close
Main Story

Nakabubuhay na sahod, isabatas

Malaki ang gampanin ng manggagawa sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa. Subalit, patuloy ang pagpapahirap sa kanila ng kasalukuyang rehimen

Sa Pandaigdigang Araw ng Manggagawa ngayong unang araw ng Mayo, malalaking protesta ang isinasagawa ng mga manggagawang Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa para ipanawagan ang nakabubuhay na sahod.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), kanilang ipinaglalaban at iginigiit sa gobyerno ang kagyat na dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa.

“Ang pagkakamit ng mataas na sahod ay isang global action ang pangangailangan sapagkat tinukoy ng ILO (International Labour Organization) mismo na ang laban sa pagtataas ng sahod ay natatangi sapagkat ang lahat ng manggagawa sa buong daigdag ngayon ay apektado ng implasyon,” pahayag ng tagapangulo ng KMU na si Elmer Labog.

Pagkilos sa Araw ng Paggawa noong Mayo 1, 2023. Pinoy Weekly File Photo

Bukod pa rito, layunin din ng KMU na ipaglaban ang kabuhayan at karapatan ng mamamayan at pagtutol sa Charter change (Cha-cha) ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr.

Matagal na rin nilang tinututulan ang mga pakana ng bawat administrasyon na tanggalin ang mga probisyong nagpoprotekta sa pambansang ekonomiya at patrimonya.

Anila, lalo lang ilulugmok ng Cha-cha ang kalunos-lunos na ngang kalagayan ng manggagawang Pilipino sa oras na tanggalin ang mga proteksiyon sa Saligang Batas.

Bilang bahagi ng paghahanda sa Mayo Uno, nagtipon ang daan-daang manggagawa mula sa pampubliko at pribadong sektor para sa isang Workers’ Assembly na ginanap sa Occupation Safety and Health Center sa Quezon City noong Abril 21 sa pangunguna ng Multisectoral Wage Alliance (MWA).

Nakabubuhay na sahod o living wage ang mariing panawagan ng mga manggagawang dumalo sa pagtitipon.

Sa kasalukuyan, malayo ang P610 na arawang sahod ng mga minimum wage earner sa Kamaynilaan sa dapat na natatanggap na halaga upang mamuhay nang disente.

Ani Luke Espiritu ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), suportado nila ang mungkahing batas ng Makabayan bloc na dagdag P750 sa minimun na sahod sapagkat nararapat na pumantay sa lakas-paggawa ang halaga ng sahod na ibinibigay ng kapitalista.

Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, P1,197 dapat ang arawang kinikita ng isang pamilyang may limang miyembro sa National Capital Region (NCR). 

“Kulang po ’yong minimum na sahod na ibinibigay sa mga manggagawa ngayon. Kulang para sa pang araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa,” ani Renz Soriano, kasalukuyang nagtatrabaho sa isang restaurant sa Quezon City.

Workers’ Assembly ng iba’t ibang unyon noong Abril 21 sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City. Kristen Nicole Ranario/Pinoy Weekly

Lalo pang umaaray ang ilang manggagawa sa iba’t ibang sektor dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin dulot ng implasyon.

Nitong Abril 5, naglabas ang Philippine Statistics Authority ng ulat na kung saan bahagyang tumaas ang inflation rate sa buwan ng Marso kumpara noong Pebrero. Mula 3.4% naging 3.7% ito dahil sa ilang pagtaas ng mga presyo ng pagkain at pamasahe.

“Hindi na angkop ‘yong minimum wage sa mga presyo ng basic commodities,” wika ni Jesus Monteza, machine operator sa isang pagawaan ng sabon sa Maynila.

Maisabatas na ang nakakabuhay na dagdag-sahod na kayang makasabay sa pang-araw-araw nilang gastusin, iyan ang mayor na panawagan ng mga manggagawa.

“Kailangan po maipasa na ‘yong [panukalang dagdag-sahod] kung maaari maibigay na ‘yong family living wage—[iyong] nakakabuhay na sahod. Para may sapat na [pangtustos] ‘yong mga manggagawa,” sabi pa ni Soriano.

Iginigiit pa ng mga dumalo sa pagtitipon na mas makabuluhan at nararapat na magkaroon muli ng pambansang minimum na sahod taliwas sa kasalukuyang pagkakaiba ng sahod sa mga rehiyon.

Napapanahon na rin ang pagdagdag ng sahod dahil noong 1989 pa huling nagkaroon ng legislated wage increase, ayon kay Julius Cainglet, pangalawang pangulo ng Federation of Free Workers (FFW).

Hindi lang sa maliit na sahod may hinaing ang mga manggagawa.

Bukod sa trabaho, pangamba rin ng ilan ang nagbabadyang banta sa kalusugan ng kanilang pangangatawan at kaisipan dulot ng init ng panahon.

Nag-anunsiyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na nasa “danger level” o mapanganib na ang init ng panahon dahil pumapalo na ito ng 42-51 degrees Celsius sa ilang bahagi ng bansa.

Gayunpaman, kaunti o walang tuwirang aksiyon ang maraming kompanya para sa kanilang mga manggagawa.

Sa mga lugar na kanilang pinagtatrabahuan, electric fan pa rin ang madalas na gamit na panlaban sa init.  

“Electric fan lang. Medyo mainit nga ‘yong place of work namin kaya hirap din kami minsan. Lalo na ‘yong mga kasama ko na medyo may edad na. Siyempre pagka ganito kainit, delikado sa heat stroke,” sabi ni Monteza.

May tubig man silang naiinom, hindi naman nadagdagan ang kanilang electric fan na gamit, dagdag pa ng 54 taong gulang na manggagawa.

Forum hinggil sa occupational safety and health noong Abril 28 sa University of the Philippines (UP) Diliman. Juliane Damas/Pinoy Weekly

Isa rin ito sa hinaing ng mga manggagawa ng isang pabrika ng sinulid sa Marikina. Ayon kay Malou Fabella, pangulo ng Pinag-Isang Lakas ng mga Manggagawa sa Manila Bay Thread Corp. (PIGLAS-MBTC), kanila na itong nilalapit sa Department of Labor and Employment (DOLE).

“Sa ngayon, ang nakikita kasi namin na dapat i-improve, kasi sobrang init, ‘yong ventilation. Inaayos pa rin namin,” sabi ni Fabella.

Ayon sa ILO, bukod sa heat stroke at heat stress, nagiging dahilan din umano ang init upang makaranas ng “stress, anxiety, depression, substance abuse, PTSD (post-traumatic stress disorder) at suicide.”

Mayroon ding banta sa mental health ang mga “white-collar jobs” tulad ng mga call center agent at may mas mataas na tsansang silang magkaroon ng mental issues, ayon sa pag-aaral ng ilang siyentipiko mula Canada.

Sabi ni Darren Sunigai, dating business process outsourcing (BPO) worker, walang gaanong pagtugon ang ilang kompanya sa mga mental health problem na kinakaharap ng mga BPO worker.

Aniya, sa ibang industriya’y makikita kaagad ang prayoridad sa occupational safety and health (OSH) ng manggagawa, pero hindi ito gaanong nabibigyang pansin ng mga kompanya sa BPO.

“Sa construction, sa mga hard objects, baka may mahulog, kailangan mo ng PPE (personal protective equipment). Pero sa BPO, ‘pag sinabing, ‘Anong OSH issue, OSH concern sa BPO? Baka wala?’” ayon pa sa kanya.

Noong Set. 29 ng nakaraang taon nang puwersahang pasukin ang tahanan ng beteranong unyonistang si Jude Thaddeus Fernandez sa Binangonan, Rizal. Ang saksi ng kanyang huling hininga—mga armadong pulis na pinagmulan mismo ng mga balang kumitil sa kanyang buhay.

Isa lamang si Fernandez na miyembro noon ng KMU sa 72 na manggagawang pinatay simula 2016, bagaman karapatan ng bawat manggagawang magbuo at umanib sa unyon.

Ayon sa Konstitusyon at Labor Code of the Philippines, karapatan ng mga manggagawang bumuo o sumali sa lehitimong unyon para sa sama-samang pakikipagtawaran sa kani-kanilang kompanya. 

Sa pamamagitan nito, naisusulong ang collective bargaining agreement (CBA) na isang legal na kontratang pinagkasunduan ng employer at unyon upang protektahan at matugunan ang karapatan ng mga empleyado.

Bagaman tila nagbibigay seguridad ang batas, marami pa rin sa mga manggagawa  ng kasapi ng unyon ang nakararanas ng pagsasamantala at panggigipit.

Pagsalubong sa mga labi ng pinaslang na beteranong unyonistang si Jude Thaddeus Fernandez sa UP Diliman noong Okt. 10, 2023. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

“Unang-una sa BPO, hindi ka pa nag-start ng work, orientation pa lang, nasa manual na nila or nasa orientation na nila na bawal mag-unyon. Since, kahit pa sabihin na natin nasa Labor Code ng Pilipinas, constitutional rights ng bawat Pillipino ang mag-unyon or sumapi sa unyon. Pero pagdating sa BPO, balewala ‘yon,” ani Arnie Polares mula sa BPO Industry Employees Network (BIEN).

Itong panggigipit, dama maging ng mga manggagawa sa pabrika. Ayon kay Monteza, naisasantabi maging ang mga benepisyong nilalaman ng CBA na isang lehitimong kontrata.

“Alam mo naman ang mga may-ari ng kompanya, kalimitan kahit nakasulat na iyan,  itinatanggi pa rin nila. Gano’n naman sila eh. Parang ang serbisyo natin, gusto pa nilang ilibre,” aniya.

Mula noong 2001, nitong 2022 lang nakatikim ng Christmas bonus si Monteza bagaman nakasaad ito sa kanilang CBA. Hindi pa nakatutulong na tila nagmamaang-maangan ang management sa kanilang hinaing.

“Late ko na nga lang kasi siya nakita. Pero ‘yong usapan kasi ng mga nakaraang president, ‘yong mga nakaraang ex-[president], sabi kasi nila, inilagay lang daw ‘yon sa CBA para sa formality,” wika pa ni Monteza.

Biktima rin nito ang kanyang mga kasamahang binigyan lamang ng tiglimang araw sa na sick leave at vacation leave sa halip na 15 araw. 

Patunay ito na bagaman legal, walang bigat ang mga CBA sa mga employer. Kahit may karapatan, mas nais ng mga employer ng malaking tubo kaysa kabuhayan ng mga manggagawa.

Karaniwan na rin sa mga naghahanap ng trabaho ang masungkit ng mga alok na trabahong tila may limpak-limpak na benepisyo—incentives, bayad na leave at health maintenance organization (HMO) na bukod pa sa pangakong isang araw lang ay may job offer ka na. Sino ba namang tatanggi?

Ito na ang naging taktika ng mga kompanya upang makaakit ng mga manggagawang hindi lamang desperado ngunit praktikal din sa paghahanap ng trabaho. Lalo na’t sa panahon ng mga nagtataasang bilihin, mahirap ang mabakante’t tumambay dahil panigurado ang kalaunang pagkalam ng tiyan.

Sabi ni Polares, kahirapan at kawalan ng trabaho, mababang sahod sa bansa ang nag-udyok sa kanyang mahulog sa patibong at pasukin ang BPO. 

“Parang wala na akong choice e. Parang feeling ko ito na [yata] ‘yong pinakamagandang mapapasukan lalo pa’t syempre mayroon akong anak, mayroon akong binubuhay,” aniya. 

Tila naging normal na sa industriyang pakagatin ang mga Pilipinong desperadong hindi malubog sa kahirapan. Para bang rinig nila ang kalam ng tiyan ng mamamayan. Sino nga bang hindi kakagat?

Kaya patuloy ang panawagan para isulong at ipaglaban ang mga karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa regular na trabaho, nakabubuhay na sahod at maayos na kalagayan sa paggawa.