasaysayan, kultura at wika ng mga probinsyang kanilang kinalakihan. Bitbit ang lahat ng ito, ipamamalas nila sa buong mundo ang talentong Pilipino sa saliw ng kanilang musika at sayaw.

Bukod dito, sabi sa Facebook post ng isang propesor sa University of the Philippines na si Louie Jon Sanchez, “kinakatawan din ng Alamat ang totoong kalagayan ng bansa bilang isang arkipelago na nagsusumikap humimig ng animo’y mapagbigkis na awit mula sa iba’t ibang kalinangan at kawikaan.”

Lumikha ng ingay sa mundo ng P-pop ang hit song nilang Maharani o “great queen” sa sinaunang wikang Sanskrit ng India na tungkol sa paghanga at pagsinta ng isang binata sa minamahal na dalaga. Ginamit din sa kanta ang katapat ng salitang maharani sa wikang Filipino na “Lakambini.”

Nilikha ng award-winning singer-songwriter na si Thyro Alfaro ang “Maharani” kung saan maririnig ang paggamit ng mga tradisyonal na instrumento gaya ng kanun, gangsa at mga instrumentong gamelan.

“Maganda ang praktika ng Alamat upang maiangat ang interes sa mga tradisyonal nating musika na malalim ang kasaysayan,” sabi ni Bernardino. 

Ipinakita naman sa music video ang tradisyonal na sayaw na singkil mula sa Maranao ng Lanao del Sur. Tampok sa video ang lider ng grupong Bini na si Jhoanna Robles bilang Maharani at si Taneo naman bilang Maharaja sa kuwento ng tradisyonal na sayaw. 

Bilib naman ang Magiliw (tawag sa mga tagahanga ng grupo) na si Danica Mendoza sa koryograpiya ng grupo, “kasi naisasama yung galaw ng mga katutubong sayaw na hinaluan ng moderno.”

Pumalo na 1.7 milyon na view sa YouTube at 7 milyon na stream sa Spotify ang “Maharani,” na kabilang sa kanilang mini-album na “Pasulong.” 

Nag-debut ang grupo noong Peb. 14, 2021 sa kanta nilang “K-bye” na umabot sa ikalawang puwesto ng Billboard’s Next Big Sound 2021. 

Gamit ng grupo ang kanya-kanyang lokal na wika sa liriko ng kanilang mga awit gaya ng Tagalog, Ilocano, Kapampangan, Bicolano, Waray-waray, Hiligaynon at Bisaya. 

Naipapakita nito ang talentong Pilipino sa ibang bansa “dahil karamihan ay salita natin mismo ang gamit sa P-pop, lalo ang Alamat na iba’t ibang wika pa natin sa loob ng bansa,” ani Mendoza.

Kaya naman, naniniwala rin si Mendoza na hindi mamamatay ang kulturang Pilipino dahil katulad ng mga lumang kanta, maaalala at mapapakinggan ito ng mga susunod pang henerasyon.

Layunin noon ng Ninuno Media sa pangunguna ng direktor na si Jason Paul Laxamana na ipamalas sa mundo ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng musika ng P-pop group na Alamat. 

Halimbawa na nito ang kantang “Kasmala,” isang wordplay ng salitang “malakas” bilang pagpupugay sa tapang ng mga Pilipino sa kabila ng diskriminasyon.

Makapangyarihan rin ang mensahe ng mga kanta tulad ng “ABKD” na humihikayat na magtiwala sa sarili at “Ily Ily” na tampok ang the Voice Kids PH Champion 2014 na si Lyca Gairanod. Ipininta ng kanta ang larawan ng pagsisikap ng mga overseas Filipino worker. 

Karamihan sa mga kantang inilalabas ng Alamat ay tumatalakay sa kultura at mga isyu na kinakaharap ng Pilipinas. 

Ani Bernardino, “Mahalaga ang P-pop dahil may kakayanan itong maipakita ang danas ng mga ordinaryong Pilipinong namumuhay sa malakolonyal at malapyudal na lipunan gamit ang pop music.”

Bukod sa musika, sayaw, wika at kuwentong pagka-Pilipino, itinatampok din ng grupo sa kanilang mga likha at pagtatanghal ang mga tradisyonal at makukulay na kasuotan na gawang Pilipino. 

Patuloy ang grupo sa pagbahagi ng kanilang musika at kultura na ipinamalas sa ikalawa nitong album na “IsaPuso” na inilabas noong Nobyembre ng nakaraang taon. Naglalaman ito ng mga kantang “Dayang” (Prinsesa), “Walang Hanggan,” “Dagundong,” at “Day and Night” na binigyang buhay at masusubaybayan sa kanilang YouTube channel at mga music streaming platform.