close

Unyon, NGO, ginigipit ng ‘bagong modus’


Madalas umanong iugnay ng mga elemento ng estado sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army ang mga unyon at non-government organization kahit na walang matibay na batayan.

Tinawag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na “bagong modus” ng gobyerno ang pagsasampa ng kasong “terrorist financing” sa ilalim ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA) laban sa mga unyonista at mga manggagawa.

Sa ilalim nasabing batas, maaaring i-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga asset at bank account ng mga organisasyon at indibidwal na makakasuhan ng terrorist financing na makaaapekto sa mahahalagang gawain.

“Kapag nadiskaril o natigil ang operations ng mga pro-worker na grupo, nasasagasaan rin at ‘di naa-address ang ibang karapatan ng mga manggagawa,” ani Jerome Adonis, secretary general ng KMU.

Ayon din sa mga lider-manggagawa mula sa buong bansa, nakakabahala ang kanilang kalagayan dahil sa panggugulo, death threat, intimidasyon, walang basehang panghuhuli at panre-red-tag na kanilang patuloy na nararanasan.

Sabi ni Jaime Paglinawan Sr. ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (Ama Sugbo-KMU), imbis na sagutin ang mga panawagang demanda ng mga manggagawa, red-tagging at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso ang naging sagot nila, partikular sa mga manggagawang nag-uunyon.

Kaugnay nito, nagpahayag ng din ng sentimyento si Rauf Sissay ng KMU-Southern Mindanao Region.

“Kami po ay lubos na indignant, dahil po sa patuloy na mga atake sa mga karapatan ng mga manggagawa lalong-lalo na sa freedom of association at iba pang karapatan ng manggagawa,” ani Sissay.

Kinondena rin ng lider-manggagawa ang pagdukot at pagkawala ng isang batikang organisador ng mga manggagawa sa Mindanao na si William Lariosa.

Kinondena rin ni Tonyo Fajardo ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU) sa parehong kasong ipinaratang kay Rhoel Alconera, pangalawang pangulo ng Unyon ng Panadero sa Gardenia Philippines Inc.-Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture-KMU (Panadero-Olalia-KMU).

Ibinasura ang kaso nitong Mayo 8 dahil sa bigong pagsusumite ng karagdagang ebidensya laban sa kasong terror financing, dagdag pa ng lider mula Timog Katagalugan.

“Lalong tinatakot ang mga manggagawa na magtayo ng mga unyon o sumali ng mga unyon [dahil] sa pag-e-equate ng unyonismo sa terorismo”, dagdag naman ni Kamz Deligente ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR).

Nabanggit rin ni Paglinawan ang kamakailan lamang na pagsampa ng kasong terrorist financing laban sa Community Empowerment Resource Network (Cernet), isang non-government organization (NGO) sa Cebu.

Madalas umanong iugnay ng mga elemento ng estado sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army ang mga unyon at NGO kahit na walang matibay na batayan.

Dalawampu’t walong indibidwal mula Cernet ang inakusahan ng kasong paglabag sa Section 8 at Section 9 ng TFPSA ng Joint Task Force Cebu 3rd Infantry Division ng Philippine Army, ayon kay Paglinawan. 

Naglabas nitong Mayo 13 ng arrest warrant ang Cebu City Regional Trial Court Branch 74 para sa 28 kasalukuyan at dating miyembro ng Cernet. Pinatawan ng P200,000 na piyansa ang bawat isang inaakusahan.

Binansagan ding terorista ang Leyte Center for Development Inc. (LCDE), isang NGO sa Leyte at nanguna sa malawakang relief rehabilitation sa Samar at Leyte matapos ang pinsalang dulot ng bagyong Yolanda noong 2013.

Na-freeze ang mga asset at bank account ng pangulo ng LCDE maging ang personal na bank account niya at ng kanyang anak na dinamay ng AMLC.

Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, ginagamit ng gobyerno ang magkakambal na TFPSA at Anti-Terrorism Act para labagin ang mga karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas.

“Ang mga naghihirap at marhinadong komunidad ang mga pinakamalaking biktima ng mga atake laban sa mga naglilingkod na grassroots-oriented development organization at ngayo’y mapagkakaitan ng mga proyekto at serbisyo,” sabi ng Karapatan.

Naninindigan ang Karapatan na dapat ibasura na ang dalawang nabanggit na batas at ang Executive Order 70 na nagtatag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Kabilang sa mga organisasyong inaakusahan ng terrorist financing ang Rural Missionaries of the Philippines at opisina nito sa Northern Mindanao; Paghida-et sa Kauswagan Development Group Inc. sa Negros; United Church of Christ of the Philippines (UCCP) Haran at Brokenshire Integrated Health Ministries Inc. sa Davao City; UCCP Fatima sa Ubay, Bohol; Amihan National Federation of Peasant Women; at iba pang NGO sa Mindanao.