close

Rice Tariffication Law, aamiyendahan

Dahil sa malawakang liberalisasyon ng industriya ng bigas upang bigyang daan ang pag-aangkat, lalong nabarat ang presyo ng palay sa kanayunan na nagresulta sa patuloy na pagkalugi ng mga magsasaka.

Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Mayo 6 ang agarang pag-amiyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) para umano magkaroon ng kontrol at impluwensiya ang gobyerno sa lokal na industriya ng bigas.

“Ang problema kasi kaya tumataas ang presyo ng bigas, dahil ang mga trader ay nagko-compete. Pataasan sila sa presyuhan ng pagbili ng palay at wala tayong kontrol doon,” aniya.

Naitala na 24.4% ang rice inflation noong Marso mula sa 23.7% noong Pebrero ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority

Tinututulan ito ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) national chairperson Danilo Ramos. Ayon sa kanya, mula pa man noon, ang pagre-repeal at pagbasura sa batas ang nais nilang mga magsasaka ng palay. 

“Ang amendment is a palliative band-aid,” aniya.

Dahil sa malawakang liberalisasyon ng industriya ng bigas upang bigyang daan ang pag-aangkat, lalong nabarat ang presyo ng palay sa kanayunan na nagresulta sa patuloy na pagkalugi ng mga magsasaka.

Ganito rin ang naging reaksiyon ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo. Walang kahit anong amiyenda aniya sa nasabing batas ang makakapagresolba sa krisis sa bigas.

Sa pangunguna naman ni House of Representatives Speaker Martin Romualdez,  sa ilalim ng RTL, magkakaroon muli ng awtoridad ang National Food Authority (NFA) sa regularisasyon sa presyo ng bigas sa merkado.

Ibabalik ng amiyenda sa NFA ang pagkakaroon ng buffer stock ng bigas at maging tagapangasiwa ng sapat na suplay ng bigas na maaaring gamitin sa mga oras ng pangangailangan o emergency. Tinanggal ito sa mandato ng ahensiya nang naging batas ang RTL noong 2019.

Ayon pa sa kaniya, maaaring ibaba ng ahensiya ang presyon ng bigas sa P30 kada kilo kung sakaling maaprubahan ito.

Sa kasalukuyan, pumapalo sa P50 kada kilo ang lokal na regular-milled rice habang nasa P48-P55 naman kada kilo ang well-milled rice. 

Sang-ayon naman dito ang Department of Agriculture (DA) ayon kay Assistant Secretary Arnel de Mesa. Ngunit, mas nararapat daw kung magiging P40 kada kilo ang bentahan ng bigas. Maaari kasi na malugi ng lubusan ang NFA kung bababa pa dito ang presyo na itatalaga.

Sinalungat naman ito Ramos sapagkat isa umanong panlilinlang sa taumbayan ang tunguhing ito. Iginiit niya na sa limang taong pagpapatupad ng RTL, hindi nagmura presyo ng bigas sa merkado.

“Ngayon, kung makikita natin sa mga pamilihan, P45 o P50 per kilo. Meron pa ngang P60 per kilo pataas,” ani Ramos.

Bukod sa mga nabanggit, isa pa sa tinitingnan na posibilidad ang pagpapatupad muling pagle-label ng mga negosyante ng kanilang mga tindang bigas kung lokal o imported.

Hinaing ni Ramos, sa halip na mga amiyenda ang ipatupad para sa nasabing batas, nararapat na isulong ang inihain ng Makabayan bloc na House Bill 405 o Rice Industry Development Act. Nilalayon nitong magkaroon ang mga magsasaka at mga konsumer ng accessible, ligtas at murang pagkain, pati ang pagsasawalang-bisa sa RTL.

“Tinutulugan ito ng komite, hindi pinag-uusapan, sa halip ang pinagtatalakayan pa e ‘yong propose amendment sa [RTL],” ani Ramos.

Nilalayon ng liderato ng House of Representatives na maipasa ang mga pagbabago sa RTL sa Mayo 25 bago magsara ang regular na sesyon.