close
Pop Off, Teh!

Slacktivist ka ba? 


Sabi ng mga akademiko, ang slacktivism ay pagkilos sa paraang madali at magaan lalo na sa mga kabataan dahil nalilimita lamang ito sa presensiya online.

Nasubukan mo na bang mag-unfollow ng artista dahil ayaw mo sa kanyang sinusuportahan o tahimik siya sa mga isyu ng lipunan? E noong eleksyon 2022, paano mo tiningnan ang mga celebrity na sumuporta sa muling pagbabalik ng mga Marcos sa Malakanyang? Isa ka ba sa mga nakipag-online sabunutan kay Toni Gonzaga matapos niyang suportahan at ikampanya ang kongresistang nagpasara ng ABS-CBN? 

Kamakailan, naglabasan ang mga TikTok video tungkol sa mga celebrity na tahimik at walang posisyon sa genocide sa Gaza.

Sina Taylor Swift, Drake at ilan pang celebrity ang naging target ng “Block Out 2024,” isang umuusbong na panawagan na nagsimula sa TikTok bilang tugon sa balintuna ng maluhong Met Gala at nang walang habas na karahasan sa mga Palestino dulot ng genocide na isinasagawa ng Israel at ng mga makapangyarihang bansang sumusuporta dito.

Lalayo pa ba tayo? Sa Pilipinas, pinukol din si Sarah Geronimo ng mga akusasyong enabler ‘di umano siya ng rehimeng Marcos Jr.

Sa ating madalas gumamit ng social media, binibigyan natin ng malalim na pakahulugan ang posisyon ng mga celebrity sa mabibigat na isyu tulad ng digmaan, karapatang pantao at disaster dahil bibihira sa kanila ang gumagamit ng plataporma nila para iparating ang hinaing ng bayan sa makabuluhang pagbabago.

Ngunit dahil celebrity sila, itinataas din natin sila sa pedestal at inaasahang makapangyayari ng lahat. Tila mga “natutulog na bayani” silang gigising at pupukaw sa atin upang kumilos at baguhin ang lipunan. Ang totoo’y tao lang din sila na may panandaliang espasyo sa showbiz.

Kung talagang naninindigan tayo, huwag nating iasa sa celebrity ang pagbabago ng lipunan. Katulad ng aral ng Martial Law, maraming plataporma ang puwedeng-puwedeng languyan upang makapagpukaw, makapag-organisa at makapagpakilos para makamit ang mga pagbabagong inaasam natin.

Katulad ng anomang artifact ng kulturang popular, hindi pangmatagalan ang estado ng isang celebrity sa industriyang pinaghaharian ng kapital. At kapag nanahimik sila o piniling huwag pumosisyon, magagalit tayo at hahamunin sila sa social media.

Tinawag na “slacktivism” ang aktibismong nakasalalay lamang sa social media at mga pagkilos online. Sabi ng mga akademiko, ang slacktivism ay pagkilos sa paraang madali at magaan lalo na sa mga kabataan dahil nalilimita lamang ito sa presensiya online. Pipilitin nating magsalita ang sinoman dahil “appealing” ito sa ating paningin at sa ating pananaw ito na ang solusyon sa problema ng lipunan.

Pansinin na ang dami nating opinyon kapag “mali” ang sagot ng beauty queen sa isang kontrobersiyal na tanong. Akala natin, kapag nagsalita siya laban sa Balikatan Exercises, nabigyan na ng hustisya si Jennifer Laude o si “Nicole.”

Sa X (dating Twitter) nagiging talamak ang ganitong aktibismo, kapwa sa mga organisado at ‘di organisado. Kung minsan, sila-sila na ang nag-aaway at nagbabatuhan ng putik.

Sa isang banda, epektibo naman ang ganitong aktibismo—halos 200, 000 ba naman ang nag-unfollow kay Taylor Swift nang magsimula ang Block Out 2024. Malaking bilang kung tutuusin pero nang maglabas ng bagong album si TS, ayon at milyon-milyon pa rin naman ang bumili!

Samakatuwid, panandalian lang ang kayang maabot ng slacktivism. Mali ang walang posisyon, ngunit mali rin na ipagpilitang pumosisyon sila lalo na kung hindi nila naiintindihan ang isyu. Paano ipatitimo ang pagkamulat sa isang celebrity na umiikot ang buhay sa ningning at halinang pangako ng showbiz? 

Kung talagang naninindigan tayo, huwag nating iasa sa celebrity ang pagbabago ng lipunan. Katulad ng aral ng Martial Law, maraming plataporma ang puwedeng-puwedeng languyan upang makapagpukaw, makapag-organisa at makapagpakilos para makamit ang mga pagbabagong inaasam natin.

At kung may mga celebrity mang sasama at makikiisa sa mga pagkilos, tiyak na magiging mas makulay at mas maningning ang pakikibaka. Sa ngayon, harapin na muna ating aktibismong tunay na mapagpasya.