close
#KuwentongKabataan

Pensiyon ng atleta, nawa’y hindi suntok sa buwan


Isang napakahalagang hakbang ang panukalang batas na ito ipara kilalanin ang kanilang walang katulad na pagsisikap at sakripisyo, anuman ang kanilang naging performance sa mga kompetisyon.

Bilang isang student athlete sa high school sa larong futsal at ilang taon ding pagiging sports writer, labis akong natutuwa sa balitang panukalang batas para sa mga retiradong Pilipinong Olympian, isang hakbang sa paghikayat na tangkilikin ang larong pampalakasan at isang deklarasyon ng pagpapahalaga sa nasabing larangan.

Layong magbigay ng panghabambuhay na buwanang pensiyon na hindi bababa sa P15,000 para sa mga retiradong Olympian na umabot sa edad na 50 ang House Bill 3523 na inihain ni two-time Olympian at Batangas Rep. Eric Buhain.

Isang napakahalagang hakbang ang panukalang batas na ito para kilalanin ang kanilang walang katulad na pagsisikap at sakripisyo, anuman ang kanilang naging performance sa mga kompetisyon.

Bilang isang atleta, alam ko ang hirap at dedikasyon na kinakailangan upang makamit ang tagumpay sa sports. Bagaman maaga rin akong bumitaw sa larangan dahil sa mas pinili kong magsulat at magkuwento, madalas kong naiisip na matapos ang mga taon ng sakripisyo at dedikasyon, ano na ang susunod na hakbang para sa mga atleta?

Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng pensiyon ay nagbibigay ng kasiguruhan na kahit matapos ang sports career, may magbibigay suporta sa kanilang mga pangangailangan sa hinaharap.

Sa kasalukuyang Republic Act 10699 o Sports Benefits and Incentives Act, tumatanggap lang ng isang lump sum na katumbas ng 25% ng insentibo mula sa simula ng kanilang karera hanggang sa pagreretiro ang mga retiradong pambansang atleta at coach na nanalo sa mga internasyonal na kompetisyon.

Aamiyendahan ng panukala ang batas na ito upang masiguro na lahat ng Olympian, nanalo man o hindi, ay magkakaroon ng sapat na suporta pagdating ng kanilang pagreretiro.

Ang kanilang pagsisikap ay dapat kilalanin at suklian ng suporta na makakatulong sa kanilang paglipat mula sa aktibong sports patungo sa mas maayos na buhay.

Bilang sports writer, nakikita ko ang mas malawak na epekto ng panukalang batas na ito. Hindi sapat ang insentibong nakukuha lamang ng mga nanalo, dahil ang bawat Olympian ay nagdala ng karangalan sa bansa.

Ang kanilang pagsisikap ay dapat kilalanin at suklian ng suporta na makakatulong sa kanilang paglipat mula sa aktibong sports patungo sa mas maayos na buhay.

Ayon sa Philippine Olympians Association, mayroon ngayong hindi bababa sa 100 Olympian sa Pilipinas. Ang International Olympic Committee, ang namamahala ng Olympic Games, ay matagal nang nababahala sa career transition ng mga atleta.

Narinig din ng komite ang mga ulat tungkol sa hindi pantay na pagpapatupad ng 20% diskwento para sa mga pambansang atleta at coach.

Ayon sa Drugstores Association of the Philippines Inc., hindi malinaw ang mga patakaran tungkol sa diskuwento, kaya walang atleta ang nakinabang dito. Sinusuportahan nila ang inisyatiba ng gobyerno ngunit umaasa ng mas malinaw na mga alituntunin.

Isang kongkretong hakbang ang panukalang batas para masigurado ang magandang kinabukasan ng ating mga bayani sa sports.

Sa totoo lang, hindi ako nanghinayang sa pagtalikod ko sa larangan dahil ang pagkukuwento ng kanilang karanasan ay isang tropeyo rin na maituturing.

Bilang indibidwal na may malalim na koneksiyon sa sports, pisikal man o sa pagsusulat, nakakatuwang isipin na may ganitong aksiyon mula sa pamahalaan, na sana kalauna’y maisabatas na. Hindi sana ito maging amba lamang para naman ang paglago ng sports sa bansa ay hindi manatiling suntok sa buwan.