close

Para sa manggagawa ngayong tag-init


Hindi na nagiging sapat ang pagsusuot ng mga preskong damit para maging ligtas ngayong tag-init. Lalo na para sa ating mga manggagawa na nagtitiis sa initan para may maiuwi sa kanilang pamilya. 

Naglabas ng Heat Safety demands ang Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) na naglalayong mabigyan ng karagdagang proteksiyon ang mga manggagawa sa kanilang lugar ng trabaho. 

Mahigit isang buwan nang pinagdurusahan ng mga Pilipino ang matinding init. Ilang ulit na rin inanunsiyo na nakakaranas ang maraming probinsya ng dangerous heat index o ang nararamdamang init ng katawan dahil sa init ng hangin at humidity. Sa pagitan ng 42 hanggang 51 degrees Celsius, posibleng makaranas ng hirap sa paghinga, pagkahilo, pagkahimatay at heat stroke.

Hindi na nagiging sapat ang pagsusuot ng mga preskong damit para maging ligtas ngayong tag-init. Lalo na para sa ating mga manggagawa na nagtitiis sa initan para may maiuwi sa kanilang pamilya. 

Ito ang sampung kahilingan ng IOHSAD para sa karagdagang proteksiyon ng mga manggagawa:

  1. Bayad na Heat Break;
  2. Mga kampanya para maiwasan ang mga sakit na maaring makuha ngayong tag-init;
  3. Medikal na pagsusuri para sa kalusugan ng mga manggagawa;
  4. Masuring inspeksiyon kung nakakasunod ba sa safety protocols ang kanilang kompanya;
  5. Paglalagay ng malilim na pahingahan para sa mga manggagawa;
  6. Pag-aayos ng oras ng trabaho upang maiwasang nakabilad sa initan ang mga manggagawa;
  7. Libre at sapat na suplay ng tubig;
  8. Epektibong bentilasyon;
  9. Personal protective equipment na naaayon sa panahon; at
  10.  Laging pagkonsulta sa mga manggagawa.

Ipinanawagan ito ng IOHSAD upang mabigyan ng pansin ng Department of Labor and Employment ang panganib na dulot ng sobrang init sa kalusugan at kapakanan ng mga manggagawa. 

Nais nilang ipabatid na mahalaga ang pagsasaalang-alang ng kaligtasan ng manggagawa sa ganitong isyu lalo ngayon na patuloy ang pagtaas ng heat index sa ating bansa.

Hindi lang basta indibidwal na responsibilidad ang pag-iwas sa heat stroke at iba pang sakit na dala na matinding init—tungkulin ng mga kompanya na siguruhing makatao ang mga lugar ng paggawa.